Naisipang ng May-ari ng Kainan na Ipamigay na lang ang Kanilang mga Pagkain Dahil Palugi naman na Iyon; Isang Himala ang Mangyayari dahil Doon

Naisipang ng May-ari ng Kainan na Ipamigay na lang ang Kanilang mga Pagkain Dahil Palugi naman na Iyon; Isang Himala ang Mangyayari dahil Doon

MiracleStoriesSuccess

“Okay lang kayo, papa?” tanong ng binatang si Malcom sa kaniyang amang si Herman nang maabutan niya ito sa kanilang kainan habang malungkot nitong pinagmamasdan ang buong lugar. Galing pa sa trabaho ang binata ngunit minabuti niyang dumiretso muna rito dahil alam niyang narito na naman ang kaniyang ama.

“Ayos lang naman ako, anak. Nanghihinayang lang kasi ako. Matagal-tagal na rin itong kainan namin ng mama mo. Naalala ko na dito nagsimula ang mga pangarap namin habang bumubuo kami noon ng pamilya. Ito na rin ang ipinangpaaral namin sa inyong dalawa ng kapatid mo, kaya parang napakahirap sa akin na bitiwan ito,” nayuyuko namang tugon ng kaniyang ama sa pag-alala sa kaniyang nasirang ina. Mababakas ang namumuong luha sa mga mata nito na pilit man nitong itago ay hindi pa rin nakaligtas sa kaniyang paningin.

Tinapik ni Malcom ang balikat ng ama. “P’wede pa naman po siguro nating isalba ito, papa. Baka may paraan pa,” sabi pa ni Malcom upang pagaanin ang loob nito.

Ngunit umiling lamang si Mang Herman bilang tugon sa kaniyang anak. “Hindi na, anak. Baka magsayang lang tayo ng pera kung pipilitin nating isalba ito. Simula nang itayo ang restawran na ’yan d’yan sa tapat, nawala na rin ang lahat ng kostumer natin, anak. Siguro, talagang napag-iwanan na ng panahon ang mga recipe namin ng mama mo.”

Hindi na nagsalita pa si Malcom bagkus ay nginitian na lamang ang ama bilang pagrespeto sa desisyon nito. “Pero ano po ang balak n’yo sa mga stock nating natitira? Iuuwi na lang ba natin, papa?” tanong pa niya bilang pag-iiba ng usapan.

“Naku, hindi, anak. Baka masira lang sa atin ang mga ’yon kaya ang balak ko’y iluto na lang ’yon ngayon at ipakain nang libre sa mga tao. Para naman maganda ang pagpapaalam natin sa kainang ito, anak,” sagot naman ng ama na nakapagpangiti kay Malcom.

“Maganda nga ’yan, ’Pa! Tutulong po ako!”

“Naku, hindi ba at kakagaling mo lang sa trabaho?” Akmang pamimigil nito sa pag-aalok niya ng tulong.

“Yakang-yaka ko ’yan, Papa! Ako pa ba, e, mana ako sa inyo!” Dahil sa tinurang iyon ni Malcom ay nagkatawanan pa ang mag-ama bago sila nag-umpisang magtulungan sa pagluluto.

Iniluto nila ang lahat ng pinakaespesyal nilang mga putahe na mula pa sa pinagsamang recipe ng ama’t ina ni Malcom. Pagkatapos ay gumawa sila ng isang malaking karatulang nagsasabing libre ang lahat ng pagkain sa kainan nila ngayong araw! Naihain na ng mag-ama ang lahat ng kanilang mga putahe. Maganda na rin ang ayos sa kanilang kainan. Ang kulang na lang ay ang mga taong kakain.

Lumipas ang isang minuto, na naging dalawa… tatlo… hanggang sa kalahating oras na ang lumilipas at wala pa ring pumapasok sa kanilang kainan kahit libre na ang mga pagkain doon. Sa mga sandaling iyon ay nalulungkot na si Mang Herman at tila ba nakadarama ng panliliit sa sarili. Mabuti na lamang at isang grupo ng mga construction worker ang pumasok doon at nagtanong tungkol sa kanilang libreng pakain. Agad namang tinanggap ng mag-ama ang mga ito at pinapasok.

“Napakasarap ng pagkain dito, pare! Bakit ba ngayon lang tayo nakakain dito?!”

“Oo nga! Tamang-tama at malapit na ang kaarawan ng panganay ko. Dapat, madala ko sila sa kainang ito para naman maranasan man lang namin kung paano kumain sa espesyal na restawran kahit sa murang halaga lang!”

Naririnig ng mag-ama ang usapan ng mga kalalakihan habang kumakain at iyon ay ikinagugulat nila! Maya-maya pa ay unti-unti na ring nadagdagan ang mga kumakain sa kanilang kainan, at halos lahat ng ito ay ganoon din ang nagiging komento. Sa unang pagkakataon makalipas ang mahabang panahon ay napunong muli ang kanilang kainan!

“Akala ko ba ay hindi masarap ang pagkain dito? Aba’y napakasarap kaya! Fake news naman pala ang ipinapakalat ng restawran na ’yon sa tapat. Sana pala, dito na lang ako laging kumakain,” muli ay dinig nilang anang isa pang babaeng kostumer.

Nagkatinginan ang mag-ama, dahil ngayon ay nasagot na kung bakit bigla silang nawalan ng kostumer! Ganoon pa man, simula nang araw na iyon ay himalang hindi natuloy ang pagsasara ng kanilang kainan, dahil palagi nang dinudumog iyong muli ng mga tao. Nagkabaliktad na ngayon ang sitwasyon nila ng kakompitensya nilang madaya dahil ngayon ay sila na ang malapait nang magsara!

Muling bumalik ang sigla ni Mang Herman dahil sa muling pagkabuhay ng kanilang kainan, na ngayon ay mas lumaki pa at naging mas kilala! Himala pala ang hatid ng libreng pagpapakain nila!

More Stories