
Labis ang Pagmamalaki ng Ginang sa Anak na Nag-Aaral sa Ibang Bansa; Manlulumo Siya nang Malaman ang Katotohanan
Hindi pa man pumuputok ang araw ay nagbabanat na ng buto ang binatang si Buboy kasama ang kaniyang inang si Aling Mareng sa palengke. Nagtitinda ng isda ang matandang ginang habang ang binata naman ang kaniyang taga-linis.
Ilang sandali pa ay dumating naman ang nagtitinda ng karne na si Aling Lita kasama ang ilan niyang tauhan.
“O, Mareng, kasama mo naman pala itong si Buboy? Talagang hindi na siya pumasok ng kolehiyo, ano? Sayang at makapagtatapos na sana siya ngayong taon!” bati ng ginang.
“Nag-iipon pa rin kami para sa pag-aaral niya. Mahirap kasi na bigla na namang mahinto. Malapit na rin namang matapos ang hulog sa naisanla kong bahay. Ngayon pa lang kasi kami nakakabawi-bawi mula nang magkasakit at lumisan ang asawa ko,” tugon naman ni Mareng.
“Bakit kasi hindi siya kumuha ng iskolarsyip? Buboy, tingnan mo nga ang kababata mong si Gerald, ang anak ko, nasa ibang bansa ngayon at nag-aaral dahil pinabutihan niya talaga sa eskwela. Ang problema na lang namin sa kaniya ay ‘yung panggastos niya. Pero sagot na rin naman ng eskwelahan ang lahat!” pagmamalaki ni Lita.
“Sabagay, sa hilatsa nitong si Buboy ay mukhang hindi talaga mahilig mag-aral. Dapat kasi ay nagsasasama ka sa anak ko noon! Ayan tuloy at ganiyan lang ang inabot mo! Magtitinda ka na lang ng isda dito kasama ng nanay mo!” dagdag pa ng ginang.
Napayuko na lamang si Buboy.
Sa totoo lang ay mataas ang pangarap nitong si Buboy. Hindi man siya kasing talino ng kababata niyang si Gerald ay may ibubuga rin naman ang binata. Ngunit tinamaan kasi ng matinding pagsubok ang kanilang pamilya nang magkaroon ng malubhang karamdaman ang kaniyang ama. Halos maibenta na ang lahat ng kanilang ari-arian. Nalubog din sila utang maipagamot lang ang haligi ng tahanan ngunit humantong rin ito sa paglala ng kalagayan nito hanggang sa tuluyan na itong binawian ng buhay.
Ang tanging naiwan lamang sa mag-ina ay isang katerbang utang.
Kaya para makatulong sa magulang ay pinagpaliban muna ni Buboy ang kaniyang pag-aaral. Lagi rin niyang sinasamahan ang ina dahil alam nga niyang malungkot pa rin ito.
Kaya ganoon na lamang ang sakit sa kalooban ni Buboy sa tuwing nakakarinig siya ng masasakit na salita galing sa kaibigan ng ina.
Kinabukasan ay ubod nang lakas ng bunganga ni Aling Lita. Maingay man sa palengke ay nangingibabaw pa rin ang boses ng ginang. Kausap kasi nito ang kaniyang anak na nasa ibang bansa.
“Anak, kumusta ka na riyan? Kailan ka ba matatapos sa pag-aaral? Nag-iipon na kami ng daddy mo ng pera para makapunta kami riyan at masabitan ka ng medalya! Lagi nga kitang pinagmamalaki rito at napakagaling mo kako! Pagbutihin mo riyan, anak, ha!” sambit pa ni Aling Lita.
Pagbaba ng selpon ay walang humpay sa pagmamalaki itong si Aling Lita.
“Kausap ko ang anak ko. Mareng! Nasa ibang bansa kasi iyon at nag-aaral, hindi ba? Ang talino niya, ano? Malapit na siyang magtapos sa pag-aaral. Kapag nakatapos siya ay makakahanap na siya ng trabaho sa ibang bansa at hindi na ako magtitinda pa rito sa palengke. Doon na kami titira ng daddy niya! Kung pinag-aaral mo rin iyang si Buboy ay may pag-asa pa sanang iahon ka niyan sa hirap. Ito naman kasing anak mo, ayaw magsumikap!” pagmamayabang ni Aling Lita.
“Papasok naman siya sa kolehiyo. Inaayos lang namin ang lahat para hindi na siya mahinto pa,” depensa muli ni Aling Mareng sa anak.
“Hay, hindi na ako makapaghintay na makatapos ng pag-aaral itong si Gerald. Ang sabi pa niya ay itutuloy na raw niya sa masteral ang kaniyang pag-aaral. Napakasipag talaga! Kaunting tiis na lang at lilisanin ko na rin ang palengkeng ito at makakahawak na rin ako ng nyebe!” wika namang muli ni Aling Lita.
Lumipas ang ilang buwan at tuluyan nang nakapasok si Buboy sa kolehiyo. Gayunpaman ay minamaliit pa rin ito ni Aling Lita dahil sa pampublikong unibersidad lamang daw ito nag-aaral.
“Iba pa rin kasi kapag may pangalan ang eskwelahan mo. Ano namang makukuha mong trabaho dito sa Pilipinas kung basta-basta lang ang pinasukan mong kolehiyo? Mabuti na lang at hindi ko talaga problema ‘yan sa anak ko! Apat na taon na lang ulit at may doctorate na siya! Mahilig talagang mag-aral ang anak ko na ‘yun!” dagdag pa ni Aling Lita.
Hindi na pinakinggan ni Buboy ang masasakit na sinasabi sa kaniya ni Aling Lita. Makalipas ang ilang taon ay nakatapos na rin siya ng pag-aaral at naging isa nang ganap na seaman!
Isang araw habang nasa Amerika ay nagpasya si Buboy na sumama sa ilang kasamahan upang mag good time. Ngunit isang pamilyar na mukha ang kaniyang nakita.
Nakita niya ang kababata at anak ni Aling Lita na si Gerald. Nasa labas ito ng bar at parang namamalimos sa lansangan.
“Gerald, bakit ganiyan ang itsura mo? Ano’ng nangyayari sa iyo?” bungad ni Buboy.
Nahiya naman si Gerald nang makita ang kababata.
“Ang akala ko ay nag-aaral ka sa isang unibersidad dito sa Amerika? Panay nga ang kwento ng mama mo sa amin. Bakit ganito ang sinapit mo?” patuloy na pagtatanong ni Buboy.
“H-hindi ako nakatapos ng pag-aaral dito sa Amerika. Ni hindi ko nga natapos ang unang taon. Napasama kasi ako sa masasamang grupo. Natatakot ako na baka mapauwi ako kaya nagtatago ako ngayon sa batas. Ngayon, para mabuhay ako rito ay naghahagilap ako ng pagkain sa basura at namamalimos. Ayaw kong bigyan ng sama ng loob ang mga magulang ko, ayaw kong pagtawanan sila kaya kahit mahirap ay tinitiis kong mabuhay rito. Pero ang totoo ay gusto ko nang umuwi,” naiiyak na tugon naman ni Gerald.
“Huwag mo nang isipin ang sasabihin ng ibang tao. Ang mahalaga ay makauwi ka sa atin sa Pilipinas para makapagsimula kang muli. Huwag kang matakot na bumangon. Kailangan mo nang sabihin sa mga magulang mo ang totoo upang maibsan na rin ang bigat riyan sa dibdib mo. Huwag kang mag-aalala, Gerald, tutulungan kitang makauwi sa Pilipinas. Heto ang pera, gamitin mo muna ito pansamantala,” wika muli ni Buboy.
Nahahabag si Buboy sa sinapit ng kaniyang kababata sa Amerika. Hindi niya akalain na matagal na pala itong nagbabalat-kayo sa kaniyang mga magulang. Alam man niyang sasama ang loob ng ina nitong si Aling Lita ay tinulungan ni Buboy si Gerald na makauwi ng Pilipinas.
Hindi makapaniwala si Aling Lita nang malaman ang tunay na nangyari. Ang masakit pa noon ay ang dati niyang inaalipusta at minamaliit na binatang si Buboy pa ang tumulong upang mapauwi ng Pilipinas si Gerald.
“Pasensiya ka na sakin, Buboy. Pasensiya ka na kung marami akong nabitawang masasakit na salita sa iyo noon. Ngayon naman ay napatunayan mo sa akin na mali ako. Patawad talaga at maraming salamat sa kabutihan mo. Kung hindi mo pa nakita itong si Gerald ay baka lalo na siyang nahihirapan ngayon sa ibang bansa,” saad ni Aling Lita sa binata.
“Wala po iyong anuman, Aling Lita. Kaibigan ko po itong si Gerald kaya po tutulungan ko siya sa abot ng makakaya ko. Saka hindi pa naman po huli ang lahat para magsimulang muli. Hindi naman karera ang buhay. May tamang panahon ang lahat. Basta maniwala ka lang na habang may buhay ay may pag-asa,” sambit naman ni Buboy.
Nagpatuloy sa pagiging seaman itong si Buboy at tinulungan niya ang ina na makaahon sa hirap ng buhay. Ngayon ay hindi na nagtitinda si Aling Mareng sa palengke. Naisama na rin niya ang ina sa ibang bansa at doon na sila nanirahan.