Add-to-cart ang Peg ng Batang Ina na Ito; Natigil Siya Nang Mangyari ang Isang Nakakagulantang na Leksiyon!
“Ay! Gusto ko ‘tooo! Hindi. Ito na lang pala. Hmm? Ito rin. At saka ito!” patuloy na pindot ni Rose habang pumipili na naman ng kaniyang mga bibilhin tulad ng mga damit, make-up, sapatos at marami pang iba! Sa edad na dalawampu’t isa, isa na siyang ina ng limang taon niyang anak na si Mike. Wala siyang asawa dahil hindi siya pinanagutan nito noong siya ay labing anim na taong gulang pa lamang. Subalit hindi iyon naging hadlang sa kaniya para buhayin ang kaniyang anak. Kaagapay niya rin kasi ang kaniyang ina na ubod ng lawak ang pasensiya sa kaniya.
“Hoy, Rosa! A trenta na ah! Sa’n na bayad ng upa mo? Naku ang dami dami mong pinagbibibili, pero ‘pag bayad ng upa, wala?! Puro babawi hanggang ngayon wala pa rin. Naku neng sabihin mo lang ha? Maraming nagkaka interes diyan sa bahay ko!” pambubunganga ni Aling Celly kay Rose.
“Aling Cely, promise, last na ‘to sa akinse po talaga! Dami kasing kaltas ngayon dahil sa mga benefits pero sa akinse po talaga!” sagot naman ni Rose kay Aling Cely. Nang makaalis na ang ginang, nagsimula namang magsalita si Rose patalikod. Aniya, makasingil si Aling Cely eh parang kaganda-ganda ng inuupahan niya. Habang patuloy pa rin ang kaniyang pagpili ng mga gamit online.
Palibhasa’y sabado, kaya naman nang maghahapon na, agad na tinawagan ni Rose ang kaniyang ina upang bantayan si Mike. Mayroon daw kasi siyang lakad dahil kaarawan ng isa niyang tropa. Sa tuwing sasapit na lamang ang sabado, mayroong kaarawan lagi siyang pinagdiriwang. Iiwan lang niya si Mike kasama ang ina niya ay ayos na iyon. Dahil palagi rin naman niyang iniiwan ang tablet para mapaglaruan ng anak.
Kinabukasan, tanghaling tapat na nang umuwi ng bahay si Rose. Wala na siya kaagad kapera-pera dahil ‘di rin naman niya akalaing gagastos siya kagabi. Halos siya kasi ang bumili ng alak pati na ng pagkain nilang lahat.
“Ma, penge muna isang daan bibili lang ako ng sabon pati shampoo,” iritang wika niya sa ina.
“Ha? Kakasahod mo lang ‘nak ha? Wala ka na agad pera diyan?” tugon naman ng ina.
“Bakit ma? Wala ba akong utang? Dami-dami kong binabyaran jusko naman…” sunod-sunod na reklamo niya sa ina kahit na binigyan na siya nito.
“Hay naku! Ang sakit talaga sa ulo ‘tong buhay na ‘to!” pagrereklamo niya sa kaniyang sarili habang malakas na hinahagis ang anumang mahawakan nito.
Nang gabi na iyon, sinilip niya ang ina pati na ang anak na natutulog sa kabilang kwarto. Humiga siya at inakap nang mahigpit ang ina. Sobrang malaki ang pasasalamat niya sa ina dahil siya lang naman ang nakaramay niya noong siya’y litong lito noong nabuntis siya sa murang gulang pa lamang. Alam niya sa sarili niyang inaab*uso na niya kung minsan ang kabaitan ng ina kaya naman minsan napapaluha na lamang siya.
Dumating ang kinabukasan, maagang umuwi galing trabaho si Rose. Masigla nitong binati ang anak pati na ang ina.
“Ma! Ano? May dumating bang delivery?” bungad niya sa inang nagluluto ng mga oras na iyon.
Matapos ituro ng ina ang delivery package na dumating, mabilis niyang kinuha ang kahon at pumunta sa kaniyang kwarto. Bagong sapatos kasi iyon na kakalabas lamang ang model! Tuwang-tuwa ang kaniyang puso habang sinusukat ang mga iyon. Pagkatapos niya isukat, titigan at kuhaan ng litrato ang sapatos, nilagay na niya ito sa isang buong cabinet niya na puro mga sapatos na kay gaganda!
Mahigpit niyang bilin na huwag iyon ipapaabot kay Mike kung kaya naman palaging nakasarado ang kaniyang kwarto upang makasiguro. Kahit na wala pa silang bahay, kotse at kahit na iba pang mga kagamitan sa bahay pati na mga gamit ni Mike, masaya na siya na nabibili niya ang kaniyang mga luho. Katwiran kasi niya, kaya nga siya nagpapakahirap sa trabaho ay para mapasaya niya ang kaniyang sarili. Kaya naman, halos lahat ata ng online shopping ay naranasan na niya!
Kinabukasan, magandang sinalubong ni Rose ang kaniyang umaga gamit-gamit ang sapatos na binili. Pakiramdam niya’y halos lahat ng tao ay nakatingin sa kaniya dahil sa nabiling sapatos. Subalit hindi pa man siya nakakapasok ng opisina, tumawag sa kaniya ang may-ari ng bahay. Buong akala niya’y maniningil lamang ito. Ngunit lahat ng iyon ay akala lamang. Dahil ibinalita lamang nito na nakitang walang malay ang ina at ito’y nasa ospital na.
Hindi siya nagsayang ng oras at agad na tiningnan ang kalagayan ng ina. Mabuti naman ang lagay nito, kailangan lamang magpahinga dahil labis itong napapagod. Nakahinga naman siya nang maluwag. Subalit sunod sunod na mensahe ang kaniyang natanggap. Mula sa iba’t ibang delivery na darating ng araw na iyon! Ang iba pa nga ay patong-patong na order!
Labis niya itong ikinagulat. Nang makauwi siya sa kanila, may mga naghihintay roon na mga magdedeliver ng package na binili raw pala niya! Pilit siyang nagpapaliwanag na hindi siya bumibili ng mga iyon subalit wala nang paraan kundi ang tanggapin at bayaran ito.
Halos simot na ang pera niya sa kaniyang wallet. Kinuha na rin niya ang mga baryang ipon sa kwarto niya. Na-withdraw na niya lahat ng kaniyang kaperahan subalit hindi pa rin ito sapat! Nanlumo siya nang sobra at napaupo na lamang. Nakita niya ang tablet ng ni Mike na doon pala nakapag order ng kung ano ano ang kaniyang anak. Wala na siyang magawa pa rito. Kahit na magtrabaho siya ng ilang taon ay hindi na ata siya makakaahon pa sa kaniyang magiging utang.
Hinding-hindi malilimutan ni Rose ang araw na iyon. Binenta niya rin kasi ang lahat ng kaniyang mga nakolektang mga mamamahaling sapatos, damit at mga bag. Simula rin noon, naging responsable na siyang humawak ng pera at magtipid para sa mga tunay na gastusin sa kaniyang bahay.