Nagsenyasan ang magkaibigang Mac at Paul. Parehong armado ang dalawa ng mga patalim, habang nakasuot sila ng purong itim. Target ng dalawang kawatan ang mga babaeng mag-isang naglalakad sa madilim na daan at ngayon ay may namataan na silang palalapit.
Hayan na ang target nila!
“Wow, Pare, malaman ’yong bag. Mukhang maraming dala!” ani Mac sa kabarkada. Ngising-ngisi silang dalawa habang hinihintay na mapadako sa madilim na bahagi ng daan ang babaeng mag-isang naglalakad, habang hawak ang mukhang mamahalin niyang cellphone.
Taimtim na nag-abang ang dalawa. Halos ayaw na nilang kumurap upang huwag nawala sa paningin nila ang taong magbibigay sa kanila ng pera. Pinagkiskis pa ni Mac ang dalawa niyang palad na para bang sabik na sabik sa nalalapit na namang grasya.
“Ayan na, Pare, pumuwesto na tayo!” mahinang sabi ni Paul sa kaniya. Agad na sumunod si Mac sa utos ng kabarkada. Tiyempong napadaan na ang dalaga sa tapat nila nang pagitnaan nila ito ni Paul sabay sabing: “Miss, holdap ’to! Akin na ’yang cellphone at bag mo.”
Natigilan ang babae. Nagpapalit-palit ang tingin sa dalawang lalaki. Nakatutok sa kaniyang tagiliran ang mga hawak nilang patalim kaya’t itinaas niya ang mga kamay, tanda, na hindi siya lalaban sa kanila.
Sabay niyang iniabot ang kaniyang bag at cellphone sa parehong lalaki, at nang mapunta na roon ang atensyon nila ay doon siya kumuha ng tiyempo para kumilos.
“Aray!” sabay na napasigaw sa sakit ang magkabarkadang kawatan nang parehong baliin ng dalagang si Yza ang mga kamay nilang may hawak na patalim. Dinig nilang tatlo ang pag-crack ng mga buto nina Mac at Paul sa kamay. Pareho silang namilipit sa sakit.
Kagagaling lamang ni Yza sa gym ng kanilang martial-arts club. Katatapos lang din ng pakikipag-sparring niya sa kaniyang coach para sa nalalapit nang tournament na sasalihan nila. Naglalakad lang siya kanina, nang bigla siyang tambangan ng dalawang kawatang ’to!
“Yari kayo sa ’kin ngayon,” sabi ni Yza sa kaniyang sarili.
Sinimulan niyang sipain si Paul na agad na napaigik sa sakit nang tumama ang paa niya sa mukha. Tumayo naman si Mac at sinubukan siyang saksakin gamit ang kabilang kamay, ngunit naiwasan niya iyon at sinuntok ito sa mukha. Dinagdagan niya pa iyon nang patamain niya ang kaniyang siko, tuhod at kamao sa iba’t ibang parte ng katawan nina Mac at Paul. Pareho nang duguan ang mukha ng dalawa nang dumating ang tulong na tinawag ni Yza.
Tatlong-taon na palang wanted ang dalawang kawatang sina Mac at Paul sa pulisya. Iba’t ibang modus na ang nasubukan ng dalawa at napakarami na rin pala nilang nabiktima. Laking pasasalamat ng mga police officers na rumesponde sa lugar na pinangyarihan ng hold-up-an at nahuli na ang mga kawatang matagal na nilang pinaghahahanap. Malaking tulong ang nagawa ni Yza para sa kanila.
May ilang media personel na ring nagpunta sa lugar upang kunan ng statement at interview si Yza. Instant celebrity tuloy ang dalaga dahil mabilis na nag-viral ang naging kuwento niya sa iba’t ibang social media platforms. Marami ang natuwa at na-inspire na matuto ng martial arts dahil sa nangyaring ito sa kaniya.
Ngunit para kay Yza ay hindi dapat siya makampante. Marami pang kriminal na mas halang ang kaluluwa sa paligid. Tiyempo lamang talagang mas mabilis siya kina Mac at Paul kaya’t nagawa niyang patumbahin ang mga ito, bukod pa roon ay trained siya at batak sa training ngayong araw.
Para naman kina Mac at Paul, isang malaking leksyon ang natutunan nila. Ang buong akala kasi nila’y mamamatay na sila sa kamay ng dalaga. Hindi nila akalaing makakatiyempo sila ng katapat sa dami na ng kanilang mga nabiktima. Kahiya-hiya ang nangyari sa kanila. Naisip nilang dapat nga nilang pagbayaran ang mga nagawa nilang kasalanan at kung mabibigyan sila ng pagkakataon ay gagawin nila ang lahat para magbago.
Hindi na rin kasi uubra ang dahilan nila, na gumagawa sila ng krimen dahil sa hirap ng buhay. Ang totoo’y kayang-kaya nilang maghanap-buhay nang marangal dahil sa laki ng katawan nila. Pareho silang malusog at wala rin namang iniintinding pamilya. Iyon nga lang ay naiimpluwensiyahan sila ng bisyo. Talaga ngang nakakasira ng ulo ang bisyo.
Sa ngayon ay hindi pa makunan ng litrato ang dalawang kawatan dahil parehong hindi makatayo dulot ng mga nabali nilang buto. Bugbog sarado sila sa martial-arts champion na si Yza.