Ang Kapalit ng Kabutihang- Loob ni Lester

Tulad ng nakagawian at araw-araw na ginagawa, sumakay si Lester sa isang pampasaherong dyip patungong Cubao.

Medyo maluwag pa ang dyip na kaniyang nasakyan. Sa bandang tabi ng tsuper, may ilang mga mag-aaral sa kolehiyo na masayang-masayang nag-uusap at tila wala nang bukas ang pagtawa at paghalakhak.

Pakiramdam nila’y sila lamang ang tao sa loob ng sasakyan. Sa bandang dulo naman, sa gawing kanan, nakaupo ang isang matandang babaeng mukhang nagrorosaryo, habang katapat naman niya ang isang ginang na walang humpay sa kagagagamit ng kanyang makabagong gadget na tablet. Isang lalaking nakasumbrero naman ang katapat ni Lester na nakahawak sa bakal na hawakan at tila nagmumuni-muni sa labas.

Kinuha ni Lester ang kaniyang bluetooth earphone mula sa sikretong bulsa ng kaniyang bag. Naiirita siya sa maingay na kwentuhan ng mga mag-aaral na hindi na nahiya sa kanilang nililikhang ingay. Mamaya na lang siya makikisuyo ng bayad, sa isip-isip niya.

Ilang sandali lamang, isang matandang babae ang pumara at sumakay. Tumabi ito kay Lester. Maya-maya, kinalabit siya nito.

“Ihong gwapo, makikiabot lang sana ako ng bayad,” pakikisuyo ng matanda kay Lester. Nagpaunlak naman si Lester na iabot ang bayad nito kahit hindi pa siya nagbabayad ng sarili niyang pamasahe. Sa isang iglap lamang ay napagmasdan ni Lester ang anyo ng matanda. Simple lamang ang pananamit nito at natitiyak niyang mahirap lamang.

Maya-maya, muli siyang kinalabit ng matanda. Itinuro nito ang kaniyang tenga, senyales na ipinatatanggal nito ang suot niyang earphone. Nagsimulang mairita si Lester subalit hindi siya nagpahalata.

“Ano ho iyon, lola?” kalmadong tanong ni Lester.

Advertisement

“Tama ba ang nasakyan ko, iho? Papunta ba itong Cubao?” tanong ng matanda kay Lester.

“Opo tama naman po. Saan po ba kayo pupunta?” tanong ni Lester sa matanda.

“Sa Cubao mismo. Maaari mo ba akong sabihan kapag Cubao na? Hindi ko kasi kabisado ang lugar na ito. Bago lang ako sa Maynila,” pakiusap ng matanda kay Lester. Hinawakan nito ang kaniyang likod at hinagod-hagod.

Nakaramdam naman ng awa si Lester sa matanda. Inalis niya nang tuluyan ang earphone at sinimulang kausapin ang lola.

“Saan po ba kayo galing na probinsiya lola?” magiliw na tanong ni Lester. Bigla niyang naalala rito ang yumaong lola. Mukha namang mabait ang matanda.

“Galing ako sa Aurora. Dadalawin ko sana ang anak ko. Hindi ko nga rin alam kung paano pumunta roon. Wala na rin akong kapera-pera,” pag-amin ng matanda.

Kwento pa ng matanda, nakikipisan lamang daw siya sa kaniyang kapatid sa Caloocan. Matagal na raw yumao ang kaniyang asawa at ang mga anak naman ay may sari-sarili nang pamilya.

Wala siyang regular na pinagkakakitaan kundi paglalabada. At dahil nga lumuwas siya sa Maynila, nahinto rin ang kaniyang paglalaba sa kaniyang mga customer. Nabagbag ang damdamin ni Lester.

Advertisement

Binunot ni Lester ang kaniyang pitaka. Inilabas ang lahat ng perang laman niyon. Iniabot sa kamay ng matandang babae.

“Lola, para po sa inyo iyan. Sana po ay magamit ninyo sa pangangailangan ninyo,” nakangiting sabi ni Lester.

“Sigurado ka ba rito iho? Paano ka? Baka wala kang pera?” paniniyak naman nito. Binilang nito ang kabuuang perang ibinigay ni Lester. Apat na libo at limandaang piso.

“Ayos lang po. Ano nga po palang pangalan ninyo?” tanong ni Lester sa matanda.

Subalit hindi na nasagot ng matanda ang tanong ni Lester dahil bigla itong pumara at nagsabing kailangan na niyang bumaba. Nang tanungin ito ni Lester, sinabi nitong uuwi na siya kaagad upang ibigay ang pera sa kaniyang kapatid dahil kailangang-kailangan nito ng pera.

Ilang minuto lamang pagkababa ng matanda, tila nahimasmasan si Lester. Bakit nga ba niya ibinigay ang lahat ng pera niya sa matanda? Ang mahigit apat na libong pisong iniabot niya rito ay natira sa kaniyang sweldo bilang call center agent. Naalala niya, ibibigay niya ito sa kaniyang nanay bilang pambayad ng matrikula para sa kaniyang kapatid. Tila siya nahipnotismo ng matanda na ni hindi niya nakuha man lamang ang pangalan.

Lalong nanlumo si Lester nang mapansin niyang nawawala ang kaniyang cellphone sa bulsa. Imposibleng mawala iyon bago siya sumakay dahil nakikinig nga siya ng musika bago nangyari ang pagsakay ng matandang tinulungan.

Napagtanto ni Lester na nabudol-budol siya ng matanda. Pagkababa sa Cubao, nagtungo siya sa pinakamalapit na presinto upang ireport at ipablotter ang mga nangyari. Napagtanto ni Lester na hindi masama ang pagtulong sa kapwa subalit kailangan ding mag-ingat dahil marami nang manloloko ngayon.