Inday TrendingInday Trending
Sarili Laban Sa Sarili

Sarili Laban Sa Sarili

“Danica, sayang ang talino’t ganda mo kung hindi mo iyan gagamitin! Hindi pwedeng habang buhay itatago mo lang ‘yan. Sumali ka na sa pageant, ha? Kayang-kaya mo naman ‘yon! Ako bahala sa’yo, sa lahat ng gagamitin mo! Ang tanging gagawin mo lang ay rumampa’t sumagot sa tanong ng mga hurado,

“Kapag ikaw ang nanalo doon, ikaw ang ilalaban sa ibang schools! Naku, sigurado ako panalo na tayo sa kanila! Malaki ang lamang mo sa ibang kandidata,” sambit ng guro ng dalaga na si Ginang Santos, tila gustong-gusto nitong pasalihin ang dalaga sa isang patimpalak ng kagandahan, bilib na bilib ito sa angking talino’t kagandahan ng dalaga.

“Pero Ma’am, hindi naman po kasi ako sanay sa mga ganoon. Baka mamaya mapahiya lang ako sa harapan ng maraming tao,” nguso ng dalaga, halatang hindi niya talaga gustong sumali sa naturang patimpalak.

“Paano ka masasanay kung hindi mo susubukan? Paano mo malalaman yung kakayahan mo kung hindi ka kakawala sa kahon na binakod mo sa sarili mo?” tanong ng guro, labis niyang pinapaliwanagan ang dalaga.

“Ma’am, ayoko po talaga,” matipid na tanggi nito, halos hindi siya makatingin sa mata ng guro dahil sa kahihiyan.

“Hindi, subukan mo lang. Tuturuan muna kita, kung hindi mo talaga gusto, hindi na kita pipilitin,” pagpupumilit nito. Wala namang nagawa ang dalaga kundi pumayag na rin sa huli, ngunit hindi talaga buo ang loob niya sa pagsali sa patimpalak.

“Sige po, Ma’am. Salamat po! Alis po muna ako, may klase pa po ako sa ibang subject,” ika ng dalaga saka tuluyang umalis sa opisina ng guro. Bakas sa mukha niya ang kaba’t pangangamba sa napasukang sitwasyon.

Isang normal na estudyante lamang naman talaga ang dalaga noon. Pero nang tumuntong siya sa ikalawang taon sa kolehiyo, doon na napansin ng karamihan ang natatanging kagandahan at talinong mayroon siya. Kaya naman ganoon na lang ang kagustuhan ng kaniyang mga gurong pasalihin siya sa mga patimpalak sa paaralan.

Alam kasi nilang panigurado, makukuha ng dalaga ang koronang inaasam nila. Ngunit tila lingid sa kagustuhan ng dalaga ang pagsali sa mga ganitong klaseng patimpalak. Mahiyain kasi ang dalaga at tila walang bilib sa sarili. Kaya naman lahat ng paraan ay ginawa ng kaniyang guro para lang mapalabas ang natatanging talento ng dalaga.

Kinabukasan, agad na pinatawag ang dalaga upang magsimula na sa pagsasanay. Ayaw man niya, napilitan siyang isukat lahat ng damit na nais ipasuot sa kaniya.

“O, subukan mo naman itong swimsuit. Sigurado ako lilitaw ang ganda mo dito,” utos ng guro sa dalaga.

“Eh, ayoko po niyan, Ma’am. Itong mga gown po ayos na sa akin, huwag lang po iyang swimsuit. Alam niyo naman pong hindi ako mahilig magsuot ng mga damit na labas ang balat masyado,” depensa ng dalaga saka ibinalik sa guro ang binigay na swimsuit.

“Magtiwala ka sa’kin, kaya mo ‘yan, Danica. Sige na, pumasok ka na doon sa banyo,” utos ng guro sa kaniya, sumunod naman ang dalaga kahit pa napipilitan, hinubad niya ang kaniyang mga damit saka isinuot ang swimsuit na binigay sa kaniya.

Mayamaya pa, lumabas na ang dalaga. Tila napanganga lahat ng gurong andoon sa silid na iyon nang makita ang kagandahan niya. Mas lalo pang lumabas ang taglay na ganda nito. Tuwang-tuwa naman ang guro niya.

“O, diba sabi sa’yo, eh? Halika dito, tignan mo ang sarili mo sa salamin,” yakag ni Ginang Santos sa dalaga, dahan-dahan naman itong lumakad patungo sa salamin,

“Tignan mo, sobrang ganda mo, diba? Iyang katawan na ba ‘yan ang dapat ikahiya? Ngumiti ka’t ipagmalaki mo ang sarili mo. Nang sa ganoon, matalo mo lahat ng kalaban mo. Matalo mo lang ang sarili mong kahinaan, matatalo mo rin ang iyong mga kalaban,” saad pa ng guro, tila napaluha naman ang dalaga sa mga sinabi ng ginang. Napagtanto niyang tila napanghihinaan nga siya ng loob dahil wala siyang bilib sa kaniyang sarili.

Simula nang araw na ‘yon, tila natauhan ang dalaga. Ang dating mahiyain at walang bilib sa sarili, isa na ngayong ganap na kandidata sa nasabing patimpalak.

Dahil nga sa kaniyang angking talino’t kagandahan, tinaguriang kampyon sa nasabing patimpalak ang dalaga. Siya ang tinanghal na pinakamagandang dilag sa buong paaralan. Labis ang kasiyahan ng gurong nagtulak sa kaniya palabas sa kaniyang “comfort zone”.

“Marami po talagang salamat, Ma’am! Kung hindi dahil sa matiyaga mong pag-aasikaso sa’kin, hindi ko ito maabot,” iyak ng dalaga matapos siyang koronahan saka niya niyakap ng mahigpit ang guro.

“Magtiwala ka lang sa sarili mo, paniguradong lahat ng tao’y magtitiwala rin sa’yo,” wika nito saka pinunasan ang luha ng dalaga.

Hindi mo kailanman masusubok ang iyong sariling kakayahan kung hindi mo susubukang ilabas ito. Magtiwala’t bumilib sa sariling kakayahan upang tagumpay iyong makamtan.

Advertisement