Nakapamaywang na pinagmasdan ni Cristine ang asawang si Mark na lumalabas ng bahay. Naiiling siya dahil sa pagtataka at sa nadaramang lungkot, dahil ilang araw na siyang hindi pinapansin ng asawa. Siguro’y nagtatampo ito dahil hindi siya nagpaalam na aalis ng bahay at ginabi na siya ng uwi noong nakaraang linggo.
Pero, parang sobra naman yata ang kaniyang pagtatampo? Ilang araw na silang hindi nag-uusap. Sa tuwing matutulog sa gabi ay hindi ito sa kaniya nakaharap. Ni hindi siya niyayayang sumabay sa pagkain. Parang hindi ito nag-aalala kung magutom man siya o hindi, gayong kabuwanan na niya ngayon, para sa panganay nila!
“Hindi kaya may babae ang asawa ko, kaya nanlalamig na sa akin?” kinakabahang sabi ni Christine sa sarili. Magdamag niya iyong inisip hanggang sa makatulog siya.
Una itong dumaan sa isang flower shop at bumili roon ng isang bouquet ng puting rosas, na siya niya ring paboritong bulaklak. Pagkatapos ay nagtungo ito sa isang ’di pamilyar na bahay. Lalong lumakas ang kaniyang hinala nang makita niyang may kausap na magandang babae si Mark na may kasamang bata. Sinundo ni Mark ang bata sa bahay ng naturang babae. Humalik pa sa babaeng iyon ang bata bago tuluyang kumapit kay Mark.
Kinabukasan, nang muling umalis ng bahay si Mark ay nagpasiya siyang sundan ang asawa.
Karga ni Mark ang cute na cute na batang babae, habang naglalakad sila sa magandang kalsadang iyon na napapaligiran ng mabeberdeng mga puno. Marami ring nakatanim na bulaklak na may iba’t ibang kulay sa paligid ng hindi naman kalakihang kalsada, na siyang tinatahak ng kaniyang asawa.
Nakikita niyang nakangiti si Mark habang karga ang bata. Ganoon din naman ang bata na tila excited na excited pa sa pupuntahan nila.
Pakiramdam ni Christine ay tinutusok ang kaniyang dibdib sa sakit gamit ang milyon-milyong karayom. Sa pakiwari niya ay anak ni Mark ang batang iyon sa iba. Tama nga ang hinala niya na may ibang babae ang asawa!
Gaano na siya katagal na niloloko ni Mark? Tatlong taon pa lang silang kasal, ngunit nasa edad apat hanggang lima na ang bata.
Nasasaktan man ay nagpatuloy si Christine sa pagsunod sa kanila. Hawak-hawak niya ang tiyan, na para bang humuhugot siya ng lakas sa batang nasa kaniyang sinapupunan. Gusto niyang magalit kay Mark, ngunit sa tuwing makikita niya ang masayang ngiti ng asawa para sa batang karga-karga’y parang tinutunaw niyon ang galit niya.
Wala sa loob na nagpatuloy lamang sila sa paglalakad. Sumusunod lang siya sa asawa na para bang ni hindi man lang nakadarama ng pagod na kargahin ang bata.
“Ganiyan ka rin kaya sa magiging anak natin?” naitanong ni Christine sa sarili.
Maya-maya pa’y huminto ang dalawa sa bukana ng isang memorial garden.
“Ano ang gagawin nila roon?” muling naisaisip ni Christine.
Nabuhay muli ang kaniyang pagkamausisa. Nagpatuloy siya sa pagsunod sa asawa at sa karga nitong bata, hanggang sa marating nila ang isang puntod.
”MARY CHRISTINE SARAGOZA” ang pangalang nakaukit sa puntod na ngayon ay hinihimas-himas ni Mark.
Napaatras siya sa nakita.
“M-Mark! Bakit pangalan ko ang nakasulat sa lapidang ’yan?!” hiyaw na tanong niya, ngunit parang hindi iyon naririnig ni Mark.
Ibinaba ng asawa ang bata at itinuro ang puntod.
“Anak,” tawag ni Mark sa bata. “Siya ang Mama Christine mo. Say hello to your mom,” dagdag pa ng kaniyang asawa.
Nanlaki ang mga mata ni Christine! Sa pagkakataong iyon ay tila may kung anong nag-flashback sa kaniyang isip… at iyon ang araw na naaksidente ang sinasakyan niyang taxi habang papauwi sa kanilang bahay!
“Papa, bakit po nandiyan si Mama? Bakit po, hindi natin siya nakakasama?” tanong ng batang ipinakilala ni Mark bilang kanilang anak.
“Kasi, anak, nasa heaven na si Mama.”
Ngumiti ng mapait si Mark.
“Pero, sigurado ako na binabantayan niya tayo ngayon. Tandaan mo lagi, habang love natin si Mama kahit ’di natin siya nakikita, lagi lang siyang nandiyan sa tabi natin. She will be your guardian angel.”
“E, Papa, bakit po ikaw, hindi ko rin lagi kasama? Bakit po ako laging na kina Teacher Ani?” inosenteng tanong ng bata kay Mark.
“Kasi, Baby, kailangang mag-work ni Papa. Pero, hayaan mo dahil kukunin na kita. Sa isang linggo ay uuwi na ang Lola mo galing sa america at siya na ang magbabantay sa ’yo kapag wala ako. Pero, magiging magkasama na tayo sa house. Gusto mo ba iyon?”
Napangiti naman ang bata sa sinabi ni Mark. Pumalakpak pa ito.
“Talaga, Papa?” sabi ng bata sabay baling sa puntod ni Christine.
“Mama, magiging magkasama na po tayo sa bahay. Sabi po ni Papa, lagi ka raw po naming kasama basta love ka namin. Love kita, mama! I love you, Mama!” makabagbag damdaming dagdag pa ng kaniyang anak.
Napahagulgol ng iyak si Christine. Kung ganoon ay nabuhay ang batang nasa sinapupunan niya nang maaksidente siya, at iyon ay ang batang kasama ngayon ni Mark.
“Ang anak ko!”
Tumakbo si Christine papalapit sa kaniyang mag-ama. Tama ang sinabi ni Mark. Mananatili siyang nasa tabi nila, basta nananatili rin ang pagmamahal nila sa kaniya. Nagkamali siya ng hinala. Nanatiling tapat at buo ang pagmamahal sa kaniya ni Mark, kahit pa napaghiwalay na sila ng pagkawala niya.