Aral Para sa Anak na Suwail
Maghapong nagmukmok si Nikki sa kwarto. Nagtatampo kasi siya, dahil hindi nabili ng ina ang cellphone na ipinangako nitong bibilhin sana kanina. Hindi kasi inaasahang dumating ang panganay niyang kapatid na si Ate Criselda at hiniram muna ang ipon ng kanilang ina na siya sanang gagamitin bilang pambili ng bago niyang cellphone. May sakit daw kasi ang anak nito at kailangan nang ipa-check up sa clinic.
Nakailang katok na si Aling Ester sa kuwarto ni Nikki, ngunit ayaw siyang pagbuksan ng anak. Malaki ang tampo nito dahil hindi niya nabili ang cellphone na ipinangako niya rito noong isang buwan. Ipinaliwanag naman niya kay Nikki ang dahilan, ngunit talagang matigas ang dalagita. Naiinis na si Aling Ester sa asal ng anak, kaya’t minabuti na niyang buksan nang sapilitan ang kuwarto nito…
Ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang hindi mamataan doon si Nikki! Bukas ang aparador nito at wala nang lamang mga gamit.
“Diyos ko! Anak, saan ka nagpunta?!”
Ang ’di alam ni Aling Ester ay palihim palang pumuslit si Nikki at dumaan sa bintana. Nakipagtanan na pala siya sa kaniyang boyfriend na si Bobby. Kinse anyos pa lang ang mga ito ngunit ganoon na kalakas ang loob nilang magtanan!
Dinala ni Bobby si Nikki sa bahay nila. Wala nang nagawa pa ang ina ni Bobby dahil matigas ang ulo ng anak at paniguradong hindi rin naman ito makikinig sa kaniya. Natatakot siyang baka kung saan pa magpunta ang dalawang batang magkasintahan kung hindi niya sila patutuluyin sa bahay.
Noong una’y maayos naman ang lagay ni Nikki sa puder ng mga magulang ni Bobby, ngunit nang tumagal ay parang nagbabago ang pakikitungo nito sa kaniya. Madalas na siyang pagalitan ng ina ni Bobby dahil ni hindi siya marunong maghugas ng pinggan. Lagi siyang nakakasunog ng sinaing at ulam. Maging ang mga damit na pinaplantsa niya’y palagi ring nasusunog. Madalas ding ipaulit sa kaniya ang kaniyang mga nilalabhang damit. Wala itong pakialam kung magkanda-sugat ang mga daliri niya sa kalalaba. Hindi kasi siya marunong magtanggal ng mantsa, o magbanlaw man lang nang maayos. Ang Nanay Ester niya naman kasi ang gumagawa niyon sa bahay nila.
’Di nagtagal ay parang gusto nang sumuko ni Nikki. Sana pala’y hindi na lang siya naglayas sa kanila at sumama kay Bobby, na heto at hindi naman siya iniintindi. Madalas siyang iwan ni Bobby sa bahay para makapag-basketball at laging gabi na kung umuwi. Sa gabi ay ayaw siyang patulugin nang maaga dahil lagi itong nag-aayang gumawa raw sila ng bata. Gustuhin man ng dalagita na bumalik sa kaniyang Nanay Ester ay wala naman siyang mukhang maihaharap sa ina. Iniwan niya ito nang walang pasabi dahil lang hindi nabili ang kaniyang luho!
Isang umaga, nagising si Nikki na napakasama ng kaniyang pakiramdam. Nahihilo siya at bumabaliktad ang kaniyang sikmura. Panay ang duwak niya sa lababo nang mapansin iyon ng ina ni Bobby.
“Susmariyosep! Buntis ka ba, Nikki?!” naiinis na sigaw nito sa kaniya. Hindi naman siya makasagot dahil patuloy ang kaniyang pagduwak.
Nakumpirma nilang buntis nga siya matapos niyang gamitin ang pregnancy test na binili ni Bobby sa pinakamalapit na botika. Tila nanlumo ang dalagita sa nalaman, ngunit mas nanlumo siya nang marinig ang sinabi ni Bobby.
“Hindi pa ako handa, Nikki!” sabi nito.
“Ano?! Pero ikaw ang may gusto nito, ’di ba?” naiiyak namang sagot ni Nikki sa nobyo.
“Ako lang ba? Gusto mo rin naman ’yon, ah!” saad pa ni Bobby na tuluyan nang nakapagpaluha kay Nikki.
“Tama na iyan,” sumingit ang ina ni Bobby. “Isa lang ang naiisip kong solusyon…ipalaglag mo ang bata, Nikki.”
Pakidamdam ng dalagita ay nanghina ang kaniyang tuhod sa mga narinig. Nanginginig siya at napahagulgol na lang ng iyak. Hindi niya kayang ipalaglag ang bata. Oo at natatakot siya, ngunit hindi niya p’wedeng ipalaglag ang anak niya!
Doon ay nabuo ang desisyon ni Nikki. Babalil siya kay Nanay Ester at tatanggapin ang galit nito.
Iyon nga ang ginawa ng dalagita. Bumalik siya sa kanilang bahay, dala ang lahat ng kaniyang mga gamit, habang umiiyak. Tiyempong nasa tapat ng kanilang bahay ang kaniyang ina at nakita siyang papauwi.
“Diyos ko, Nikki, anak!” Nagulat siya nang salubungin siya ni Nanay Ester ng yakap. Hindi kasi iyon ang inaasahan niyang reaksyon nito.
“Nanay!” humagulgol si Nikki sa bisig ng ina.
“Ayos ka lang ba? Saan ka ba nanggaling, anak? Diyos ko, ang payat mo na!” ani Aling Ester na may namumuo nang luha sa mga mata.
Lalong napahagulgol si Nikki nang iyak. Iginiya siya ng ina papasok sa kanilang bahay at doon ay isiniwalat niya ang lahat.
Ang buong akala ni Nikki ay magagalit na sa pagkakataong iyon ang Nanay Ester niya, ngunit mas hinigpitan pa nito ang yakap sa kaniya.
“Hindi ko sinasabing tama ang ginawa mo, anak, pero mas lalong hindi tama kung ipalalaglag mo ang apo ko. Bubuhayin natin ang baby mo. Tutulungan kita, anak, ngunit sana’y magsilbing aral sa iyo ang pangyayaring ito.”
Makalipas ang limang taon, working student na si Nikki sa kursong education. Nagtatrabaho siya bilang part-timer sa isang fast food chain, habang isinasabay ang kaniyang pag-aaral.
Ngayon ay limang taong gulang na ang anak niyang lalaki. Hindi naman niya inalisan ng karapatan si Bobby na dalawin ito, ngunit sadyang hindi lamang ginagawa iyon ng lalaki.
Ganoon pa man, sinisikap ni Nikki na buhayin at palakihin nang maayos ang anak. Pasasaan ba’t makakaraos din sila sa buhay, basta’t magsikap lang siya, ’tulad na rin ng turo ng kaniyang Nanay Ester na hanggang ngayon ay nagsisilbing katuwang at kaniyang sandalan sa buhay.