Maalaga, masipag, malinis sa bahay, mapagmahal, at may sarili pang negosyo. Ilan lamang iyan sa mga natatanging katangian ni Kate. Kaya naman mabilis niyang nabihag ang puso ng ngayong asawa na niya na si Jerico.
Napakalaki ng pagtutol ng ina ni Jerico na si Lorena nang magsabi ito noon na pakakasalan na niya ang babaeng si Kate. Ayaw na ayaw niya sa babae dahil may anak na ito sa pagkadalaga. Gayunpaman, sa kabila ng matinding pagtutol ay naituloy pa rin ang kasalan ng dalawa.
Ngayong mag-asawa na sila, panay pa rin ang pagtirya ni Lorena sa manugang niya. Lahat kasi ay hangang-hanga kay Kate dahil nga sa diskarte nito sa buhay. Maging ang sarili niyang asawa na si David ay malaki ang paghanga sa naging asawa ng anak nila.
“Bakit kasi hindi ka gumaya kay Kate? Nagagawa niyang maipagsabay-sabay ang mga bagay. Ang pag-aalaga sa anak mo, ang pagsasaayo sa bahay nila, tapos may business pa!” sabi ni David sa asawa nang marinig na panay reklamo nito tungkol sa mga kalat sa bahay nila.
“Oo na! Siya na ang mahusay. Siya na ang magaling. Siya na ang babaeng bukod na pinagpala sa lahat!” naiinis na sagot ni Lorena.
“Magsama kayo ni Jerico! Kulang na lang e pagawan niyo ng rebulto ang babaeng ‘yon. E ang katunayan, kerengkeng naman! Biruin mo, kolehiyo pa lang noon ay nabuntis na!” dagdag pa nito.
Nag-iisang anak na lalaki kasi ni Lorena si Jerico. Kaya naman hindi niya matanggap na may sariling asawa nang kinahuhumalingan ang unico hijo niya.Para magpapansin, madalas ay nagsasakit-sakitan pa ito para lamang sa atensyon ng anak niya.
Ngunit hindi nakuntento si Lorena. Isang araw, hindi na nakapagtimpi sa inis sa manugang ang ginang kaya naman naisip niya ang isang nakakakilabot na bagay.
“Katapusan mo na, bwisit ka,” bulong ni Lorena sa sarili habang inihahanda ang mga kakailanganin niya para isagawa ang kanyang plano.
Kinagabihan, nagulat ang mag-asawang si Jerico at Kate nang walang abisong dumating si Lorena. Laking pagtataka ng dalawa sa kakaibang ikinikilos ng babae.
“Kate, hija! Kumusta ka na? Lalo kang gumaganda ah! Nga pala, may bago akong natuklasang inumin. Ang sabi ng barkada ko, nakakagaan daw ito ng pakiramdam kapag masakit ang ulo mo. Naririnig ko kasi ay hindi ka na masyadong nakakatulog dahil abala ka sa mga ginagawa mo,” wika ni Lorena habang hinahagod pa ang likod ni Kate.
“Ah… Eh… Oo nga po eh. Sige, iinumin ko po mamayang gabi bago kami matulog. Tatapusin ko lang po itong pagsasampay ng mga nilabhan ko,” magalang na sagot ni Kate.
Maya-maya, umuwi na rin si Lorena na may ngiti sa kanyang mga labi. Ilang oras lamang ang lumipas at nagring na ang telepono sa bahay ni Lorena.
Masaya pa nitong sinagot ang telepono, dahil iniisip niya’y ang anak niya na itong si Jerico na magbabalita sa kanyang wala na ang asawa niyang si Kate.
Ngunit nagimbal siya sa narinig.
“Mama, si Kate po ito! Ano po ba itong dala ninyong inumin? Nasa ospital po kami ngayon! Si Jerico po…” hindi na pinatapos ni Lorena ang manugang sa pagsasalita at dali-daling nagpunta sa ospital. Napag-alaman niyang ininom pala ni Jerico ang dala niyang inumin dahil sumakit din daw ang ulo nito matapos kumain ng hapunan.
Nang makarating si Lorena sa ospital, saktong lumabas din ang doktor na tumitingin kay Jerico.
“Kinakailangan ho natin ng agarang operasyon. Sino ho ang pwedeng magdonate ng atay kay Jerico? Bukas ho natin isasagawa ang operasyon kapag handa na ang katawan niya,” sabi ng doktor.
Walang pagdadalawang-isip na nag boluntaryo si Lorena upang sagipin ang buhay ng anak niya. Isa pa, siya naman ang may kasalanan kung bakit ito nangyari kay Jerico.
Kakausapin pa lamang siya ni Kate ngunit nagmadali si Lorena na umuwi sa kanila.
“Mama, teka! Anong nangyari? Anong mayroon sa inumin iyon?” sigaw ni Kate sa tumatakbong si Lorena.
“Patawarin mo ako, anak! Hayaan ninyo akong bumawi,” pahabol na sagot nito bago sumakay ng taxi.
Kinabukasan, hindi na nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap si Kate at si Lorena. Emergency kasing pinatawag ang ginang nang bigla na lamang nagkombulsyon si Jerico. Kaya naman madaling araw ay isinagawa na pala ang operasyon.
Ilang oras ang hinintay ni Kate kasama ang tatay ni Jerico, nagdarasal ang dalawa sa ligtas na operasyon ng mag-ina.
Ngunit maya-maya pa ay lumabas na ang doktor dala ang malungkot na balita. Matagumpay daw na nailagay ang atay kay Jerico, ngunit hindi kinaya ni Lorena ang naging operasyon.
“Bakit hindi niyo sinabing maaari palang mawala ang buhay ni Lorena?! Bakit?!” sigaw ni David sa doktor.
“Sinabi ho naming lahat sa kanya. May pinirmahan pa nga siyang kasulatan na binibigyang pahintulot niya kami sa operasyon, at bilin pa niya ay gawin namin ang lahat para lamang mabuhay si Jerico. Hindi lingid sa kaalaman ni Lorena ang mga maaaring mangyari, kabilang na roon ang pagkawala niya,” wika ng doktor.
Habang nagluluksa ang lahat, isang abogado ang dumating sa ospital. Iniabot nito ang isang envelope na naglalaman pala ng last will and testament ni Lorena. Nakapaloob din doon ang isang maikling kasulatan.
“Patawarin ninyo ako. Naging napakababaw kong ina sa’yo Jerico, biyenan sa iyo Kate, at asawa sa iyo David. Bilang pambawi sa mga pagkukulang ko, tanggapin sana ninyo Kate at Jerico ang lahat ng ari-arian na minana ko pa sa mga ninuno ko. Muli, patawarin ninyo ako. Mahal na mahal ko kayo.”
Nang buksan nila ang envelope, naroon din ang mga titulo ng mga lupa at pag-aari ni Lorena na nakapangalan na sa mag-asawa. Kahit nagluluksa si David sa pagkawala ng asawa, naging masaya na rin siya dahil sa kabila ng pagkakamali nito ay nagawa nitong bumawi sa anak at manugang niya.