Dalagang Bintangera

“Saang hotel ba tayo titigil? Ayoko sa pipityuging hotel, ha? Sayang ang ganda ko kung doon mo ako papatulugin. Gusto ko yung hotel na may swimming pool, para naman masuot ko na itong two piece na swimsuit ko,” ika ni Mia sa kaniyang nobyo habang abala sa pag-eempake ng kanilang mga dadalhing damit at gamit sa kanilang pagbabakasyon.

“Oo naman, Love. Hindi naman kita papatulugin sa ganoong klaseng hotel. Malaki ang posibilidad na mapahamak tayo sa mga ganoong hotel. Teka, gusto mo may swimming pool? Sakto! Doon sa pinagtanungan kong hotel, may swimming pool. Magpapa-reserve na ako, ha?” sabik na ika ni Jerico saka pinakita sa nobya ang mga litrato ng naturang hotel.

“Sigurado ka bang maganda diyan? Tignan mo nga yung mga reviews ng customers sa hotel na ‘yan para makasigurado tayo,” utos ng dalaga, tila hindi siya tiwala sa nasabing hotel.

“Ayos naman daw yung hotel na ito, Love. Sa katunayan nga raw, bukod sa maganda ang hotel nila, magagaling pa ang mga empleyado nila,” sabi ng binata, bakas sa mukha niya na nais niyang pagkatiwalaan ng dalaga ang kaniyang nakitang hotel.

“O sige, ha? Sana nga totoo ‘yang mga reviews sa kanila. Sandali lang, ha? Maliligo na ako. Baka maabutan na tayo ng traffic! Kumain ka na diyan, ha? Tapos iayos mo na rin yung mga susuotin mo ngayon para paglabas ko, mabilis ka na makakakilos,” paalam ng kaniyang nobya, tumango lamang ang binata at ngumiti.

Sa murang edad ng dalawang magkasintahan tila nabiyayaan na kaagad sila ng yaman sa buhay. Sa edad nilang dalawang put pito, maayos na nilang napapalakad ang kanilang sariling business. Dahilan upang umalwan sila sa buhay.

Halos buwan buwan, kung saan saan silang lugar napapadpad upang mamasyal. Kung minsan naman pupunta sila sa ibang bansa para makipagkita sa kanilang mga investors.

Ngayong buwan naman, tila napagpasyahan nilang mamalagi sa isang hotel upang makapagpahinga sa trabaho. Pinili nila ang hotel na malayo sa kabihasnan upang sa ganoon, tunay sila makapag-relax at magsaya. Malayo sa mga ingay ng sasakyan, usok at nagtataasang mga building.

Advertisement

Mayamaya pa, tuluyan nang umalis ng bahay ang magkasintahan. Halos tatlong oras na biyahe rin bago sila makarating sa naturang hotel, malapit sa isang sikat na pasyalan. Ngunit tila may problema na agad silang kinaharap pagpasok nila sa kanilang binayarang kwarto. Tila nawawala kasi ang isang bag ng dalaga, dito nakalagay lahat ng kaniyang ATM, pera at mga importanteng dokumento.

“Love! Hindi pwedeng mawala ‘yon! Hanapin mo ‘yon!” sigaw ng dalaga.

“Teka, hindi kaya nakuha na ‘yon noong lalaking nagdala ng mga gamit natin dito sa loob ng kwarto? Nakikilala mo ba ang mukha niya?” tanong ng dalaga, tila desidido siyang makita ang nasabing lalaking pinaghihinalaan niya.

“Oo, pero sigurado ka ba? Baka naman mapahiya lang tayo, ha?” pag-aalinlangan ng binata.

“Sigurado ako! Sige na ipagtawag mo ‘yon! Nanggigil na ako. Pinaghirapan ko lahat ng laman no’n!” utos pa nito sa binata, wala namang magawa ang binata kundi sumunod.

Pagdating pa lang ng lalaking nagdala ng mga gamit nila, agad na itong binulyawan ng dalaga dahilan para mapahangos sa kanilang silid ang manager ng hotel.

“Ma’am, pasensya na po kayo. Saglit lang po at titignan po namin ang CCTV camera namin para makita kung talagang kinuha niya ang bag niyo,” tugon ng manager sa reklamo ng dalaga.

“Aba dapat lang! Kundi, mapipilitan akong ipasara ang hotel na ito. Kung ako sa inyo, sa susunod, kumuha kayo ng empleyadong magaling magserbisyo, hindi yung empleyadong magaling magnakaw!” bulyaw pa ng dalaga, halos lahat ng mga namamalagi sa ibang solid ay napalabas na dahil sa kaniyang pagbubunganga.

Advertisement

“Ma’am, wala po talaga akong kinuha. Parang-awa niyo na po, kumalma po kayo. Matatanggal po ako sa trabaho, may pamilya po akong pinapakain,” pagmamakaawa ng naturang lalaki ngunit hindi ito pinansin ng dalaga at lalo pa itong binungangaan.

Ilang minuto ang makalipas, bumalik sa kanilang silid ang manager, kasama ang pinaghihinalaan niyang lalaki, dala-dala nila ang kopya ng CCTV camera. Pinanuod ito kaagad ng manager sa dalaga.

“Kung makikita niya po, wala po kayong inabot na bag sa aming empleyado. Dalawang maleta lang po ang buhat niya, at isang paper bag. Sigurado po ba kayong dala niyo ang tinutukoy niyong bag? Baka naman po naiwan niyo sa inyong bahay o sasakyan?” sabi ng naturang manager, tila napaisip naman ang dalaga habang dali-daling nagtungo sa kanilang kotse ang binata. Pagbalik ng binata, dala-dala na nito ang bag na hinahanap ng nobya.

Tila labis na kahihiyan ang naramdaman ng dalaga, hinihiling ng manager na humingi siya ng tawad sa empleyadong pinagbintangan at napahiya niya. Kahit pa, labag sa loob niya, humingi siya ng tawad sa lalaki. Binigyan niya na rin ito ng salaping pampalubag loob.

“Pasensya ka na, ha? Mali yung ginawa kong pamimintang. Kung nagkataon pala makakapamerwisyo pa ako ng pamilya,” nakatungong ika ng dalaga, tumango lang ang lalaki saka ngumiti sa kaniya, kahit pa bakas sa mukha ang kaba’t takot na mawalan ng trabaho.

Ang pangyayaring iyon ang naging dahilan upang maging maingat na sa mga husga ang dalaga. Tila natutunan niyang hindi por que may nawawala sa kaniya, magbibintang na agad siya sa iba.

Mahirap magbintang kung walang ebidensya, dahil sa huli ikaw lang ang masasampal ng katotohanan.