Inday TrendingInday Trending
Ganoon na Lang ang Galit ng Ginang na Ito, Walang Pasabi Kasing Pinakasalan ng Anak Niya ang Nobya Nitong Mahirap pa raw sa Daga

Ganoon na Lang ang Galit ng Ginang na Ito, Walang Pasabi Kasing Pinakasalan ng Anak Niya ang Nobya Nitong Mahirap pa raw sa Daga

“Nasisiraan ka na ng bait, Tan-tan!” hiyaw ni Aling Graciela sa kaniyang anak, nang umuwi ito sa kanilang bahay kasama ang isang babae, matapos nitong mawala nang ilang linggo. Ang matindi pa ay hawak nito ang isang sertipiko na nagpapatunay na sila ay kasal na ng babaeng kasama!

“Mama, mahal ko po si Alexa. Kasal na po kami kaya sana ay hayaan n’yo na kami. Wala na rin naman po kayong magagawa,” pagmamatigas pa ni Tristan o mas kilala sa palayaw na ‘Tan-tan’ sa kaniyang ina.

“Paano na ang mga pangarap ko sa ’yo, anak? Bakit sinayang mo ang gandang lalaki mo sa isang babaeng pipitsugin?! Saan mo ba napulot ’yan? Hitsura pa lang n’yan, mukhang mas mahirap pa sa daga ’yan, a!” mangiyak-ngiyak sa inis pang dagdag ni Aling Graciela na agad namang kinundena ni Tan-tan.

“Mama, huwag n’yo naman pong insultuhin ang asawa ko! Manugang n’yo na po si Alexa, kaya nakikiusap ako, igalang n’yo rin siya kahit bilang tao!” May himig ng galit sa tinig ni Tan-tan kaya naman tila lalong nanggalaiti si Aling Graciela.

“At ngayon, ikaw pa ang may ganang magalit?! Sino ba ang basta na lang nagpakasal nang wala man lang pasabi sa magulang, ha?! Hindi mo na ako iginalang, damuho ka!” Nanlalaki ang mata ng ale habang dinuduro ang mukha ng anak.

“Kayo naman ang dahilan kung bakit nagawa ko ito, Mama! Ipapakasal n’yo ako sa anak ng amo n’yo, samantalang hindi ko naman mahal ’yon! Si Alexa ang gusto ko!”

Sa huling tinuran ng anak ay talagang sumagad na ang pagkapikon ni Aling Graciela kaya naman kumilos siya at hinablot ang buhok ng babaeng pinakasalan ng kaniyang anak na kanina pa nakayuko lang at walang imik! Sinubukan naman siyang awatin ni Tan-tan ngunit talagang malakas siya at ayaw papigil.

Huli na ang lahat nang malaman niyang buntis pala ang asawa ng kaniyang anak, at ngayon ay dinudugo na ito dahil sa kaniyang kagagawan. Dali-daling isinugod ni Tan-tan ang asawa nito sa ospital, kasama na rin si Aling Graciela na noon ay natauhan na sa kaniyang kasalanan. Panay ang hingi niya ng tawad sa kaniyang anak at sinasabing hindi niya sinasadya ang nangyari.

Mabuti na lang at mabilis na naagapan ang tangkang pagkawala ng bata sa sinapupunan ni Alexa. Lahat sila ay nakahinga na nang maluwag, maliban na lang kay Aling Graciela na noon ay kabado pa rin sa sasabihin sa kaniya ng kaniyang anak.

“Nakakasawa ka na, Mama. Buong buhay ko ay ikaw na lang palagi ang nagdidikta ng buhay ko. Ginagamit mo ako para lang makuha ang lahat ng gusto mo, at ngayon, pati ang anak ko ay gusto mo pang kunin sa akin!” galit na iyak ni Tan-tan sa kaniya. Hindi naman alam ni Aling Graciela ang gagawin. “Humanda ka, dahil parating na ang mga magulang ni Alexa. Kung kinakailangang pareho nila tayong ipakulong sa ginawa mo sa anak nila ay gagawin ko, mapatawad lang ako ng asawa’t anak ko!” dagdag pa nito na ikinabigla ni Aling Graciela.

Akmang magtatanong pa lang sana siya sa anak kung ano ang ibig nitong sabihin ay siya namang dating ng mag-asawang parehong nakasuot ng pormal at eleganteng mga damit. Dumiretso ito sa kama kung saan nakahiga si Alexa!

“Anak ko, ano na ang nangyari sa ’yo? Kumusta na ang baby mo? Bakit hindi mo sinabi sa aming buntis ka pala kaya ka nakipagtanan sa nobyo mo? Nasa tamang edad ka naman na at hindi ka naman namin pipigilan kung gusto mo nang mag-asawa! Pinag-alala mo kami ng daddy mo, anak ko!” ang umiiyak na sabi ng babaeng bagama’t may edad na’y nananatiling napakaganda! Habang ang lalaki naman sa tabi nito ay guwapong-guwapo at kamukha ni Alexa.

Ngunit hindi lang iyon ang ipinagtataka ni Aling Graciela, dahil pakiramdam niya ay nakita na niya ang mga ito sa kung saan…

“Sandali… hindi ba at ikaw si Manang Graciela? Iyong kasambahay ng assistant kong si Giovani?” tanong ng ama ni Alexa sa kaniya… at doon ay naliwanagan si Aling Graciela!

Nakita na nga niya ang mga ito sapagkat ito ang boss ng kaniyang amo! Napasinghap siya. Hindi niya akalaing nagkamali pala siya ng inaakala dahil hindi pala mahirap si Alexa, kundi ubod nang yaman!

Halos mangatal ang tuhod ni Aling Graciela sa takot na ipakulong siya ng mga ito, ngunit nakapagtatakang hanggang sa makaalis na sila ay hindi pa rin sila nagpakita ng kahit anong galit sa kaniya… iyon pala, nalaman niyang hindi pala sinabi ni Alexa sa mga ito ang totoong nangyari! Pinagtakpan siya ng kaniyang manugang!

Sising-sisi si Aling Graciela sa kaniyang nagawa. Panay ang hingi niya ng tawad. Simula noon ay nangako siyang hindi na muling manghuhusga ng kapwa at hindi na paiiralin agad ang init ng ulo upang hindi iyon ikapahamak ng kahit na sino. Naging maayos naman ang samahan nilang lahat pagkatapos noon dahil natutunan na ni Aling Graciela ang kaniyang leksyon.

Advertisement