Limang taong gulang pa lamang si Anthony ngunit mulat na siya sa mga paghihirap na dinaranas ng nanay niyang si Karina dahil sa pambababae ng kanyang ama. Kahit hindi siya napapabayaan nito, madalas niyang makitang lumuluha at tila ba nakatulala na lamang sa hangin ang kanyang ina na para bang naloloka na.
“Mama, okay ka lang?” tanong ng musmos na si Anthony.
Nagulat na lamang siya nang bigla siyang yakapin ng lumuluhang ina.
“Ayos lang, anak. Kakayanin, basta nandito ka sa akin,” umiiyak ngunit pinipilit na ngumiting sagot ni Karina sa anak habang mahigpit na niyayakap ito.
Ilang araw pa lamang kasi ang nakakalipas magmula nang tuluyan nang umalis at sumama sa ibang babae ang kanyang tatay na si Gerardo. Katunayan, ipinagbubuntis pa lamang ni Karina si Anthony nang mahuli niya itong nambababae. Gayunpaman, ginawa ng babae ang lahat ng makakaya niya upang huwag mawalan ng ama ang anak niya. Pero mali ang inakala niyang magbabago na ito pagkasilang ni Anthony, dahil sa totoo lang ay mas lumala pa ang pagkahilig nito sa mga babae.
“Promise, mama, hinding-hindi ko gagayahin si papa. Hinding-hindi ako magpapaiyak ng babae,” seryosong mga salita na nagmula sa batang si Anthony na pilit pinagagaan ang loob ng nagluluksang ina.
Kahit na mag-isa na lamang sa pagtataguyod kay Anthony, matapos umiyak ng ilang mga linggo ay napagdesisyunan nang bumangon muli sa buhay si Karina. Kahit wala na si Gerardo ay kailangan pa rin niyang magpaka-ina sa mahal niyang anak. Kaya naman ipinagpatuloy niya ang pagtatrabaho bilang manager ng isang bangko at pinagbutihan pa ang trabaho upang makasiguro siyang mabibigyan ng magandang buhay ang anak.
Dalawampung taon ang mabilis na lumipas. Nakapagtapos na ng pag-aaral at isa na ngang ganap na arkitekto itong si Anthony. Nakabili na rin siya ng sariling bahay sa tulong ng kanyang ina, kaya naman nang magpakasal siya sa kanyang nobya ay naging madali ang kanilang simula.
“Hon, may overtime ako sa trabaho mamaya ha? Baka nga bukas na ako makauwi. Ang dami kasing pinapagawang sketch ni boss e,” pagsisinungaling ni Anthony sa asawang si Mariel.
“Ganoon ba, hon? O sige, mag-iingat ka ha? At huwag kalilimutang magpahinga kahit pakonti-konti. ‘Wag mo ring kakalimutang mahal na mahal kita,” nanlalambing na sagot ng babae sabay halik sa pisngi ng asawa.
Isang taon nang kasal ang mag-asawa. Buong akala ni Mariel ay buong-buo ang kanilang pagsasama, ngunit lingid sa kanyang kaalaman na tinatarantado na pala siya ni Anthony.
“Babe! Nandito na ako!” masayang pagbati ni Anthony sa kabit niyang si Jean.
“O? Ba’t ang tagal mo?” masungit na sagot ng babae.
“Nagpaalam pa kasi ako kay Mariel e. ‘Wag kang mag-alala, bukas pa ang uwi ko. Sisiguraduhin kong mag-eenjoy ka sa gabing ito,” nakangising sagot ni Anthony sabay sunggab sa babae.
Lumipas ang isa pang taon, at ilang babae rin ang pinagsalit-salit ni Anthony. Dahilan niya sa pambababae ay masyado raw boring at simple ang asawang si Mariel pagdating sa kama, kaya naman sa iba niya hinahanap ang anghang na hindi niya mahanap sa sariling asawa.
Isang gabi, nakatanggap ng balita si Anthony na nasa ospital daw ang kanyang ina dahil sa napapadalas na pagsakit ng ulo nito. Agad naman siyang nagpunta upang dalawin ito.
“Mama, bakit hindi naman kayo nagsabing dalawang araw na kayo dito sa ospital? E di sana ay maaga akong nakadalaw,” wika ng nag-aalalang si Anthony sa inang si Karina.
“Nilalagnat lang naman ako at masakit lang ang ulo. Ang sabi ng doktor ay wala naman akong malalang sakit,” paliwanag ni Karina.
“Mas masakit pa rin ang pag-iwan ng tatay mo,” natatawang dagdag ni Karina. Nakatitig ang dalawa niyang mga mata sa mata ng anak niya. Tila ba ramdam ng ina ang ginagawang mga kalokohan ng anak niya.
“Anthony, umamin ka nga. Niloloko mo ba si Mariel?” diretsang tanong ni Karina sa anak.
Gulat na gulat naman si Anthony sa tanong ng ina.
“Ha? Saan mo naman napulot ‘yan, ma,” iwas na sagot nito.
“Nako, Anthony. Kabisadong-kabisado ko na ‘yang mga ganyang galaw,” anito.
Hindi maintindihan ni Anthony kung anong klaseng konsensiya ang dumapo sa kanya nang bigla na lamang nanumbalik sa kanyang mga alaala ang mga pagdurusa ng kanyang pinakamamahal na ina noong iniwan sila ng kanyang ama.
“Ang akala ko naman ay iba ka, anak. Masakit mang sabihin, pero manang-mana ka pala sa papa mo,” naluluhang sabi ni Karina.
“Ma, uuwi na po ako. May kailangan lang akong gawin agad-agad. Patawarin mo ako, ma. Pero hayaan mong ituwid ko ang mga pagkakamali ko. Maraming salamat po sa pagpapaalala,” nagmamadaling sabi ni Anthony sabay halik sa kamay ng kanyang ina. Naiwan naman si Karina na may ngiti sa mga labi niya.
Bumili ng rosas at tsokolate si Anthony. Agad siyang umuwi sa bahay nila ng asawang si Mariel at pinagbihis ito. Dinala niya ito sa restawran kung saan sila unang nag-date.
“Hon, patawarin mo ako. Nagkasala ako ng sobra-sobra sa iyo. Pero sana, kung papayag ka, ay magsisimula tayong muli,” biglang iyak ni Anthony sabay luhod sa harapan ng asawa.
Hindi pa siya nakakaamin sa mga pagkakamali niya ngunit alam na pala ni Mariel ang lahat.
“Tumayo ka na diyan, Anthony. Magbago ka lang ay ayos na sa akin. Mahal na mahal kita, kaya naman kahit noong nalaman kong niloloko mo ako ay pilit kong tiniis lahat ng sakit na idinulot mo sa akin,” sagot ni Mariel sabay abot ng isang maliit na kahon.
Nang buksan iyon ni Anthony, laking gulat niya nang makita ang isang pregnancy test kit na may dalawang malinaw na guhit.
“Buntis ako, Anthony. Kaya pilit kong tinitiis ang lahat, dahil ayaw kong mawala ang ama ng magiging anak natin,” umiiyak na bunyag ni Mariel.
Nanlaki ng sobra ang mga mata ni Anthony. Lalo siyang tinaaman ng konsensya dahil parehong-pareho ang dinanas ng kanyang ina at ng kanyang asawa.
“Ako na ata ang pinakamasayang lalaki sa mundo. Pangako, Mariel, magbabago na ako. Muli, patawarin mo ako,” wika ni Anthony.
Nang dahil sa pangyayaring iyon, malaking pagbabago ang nangyari kay Anthony. Tunay ngang hindi na siya nambabae pa at inialay niya ang lahat ng pagmamahal niya sa asawa niya at sa magiging anak nila. Mabuti na lamang at natauhan pa si Anthony kung hindi ay magiging kagaya lamang siya ng kanyang manlolokong ama.