Inday TrendingInday Trending
Kapitang Mapagpanggap

Kapitang Mapagpanggap

“Magandang umaga po, Kapitan Del Rosario. Isang karangalan pong makapanayam kayo.”

Kinamayan ni Kapitan Luciano Del Rosario ang estudyanteng pinaunlakan niyang makapanayam siya para sa gagawin nitong Character Profile para sa isang matagumpay at iginagalang na opisyal ng barangay. Bahagi ito ng kaniyang requirement sa paaralan.

Pinaupo ni Kapitan Del Rosario ang estudyante. Tinawag niya ang isang kagawad at ipinapasok ang ipinahandang meryenda.

“Magsimula na tayo. Ano ang tanong mo?”

“Gaano na po kayo katagal na nanunungkulan bilang kapitan ng Barangay Baybayin?

Tumikhim muna si Kapitan Del Rosario bago niya sinagot ang tanong.

“Ito ang ikalawang termino ko bilang barangay captain dito sa Barangay Baybayin. Mga nasa anim na taon na. Nagsimula ako bilang kagawad hanggang sa pinalad akong manalo nang tumakbo ako bilang kapitan,” sagot ni Kapitan Del Rosario.

“Sa palagay ninyo po, ano ang sikreto ng inyong magandang track record bilang kapitan ng barangay? Ano-ano po ang mga maipagmamalaki ninyong achievements?”

“Well, maraming mga pasugalan ang naipasara ko. Bumaba ang kaso ng mga nakawan. Marami tayong outreach activity, naipaayos na mga kalsada, naipatayong basketball courts. Nakapagsagawa rin tayo ng tree planting. Marami pa akong plano actually,” sagot ng kapitan.

“Idolo raw po kayo ng kabataan dito sa barangay. Ano pong reaksyon ninyo?” tanong ng estudyante.

“Nagpapasalamat ako kung iyan ang tingin nila sa akin. I’m just doing my job,” nakangiting sabi ng kapitan.

Matapos ang ilan pang mga personal na tanong ay umalis na rin ang estudyante bitbit ang mga kasagutan mula sa mismong kapitang itinuturong na “lodi” ng kaniyang mga nasasakupan.

Kamakailan lamang ay apat na miyembro ng akyat-bahay ang personal na hinabol at hinuli ni Kapitan. Nagpalakpakan ang mga tao nang masaksihan nilang tila nagmukhang action star ang kanilang punong barangay sa pagtugis sa mga magnanakaw.

At ngayon, patungo siya sa presinto upang kausapin ang apat.

“Iwan ninyo muna kami,” pakiusap ni Kapitan sa mga tanod.

“Kapitan… ang pangako ninyo…”

“Huwag kang maingay. Akong bahala sa inyo. Ipagpatuloy ninyo lang ang pagpapanggap na hindi tayo magkakakilala. Palalabasin ko kayo rito. Hindi pa tapos ang pagpapabango ko sa aking pangalan. Manatili lang kayong magpanggap.”

Hindi alam ng mga nasasakupan ni Kapitan, lahat ng mga kaguluhan sa barangay ay kagagawan ng kanilang mismong kapitan. Lahat ng mga pasugalang ipinasara ay pag-aari niya. Lahat ng mga nahuli niyang kawatan ay bayarang tao niya upang magpakitang-gilas sa kaniyang mga nasasakupan. Balak niya kasing tumakbong konsehal sa susunod na halalan.

Makalipas ang ilang araw at nakalaya na ang apat na kawatan. Inutusan ni Kapitan Del Rosario ang apat na magkapalayo-layo kalakip ang tig-sampung libong piso. Palalabasin nilang nakatakas ang mga ito.

Isang umaga, sumambulat sa buong Barangay Baybayin ang lihim ni Kapitan Del Rosario dahil nahuli ang apat na kawatan ng mga pulis. Napaamin ang mga ito na sila ay mga tauhan ni Kapitan Del Rosario. Bukod dito, umamin din ang mga ito hinggil sa mga gawain ng kapitan na ito mismo ang gumagawa ng gulo sa barangay, at ireresolba niya ito upang mapalabas na may ginagawa siya at bayani siya.

Todo tanggi naman ang kapitan sa mga paratang sa kaniya.

“Gawa-gawa lamang iyan ng aking mga kaaway,” tanging tugon ni Kapitan Del Rosario sa media.

“Hindi totoo iyan, kapitan. Matibay ang mga ebidensya laban sa inyo,” tugon ng isang lalaki.

Nagulat si Kapitan Del Rosario nang lumitaw ang estudyanteng nagsagawa ng panayam sa kaniya.

“Ako si Joel Imbatin, anak ng dati ninyong tauhan na ipinaligpit ninyo dahil hindi sumunod sa ipinag-uutos ninyong masama. Lantad na ngayon ang baho ninyo, kapitan. Hindi ka deserving sa pagkakakilala sa iyo ng iyong mga nasasakupan,” matapang na sabi ni Joel.

At sa harap ng media ay isiniwalat ni Joel ang iba’t ibang mga nakalap na larawan at ebidensyang magpapatunay na isang tiwaling opisyal si Kapitan Del Rosario na itinuturing na bayani ng karamihan. Inilaan pala ni Joel ang kaniyang buhay sa pagsubaybay kay Kapitan Del Rosario upang makahanap ng hustisya para sa kaniyang tatay na naging biktima ng kapitan.

Natanggal sa tungkulin si Kapitan Del Rosario, at matapos ang paglilitis, siya ay nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong. Bukod kasi sa mga pasugalan at iba pang panloloko, siya rin ang protektor ng mga nahuhuling nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang barangay.

Ipinalalabas lamang niya na siya ang nakahuhuli upang maging maganda ang kaniyang imahe para sa lahat. Nagkaroon ng tunay na kapayapaan at kaayusan sa Barangay Baybayin nang mawala si Kapitan Del Rosario. Tunay ngang walang lihim na hindi nabubunyag.

Advertisement