Hindi Pa Huli Ang Lahat

Sa wakas ay nabakante na rin ang maliit na computer shop na binabantayan ni Rommel. Bukod sa mga estudyanteng naglalaro ng online games at mga nagpapaprint ng kanilang mga assignment, project, at iba pang requirements sa paaralan, mangilan-ngilan na lamang ang mga customer na rumerenta ng computer.

Si Rommel ay dalawang taon nang tumatao sa computer shop ng kaniyang tiyuhin. 22 taong gulang na si Rommel subalit hindi pa rin niya alam kung ano ang gusto niyang mangyari sa buhay. Hindi siya nakatapos ng fourth year high school dahil tinamad siyang mag-aral. Puro pagbubulakbol ang inatupag niya noong araw. Kung hindi siya liban, mahilig siyang mag-cutting classes para lamang makapaglaro ng counterstrike.

“Hindi ko na kailangan ng edukasyon. Basta marunong ka magbasa, magsulat, magbilang at magkwenta ayos na iyon,” sabi ni Rommel sa kaniyang barkada noon habang sila ay nag-iinuman.

Para kay Rommel, hindi na niya kailangan ng diploma para lamang mabuhay. Kailangan lamang ng sipag, tiyaga at diskarte. Dahil hindi naman siya nakatapos ng pag-aaral, nahirapang makahanap ng trabaho si Rommel. Hindi rin siya sinasagot ng kaniyang mga nililigawan lalo na kapag nalalamang tambay lamang siya at hindi nakatapos man lamang ng hayskul.

Naawa naman sa kaniya ang tiyuhing si Eddie. Kinuha siya nito bilang tagapagbantay sa itinayong computer shop. Tutal naman daw mahilig siya sa computer kaya bagay sa kaniya ang gawaing iyon.

Maglalaro na sana ng DOTA si Rommel nang walang ano-ano’y may pumasok na isang matandang lalaking may dalang malaking bag. Lumapit ito sa pwesto ni Rommel.

“Hijo, pwede ba akong umupa ng computer?” tanong ng lolo kay Rommel.

Inasiste ni Rommel ang matanda at hinayaan na ito. Ilang minuto lamang, napansin ni Rommel na panay ang sulyap ng matanda sa kaniya. Mukhang may nais itong sabihin subalit nahihiya lamang. Nilapitan ito ni Rommel.

Advertisement

“May problema po ba?” tanong ni Rommel sa matanda.

“Iho, kuwan kasi, hindi ako marunong gumamit nito. Pwede bang tulungan mo akong magpindot-pindot dito?” pakiusap ng matanda kay Rommel.

Naawa naman si Rommel kaya umupo siya sa tapat ng computer at tinayp ang mga sinabi ng matanda na nasa wikang Ingles. Matapos nito, sinabi ng matanda na iimprenta ito.

Habang iniimprenta ni Rommel ang mga pina-type ng matanda, tinanong niya ito.

“Para po ba ito sa apo ninyo, lolo? Ang sipag ninyo naman po. Kayo pa ang inutusan ng apo ninyo na gawin ang homework niya.”

Napangiti ang matanda, “Para sa akin iyan.”

Nangunot ang noo ni Rommel. Noon lamang niya napansin ang nakasabit na ID nito sa damit. Francisco Laurencio. First Year College.

“Nag-aaral pa po kayo?” manghang tanong ni Rommel kay Lolo Francisco.

Advertisement

“Oo hijo. First Year,” nakangiting tugon ni Lolo Francisco.

“Ang galing ninyo naman ho. Buti ho kinakaya pa ninyo? Nagtatrabaho pa po ba kayo?” usisa ni Rommel kay Lolo Francisco.

“Hindi na. Napatapos ko na ang aking mga anak at may mga sarili na silang pamilya. Hindi kasi ako nakatapos ng kolehiyo noon dahi maaga akong nag-asawa. Wala na naman akong gagawin sa buhay ko. Naisip kong mag-aral na lamang at ipagpatuloy ang tunay kong pangarap.” Paliwanag ni Lolo Francisco.

“Kahit ho may edad na kayo?” tanong ni Rommel.

“Kahit may edad na ako. Wala namang edad ang pagkatuto hijo. Kahit uugod-ugod ka na. Patuloy lang sa pangangarap. Ikaw ba? Nakatapos ka ba?” balik na tanong ng matanda kay Rommel.

Kiming napangiti si Rommel at umiling, “Hindi pa po ako nakatapos ng hayskul. Daig pa ninyo ako.”

Hinawakan ni Lolo Francisco ang kanang balikat ni Rommel.

“Bata ka pa naman. Kaya mo pa iyan. Kung ako nga’y nakakaya ko, ikaw pa kayang malakas at bata pa? Pag-isipan mo,” nakangiting payo ni Lolo Francisco kay Rommel. Nang makuha na ang mga papel na naimprenta, nagpaalam na ang matanda at bumalik na sa eskwela.

Advertisement

Napagnilayan ni Rommel ang ipinayo ng matanda sa kaniya. Pakiramdam niya’y sinampal siya sa katotohanan ni Lolo Francisco sa mga sinabi nito. Hindi pa huli ang lahat. Kailangan niyang ayusin ang buhay.

Kinabukasan, nagpaalam si Rommel sa kaniyang tiyuhin na nais niyang bumalik sa pag-aaral. Buo naman ang suporta nito sa kaniya. Nangako pa ito na tutulungan siya sa kaniyang pagbabalik-eskwela. Natuwa ito dahil sa wakas raw ay magkakaroon na ng direksyon ang buhay ng pamangkin. Labis-labis naman ang pasasalamat ni Rommel kay Lolo Francisco dahil sa inspirasyong dulot nito sa kaniya. Kung kaya ni Lolo Francisco, kaya niya rin!