Inday TrendingInday Trending
Ginawa ng Amain ang Lahat para sa Anak ng Napangasawa; Hindi Niya Akalain na Ito pala ang Magiging Ganti ng Binata

Ginawa ng Amain ang Lahat para sa Anak ng Napangasawa; Hindi Niya Akalain na Ito pala ang Magiging Ganti ng Binata

Labis ang sama ng loob ng batang si Jeric sa kaniyang inang si Alice dahil nakipaghiwalay na ito sa kaniyang ama. Makalipas kasi ang pitong taong pagsasama ay napagdesisyunan ni Alice na tuldukan na ang relasyon sa asawang si Rigor. Hindi naman ito maunawaan ni Jeric.

“Kung nag-aaway kayo ni papa ay p’wede naman kayong magbati agad. P’wede n’yo naman itong pag-usapan para hindi masira ang pamilya natin. Umuwi na po tayo kay papa at mag-isa na lang siya sa bahay!” giit naman ni Jeric sa ina.

“May mga bagay kasi anak na hindi pa kayang maabot ng isip ng isang batang katulad mo. Huwag kang mag-alala dahil balang araw ay mauunawaan mo rin. Sa ngayon ay kailangan muna nating masanay na wala ang papa mo sa buhay natin,” paliwanag naman ni Alice sa anak.

“Paano na ako ngayon? Wala na akong matatawag na pamilya dahil wala na si papa sa piling natin! Bakit kasi sarili mo lang ang iniisip mo, mama?!” pagtangis pa ng bata.

Wala nang nagawa pa si Alice kung hindi yakapin na lang ang anak dahil nahahabag siya rito.

“Sa ngayon ay tayong dalawa na muna ang pamilya, anak. Pasensiya ka na at kailangan mong maranasan ang ganitong bagay,” saad muli ng ginang.

Malaki ang naging pagbabago ni Jeric mula nang lumipat sila ng ina sa isang apartment malayo sa kaniyang ama. Madalas itong walang kibo at mapag-isa. Pilit mang inilalapit ni Alice ang kaniyang sarili ay tila galit pa rin sa kaniya ang anak.

Makalipas ang ilang buwan ay nabigla si Jeric nang ipakilala ng ina ang bago nitong kasintahan.

“Jeric, ito nga pala ang Tito Nestor mo. Siya na ang bago kong kasintahan,” saad ni Alice sa anak.

Ngunit imbes na makipagkilala nang maayos ay pagkadismaya ang pinakita ng bata.

“Kung gusto mo palang magkaroon ng bagong karelasyon ay ‘di sana si papa na lang ulit para mabuo na tayong pamilya! Kaya siguro nakipaghiwalay ka kay papa ay dahil meron kang ibang lalaki. Ikaw talaga ang sumira ng pamilya natin, mama!” umiiyak na sambit ni Jeric sabay pasok sa silid nito.

Dahil sa pangyayari ay nais na tumulong ni Nestor.

“Ako na ang bahalang kumausap sa anak mo. Baka mamaya kasi ay nangungulila siya sa kalinga ng isang ama. Hindi mo pa rin ba sinasabi sa kaniya ang katotohanan?” tanong naman ni Nestor sa kasintahan.

“H-hindi pa. Hindi ko alam kung paano kasi sasabihin sa kaniya. Alam kong lalong mabibiyak ang kaniyang puso,” tugon naman ni Alice.

Pumasok sa silid ni Jeric itong si Nestor para kausapin ang bata.

“Jeric, alam kong hindi ko kayang palitan sa puso mo ang papa mo. At hindi ko iyon gagawin dahil tanggap kong hindi ako ang papa mo. Pero hayaan mo sanang mapunan ko ang puwang na nariyan sa puso mo. Pangako ko sa iyo na hindi ko kayo pababayaan ng mama mo,” wika ng ginoo.

Ngunit galit pa rin si Jeric. Hindi siya kumbinsido na mabuting tao ang bagong nobyo ng ina.

Madalas na hinihiling ni Jeric sa kaniyang ina na nais niyang makausap ang ama. Ngunit maraming dahilan itong si Alice. Napapansin tuloy ni Jeric na tuluyan na siyang inilalayo nito sa kaniyang ama.

“Kahit ano’ng gawin mo, ‘ma, hindi ko pa rin matatanggap ‘yang si Tito Nestor. Si Papa Rigor lang ang tatay ko at siya lang ang kikilalanin kong tatay kailanman!” wika pa ni Jeric sa ina.

Lumipas ang panahon at tuluyan nang nawalan ng bisa ang kasal ni Alice sa ama ni Jeric. Tuluyan na rin siyang nagpakasal kay Nestor.

Samantala, lalong lumayo tuloy ang loob ni Jeric sa kaniyang ina. Ito namang si Nestor ay pilit na nagpapakaama kay Jeric. Pinagluluto niya ang mag-ina ng agahan. Hinahatid at sundo niya si Jeric sa eskwela. Handa pa nga itong lumiban sa trabaho para lang makadalo sa mga kaganapang pampamilya ni Jeric sa paaralan.

Mas madalas pa nga na si Nestor ang umaasikaso sa kay Jeric dahil sa pagkaabala rin ni Alice sa trabaho.

Isang araw, susunduin na sana ni Nestor itong si Jeric sa paaralan nang makita niyang nakikipag-away ang bata. Dali-daling lumabas ng sasakyan itong si Nestor upang awatin ang mga kabataan.

Imbes na magpasalamat itong si Jeric ay sinigawan pa niya ang amain.

“Huwag ka ngang makialam! Hindi naman ikaw ang papa ko! Ikaw ang dahilan kaya nasira ang pamilya ko kaya huwag na huwag mong pilitin ang sarili mo sa akin dahil kahit kailan, hindi ikaw ang magiging papa ko!” nanggagalaiting sambit ni Jeric.

Tumakbo palayo itong si Jeric at sumakay ng pampublikong sasakyan. Nais niyang magtungo sa kaniyang ama.

Agad naman itong sinundan ni Nestor.

Pilit mang awatin ni Nestor si Jeric na magtungo sa kaniyang ama ay wala na itong nagawa.

“Huwag mo akong pigilan. Gusto kong makita ang papa ko! Alam kong miss na miss na rin niya ako! Pinipigilan mo lang naman ako dahil gusto mong kalimutan ko na ang papa ko dahil ang gusto mo, ikaw ang kilalanin kong papa! Hinding-hindi mangyayari ‘yun!” bulyaw pa ng bata.

Hindi na nagpapigil itong si Jeric. Kumatok ito sa pinto ng dati nilang bahay at pinagbuksan naman siya ng pinto ng ama.

“A-anong ginagawa mo rito? Hindi ba sinabi sa iyo ng mama mo na ayaw ko na kayong makita? May bago na akong pamilya! May mga anak na rin ako at hindi na kita kailangan pa! Bumalik ka na sa mama mo at wala kang mapapala sa akin! Hirap na hirap na nga akong pagatasin ang mga anak ko tapos ay manghihingi ka pa! Lumayas ka!” bulyaw naman ni Rigor.

Labis ang sama ng loob ni Jeric. Hindi niya akalain na ganito pala ang tunay na sitwasyon.

Nilapitan ni Nestor ang umiiyak na si Jeric upang kalamayin ang kalooban nito.

“Ito ang dahilan kung bakit ayaw ng mama mo na magkita pa kayo ng papa mo. Dahil ayaw ka niyang masaktan. Pinili ng mama mo na lisanin ang iyong ama dahil hindi na maganda ang sitwasyon. Bukod sa pambababae kasi ng papa mo ay gumagamit din siya ng ipinagbabawal na gamot. Madalas niyang saktan ang mama mo. Nalaman pa niyang nais kang ipaampon ng papa mo para lang sa pera. Kaya naman kinasuhan agad ng mama mo ang papa mo para hindi na siya makalapit pa sa iyo sa pangambang may mangyari sa iyong masama. Pasensiya ka na kung hindi ito lahat sinabi sa iyo ng mama mo dahil ayaw ka niyang masaktan,” pahayag ni Nestor kay Jeric.

Napayakap na lang si Jeric sa amain. Sa pagkakataong iyon ay nauunawaan na ng bata ang lahat.

Mula ng araw na iyon ay hinayaan na ni Jeric si Nestor na tumayong ama niya. Hindi naman siya binigo ni Nestor dahil sa paglipas ng panahon ay hindi ito nagbago ng pakikitungo at pagmamahal sa kanilang mag-ina.

Mabilis na lumipas ang mga taon at ngayon ay ikalawang dekadang anibersaryo na ng kasal nina Nestor at Alice. At upang gawing espesyal ito ay naghanda si Jeric ng isang munting salu-salo para sa mga magulang.

Iniabot ni Jeric sa kaniyang amain ang isang sobre.

“A-ano naman ito, anak? Ikaw naman, nag-abala ka pa!” saad ni Nestor sa binata.

“Basta, Papa Nestor, buksan mo na lang!” wika naman ni Jeric.

Dahan-dahang binuksan ni Nestor ang sobre. Nakakita siya ng isang papel.

“Akala ko naman tseke ang laman!” pabirong sambit muli ni Nestor.

Ngunit nang mabasa niya ang nilalaman ng kasulatan ay napatulo na lang bigla ang luha niya.

“Hiningi ko ang tulong ni mama para maging legal na ang lahat. Simula ngayon ay apelyido n’yo na po ang gagamitin ko, papa. Dahil mula noon pa naman ay kayo na ang tumayong ama para sa akin. Bakit hindi ko pa gawing legal, hindi ba? Simula po ngayon ay kayo na ang legal kong ama. Maraming salamat, Papa Nestor, sa pagmamahal ninyo sa akin at kay mama,” naluluhang sambit pa ni Jeric.

Hindi na nakapagsalita itong si Nestor dahil sa labis na kaligayahan. Napayakap na lang siya sa kaniyang mag-ina.

“Hindi n’yo lang alam kung anong saya ang inihatid n’yo sa buhay ko! Kayo ang kumumpleto sa akin. Kayong mag-ina!” lumuluhang sambit ni Nestor.

Tunay ngang wala sa dugo ang pagiging magulang. Pinatunayan ni Nestor na maaari siyang maging isang tunay na ama kahit hindi sa kaniya tunay na nanggaling si Jeric.

Advertisement