Inday TrendingInday Trending
Akala ng Dalaga ay Kalokohan Lang ang Kwentong Katatakutan ng mga Kasambahay, Siya Mismo ang Nakasaksi at Nagtayuan ang Balahibo Niya

Akala ng Dalaga ay Kalokohan Lang ang Kwentong Katatakutan ng mga Kasambahay, Siya Mismo ang Nakasaksi at Nagtayuan ang Balahibo Niya

Sa lolo at lola lumaki si Annie dahil ang mga magulang niya ay kapwa nasa abroad at nagpapadala na lamang sa kanila. Kaga-graduate lamang ng dalaga sa kolehiyo noong isang taon at sinuwerte siyang makahanap ng trabaho sa isang magandang kumpanya sa Makati.

Mahal na mahal ni Annie ang kanyang lolo at lola kaya ganoon na lamang ang kanyang iyak nang ma-stroke ang matandang lalaki, ngayon ay nakaratay na lamang ito, payat na payat at di na makapagsalita.

“Sabi ng kapitbahay namin sa probinsya, narinig daw nilang umalulong yung aso tapos sinilip ng mister niya kung ano ang naroon, may mga itim na tao daw sa tapat ng isang bahay. Sa takot ng kanyang mister ay tumakbo sa loob. Ba, akalain mong paggising nila ay patay na yung kapitbahay nilang nakatira doon,”sabi ni Mercy, ang isa sa mga kasambahay nila.

“Ganyan din ang lola ko noong nabubuhay, ,nagtatawag ng mga pangalan ng namatay nang kamag anak tapos nagtuturo, sabi ‘ayan na ang sundo!’ paulit ulit gabi-gabi, hanggang mamatay na,” sagot ni Nimfa, ang isa pa.

“Pinaka-nakakatakot na oras ang alas tres dahil iyan daw yung time kung kailan bukas ang lagusan sa kabilang buhay papunta dito sa atin. Pinakamahina raw ang katawan natin niyan, kaya nga karamihan ng namamatay ay ganyang oras.”

“Kaya rin pala may prayer sa TV pag alas tres ng hapon ano? Iyan ba yung oras na namatay si Hesus?”

“Ate Mers, Nimfa, tinatakot nyo lang ang sarili nyo. Mamaya nyan pag may iuutos sa inyo nang hatinggabi matatakot kayo lumabas dahil kung anu-anong pinag uusapan nyo,” saway niya sa dalawa.

“Tsaka, millenial na tayo ngayon. Nasa Maynila pa, walang multo multo, aswang, sundo o kung anu ano pang chuchu yan,” pagpapatuloy niya.

Di na naman sumagot ang dalawa at nagtuloy nalang sa paggagayat ng gulay, kahit pa tutol ang mga ito sa sinasabi niya.

Kinagabihan ay hindi makatulog si Annie. Maalinsangan kasi, ang ingay ingay pa ng aso ng kapitbahay. Nasa subdivision sila at wala pang masyadong tao kaya rinig na rinig niya ang kahol ng aso na tila umiiyak.

Sinulyapan niya ang orasan, 2:45 am. Bigla niya tuloy naalala ang kwentuhan ng mga katulong pero pilit niya rin iyong inalis sa kanyang isipan. Napagpasyahan niyang pumunta sa kusina upang uminom ng gatas, baka sakaling antukin siya.

Sisilipin niya na rin ang kanyang lolo at kukumustahin ito, alam niyang gising ang matanda kapag madaling araw.

“Susunduin na.”

Napalingon si Annie at pilit hinanap kung saan nanggaling ang boses, loko lokong mga katulong ito. Pinanindigan ang pananakot sa mga sarili at pati siya ay dinamay tungkol sa sundo.

“Ate Mers, Nimfa, matulog na kayo. Puro pa kayo kalokohan,” natatawang sabi niya pero wala siyang narinig na sagot. Nagtimpla muna siya ng gatas, tumayo ang mga balahibo niya sa batok nang maramdaman niyang may dumaan sa likod niya.

“Ayos ang trip nyo ah,” sabi niya. Pumunta sya sa kwarto ng mga katulong upang magtago doon at ang mga ito naman ang takutin pero nanlaki ang mga mata niya nang makita si Mercy at Nimfa, mahimbing na natutulog.

Inisip ni Annie na pagod lang siya sa trabaho kaya kung anu ano ang nakikita niya, bumalik na siya sa kusina upang kunin ang gatas at dalhin sa kanyang lolo. Doon muna sya tatambay.

Nasa mahabang hallway na siya patungo sa kwarto ng matanda, sa dulo ang pinto nito at nagulat pa siya nang makita niya ang kanyang lolo na nakatayo sa harap ng pinto.

“Lo? Nakatayo ka?” namamanghang sabi niya, pilit inaaninag ang mukha nito. Siguradong sigurado siyang lolo niya iyon, lumapit pa siya konti at medyo nagtaka dahil nakangiti ang matanda.

Ngiting hindi umabot sa mga mata nito na nangingitim pa rin ang ilalim.

“Susunduin na.”

Sabi lang nito at tumalikod na, pumasok sa kwarto nito.

“Lo!” habol naman ni Annie, pumasok rin siya sa kwarto ng kanyang lolo pero nagimbal siya nang makitang tulog na tulog ang matanda, nakakabit pa ang dextrose. Imposibleng makabalik ito sa kama sa ganoon kabilis na oras.

Kinikilabutan si Annie, sarado ang bintana pero malamig sa kwarto. Napagpasyahan niyang doon na matulog para bantayan ang lolo niya sa kung ano. Maliwanag na ng magising siya, nabungaran niya ang kanyang lola na umiiyak.

“Delfin, palagi mo kaming susubaybayan..”sabi nito sa pagitan ng paghikbi.

Hindi makapaniwala si Annie, iyak siya nang iyak at naniniwala na siya.

Totoo nga ang sinabi ng mga katulong, may sundo.

Isa lang din ang napatunayan ni Annie, kahit na anong harang pa ng mga mahal sa buhay, kung oras na ng isang tao, oras na at darating na ang sundo.

Advertisement