Inday TrendingInday Trending
Sikretong Malupit ng Lugmok na Mag-asawa

Sikretong Malupit ng Lugmok na Mag-asawa

Maganda ang pamumuhay ng mag-asawang sina Harold at Monica. Malaki kasi ang kinikita ng lalaki sa pagawaan ng sapatos na negosyong minana niya pa mula sa mga magulang niyang nagretiro na. Kaya naman naging masarap ang pamumuhay ni Monica bilang housewife ni Harold.

Napakarami rin nilang natutulungang mga kaibigan at kamag-anak dahil likas na sa dalawa ang magbigay ng tulong sa mga nangangailangang tao.

Dahil kayang-kaya naman nilang tustusan, nawili na rin sa pagbubuntis itong si Monica. Katunayan ay buntis na naman siya sa pangatlong anak na nilang mag-asawa. Bukod pa roon, gustong-gusto rin ng babae ang special treatment na natatanggap niya sa lahat ng taong nakapaligid sa kanya kapag siya ay buntis. Alagang-alaga kasi siya at ibinibigay ang lahat ng gusto niya.

Ngunit dalawang taon ang lumipas, tila gumuho ang mundo ng mag-asawa nang biglaan na lamang bumagsak ang industriya ng pagawaan ng sapatos na pag mamay-ari nila. Kung dati ay dumadaloy ang pera sa kanilang bahay, ngayon ay nagsimula na silang magtipid dahil kakarampot na lang ang kinikita nilang mag-asawa.

“Harold, nakunan ako,” nanlulumong balita ni Monica sa asawa.

Walang tigil sa pag-iyak ang mag-asawa nang dahil sa sunod-sunod na dagok sa buhay na nararanasan nila kamakailan. Naging mabilis naman ang pagkalat ng balita ng mga pagsubok na pinagdaraanan ng mag-asawa. Maraming mga tao na natulungan nila noon ang nais magbalik ng utang na loob, kaya naman bumaha ang kanilang tahanan ng tulong na natanggap mula sa mga ito.

“Mare, nabalitaan ko ang nangyari. Nakakalungkot naman. Tanggapin mo sana itong sampung libong piso. Maganda kasi ang takbo ng negosyong sinimulan ng pare mo noon. Maraming salamat sa tulong ninyo sa amin,” wika ng kumare ni Monica na si Isabel.

Nanlaki naman ang mata ni Monica at ng kanyang asawa. Hindi niya akalaing napakarami nilang natanggap na tulong nang dahil sa pagkakalaglag ng anak niya at sa pagbagsak ng negosyo nila.

Awang-awa ang mga tao sa dalawa. Ilang buwan lamang kasi ang lumipas at napabalitaang nalalaglagan na naman ng bata ang mag-asawa. Muli, iba’t ibang klase ng tulong, pinansyal man o kung ano-anong kagamitan o pagkain, ang natanggap ng mag-asawa.

“Monica, nahihirapan na ako. Parang wala nang pag-asang maisaayos pa ang negosyo natin,” malungkot na sabi ni Harold sa asawa.

“Paano na lang ang tuition ni Jemar? Pati ni Kenneth! At paano na rin tayo?” inis na sabi ni Monica.

Nagkatinginan na lamang ang dalawa na tila ba may naisip na paraan.

Ilang buwan ang lumipas, at muli, napabalitaang nalaglagan na naman ng bata sa sinapupunan ni Monica. Dahil dito, hindi na naiwasan ng mga kaibigan ng mag-asawa na sila ay pag-usapan.

“Nalaglagan na naman si Monica? Ano ba kasi ang mag-asawang iyan? Hindi matigil sa paggawa ng bata e alam naman nilang matindi ang pinagdadaanan ng negosyo nila,” wika ni Rachael sa kaibigang si Emma.

“Ewan ko nga! E parang nakakapagod na ring tulungan. Nitong nakaraan, inabutan ko sila ng limang libong piso. Napakalaki naman ng tulong nila sa akin noon kaya naman taos puso akong nagbibigay. Kaya lang nakakapagtaka na ang ganyang paulit-ulit!” sagot naman nito.

Naisipan ng dalawa na dalawin at kamustahin ng personal ang mag-asawa. Papalapit pa lamang sila sa pintuan nila Harold at Monica nang marinig ang pagtatalo ng dalawa.

“Tama na, Monica! Hindi ka ba nakokonsensya sa mga ginagawa mo? Pwede namang magtrabaho na lang tayong dalawa!” sigaw ni Harold.

“Aba, ako na nga ang gumagawa ng paraan para may malamon tayo tapos ako pa ang masama?! Edi ikaw ang magtrabaho! Ikaw ang gumawa ng paraan!” palabang sigaw ni Monica.

“Ang sa akin lang naman, tama na ang pagpapalaglag mo para lang makapagpaawa sa mga tao! Ilang buhay na ang kinitil mo para lang sa pera?! Hindi na kaya ng konsensya ko,” lumuluha nang sigaw ni Harold.

Nanlaki ang mata ni Emma at Rachael. Malinaw na ang lahat ngayon. Sinasadya palang ipalaglag ng mag-asawa ang sarili nilang anak sa tuwing magbubuntis ito upang makakuha ng sandamakmak na awa at tulong mula sa mga tao. Mabuti na lamang at nakuhanan ng video ni Emma ang malakas na pagsisigawan ng dalawa.

Agad na kumalat ang video at balita sa mga kakilala ng mag-asawa. Magmula noon ay wala nang natanggap ang dalawa ni isang kusing sa kung sinuman.

Naipagbigay alam rin sa kinauukulan ang mga ilegal na pinaggagagawa ng mag-asawa, kaya naman ilang tao mula sa DSWD ang pumunta sa kanilang bahay upang sapilitang kunin ang tatlong batang anak ni Harold at Monica. Inaresto rin ng pulis ang mag-asawa nang dahil sa mga ginawa nila.

Gusto mang magsisi ni Harold sa pagkunsinti sa masamang ginawa ng kanyang misis ay huli na ang lahat. Matagal-tagal pa ang panahong papalipasin nila kakalamas sa malamig na rehas ng presinto.

Advertisement