Inday TrendingInday Trending
Guro Sa Bilibid

Guro Sa Bilibid

“Ma’am, baka naman po pwedeng sa ibang paaralan na ako madestino. Pangako kahit po maliit ang sahod, papatusin ko na. Huwag lang po doon sa kulungan. Ayoko po talagang magturo sa mga kriminal. Baka mamaya hindi na ako makalabas doon ng buhay,” nguso ni Michelle sa nakatataas na guro sa kaniya, tila ayaw niyang pumayag na sa kulungan siya magtuturo ngayong taon.

“Ms. Michelle, wala na akong mapagdadalhan sa’yong iba. Doon na lang talaga sa kulungan ang may bakanteng posisyon. Malaki naman ang sahod kapag doon ka nagturo, isa pa kakaibang karanasan ang makapagturo sa mga tulad nilang nais muling magsimula sa buhay,” tugon ni Ginang Teng sa kaniya, pilit niyang kinukumbinsi ang dalaga na magturo sa kulungan.

“Kahit na, Ma’am. Ayoko po talaga doon. Maawa na po kayo sa akin, hindi po ako nag-aral ng apat na taon para lang magturo sa mga kriminal,” depensa pa ng dalaga, bahagya na siyang nadidismaya sa pasya ng ginang.

“Bakit hindi mo muna subukan? Huwag mo agad silang husgahan, Ms. Michelle. Lahat ng tao may mapait na nakaraan, at lahat ng tao may karapatang magbago. Sige na, pumunta ka na sa kulungan. Naghihintay na sa’yo ang mga kapwa mo guro doon, lalo na ang mga nakakulong mong estudyante. Kaya mo yan, siguro akong labis kang makakatulong sa kanila,” pangungumbinsi pa sa kanya ng ginang. Wala nang nagawa ang dalaga kundi sumunod sa nais ng ginang. Kahit pa lingid sa kagustuhan niya, para lang may kitaing pera, kinagat niya na rin ang pagtuturo sa loob ng kulungan.

Isang guro sa isang kilalang paaralan si Michelle. Ginawa niya ang lahat para makapagturo sa paaralan na ito. Dumaan siya sa madugong pagsusulit at interbyu. Kaya naman tila labis ang pagkadismaya niya nang malamang napasama siya sa isang extension program ng kanilang paaralan kung saan magtuturo siya sa loob ng kulungan. Hindi mga normal na estudyante ang kaniyang tuturuan, kundi mga taong may sala na nakakulong.

Nang araw ngang iyon, nagtungo na ang dalaga sa kulungang pagtuturuan niya. Pagdating niya pa lang sa kulungan, nakarinig na agad siya ng mga sumisipol na mga lalaking pilit sumisilip sa rehas ng kulungan.

“Diyos ko, ano ba ‘tong napasukan ko. Ikaw na pong bahala sa’kin!” dalangin niya bago pumasok sa isang silid kung saan naghihintay ang mga tuturuan niyang inmate.

Pagpasok niya pa lang, binati na agad siya ng mga ito. Halos lahat sila ay nakangiti sa kaniya, kitang-kita sa mga mata’t ngiti ng mga ito ang kasabikan sa pag-aaral.

“Magandang umaga sa inyo, bago tayo magsimula sa ating aralin, magpakilala muna kayo sa akin,” ika niya, tila umiwas naman ng tingin ang mga ito, tila walang may gustong magpakilala. Ngunit may isang lalaking naglakas ng loob.

“Ma’am! Ako po!” taas ng kamay nito, “Ako po si Jose Diaz, apat na put pitong taong gulang. May tatlo po akong anak, lahat ata sila nakalimutan na ako,” bahagyang humina ang boses ng lalaki.

“Nakapaslang ko kasi ang pinsan kong kabit ng asawa ko. Pero handa na po akong magbago ngayon,” mangiyakngiyak na kwento nito saka naupo.

Doon nabasag ang kahihiyan ng ibang inmate. Nagsimula nang magpakilala ang iba, ang iba’y napagbintangan lang pala. Habang ang iba nama’y nadala lang ng pinagbabawal na gamot kaya nila nagawa ang mga bagay na iyon.

Doon rin natutunan ng dalaga na halos lahat sila, tila labis ang pagsisisi sa kanilang nagawa noon. Nagkasala man sila, labis naman ang kagustuhan nila ngayong umpisahan muli ang buhay na sinubok ng tadhana.

Ito ang naging dahilan upang ganahan ang dalaga sa pagtuturo sa nasabing kulungan. Naging inspirasyon niya ang bawat kwento ng mga taong ito para ibigay ang lahat na makakaya niyang matulungan ang mga ito.

Nasiyahan siya sa pagtuturo sa mga ito. Ibang-iba man sa mga normal na estudyante, tila mas marami siyang natutunan tungkol sa buhay na siguradong magagamit niya upang mapabuti ang sarili niyang buhay.

Lumipas ang mga taon na doon na nga napermanenteng nagtuturo ang dalaga. Halos hindi mabilang ang mga inmate na nakapagtapos ng pag-aaral. Ang iba’y saktong paglaya nila, graduate na sila dahilan upang ganoon na sila makakuha ng trabaho paglabas. Isa sa mga ito si Jose, na isa na ngayong guro at ganoon na muling nakasama ang kaniyang mga anak.

“Maraming salamat sa pagtitiwala mo, Ma’am. Dahil sayo, lalo pang tumaas ang tiwala ko sa sarili ko. Tignan mo ako ngayon, guro na,” sambit nito isang araw nang mapadalaw sa kulungan kasama ang ibang inmate noon.

“Hindi ako nagkamali sa pasyang ituloy ito kahit napipilitan ako. Buti na lang pala sinubukan ko,” saad niya sa sarili habang nakamasid sa mga inmate na dumalaw sa kaniya.

Minsan ilalagay tayo ng Panginoon sa lugar kung saan masusubok ang ating kakayahan. Mangyari lamang na magtiwala ka, dahil may mabuti Siyang plano sayo.

Advertisement