Nagmamadaling Umuwi ang Babae nang Malamang may Sakit ang Nag-Iisang Anak; Isang Pangyayari ang Babago sa Buhay Nila
“You may now kiss the bride,” anunsyo ng pari sa araw ng pag-iisang dibdib nila Cheska at Clark. Agad din namang naghiyawan ang mga bisita nang hinalikan na ni Clark ang asawa.
“Mahal na mahal kita,” bulong ni Clark sa asawa pagkatapos ng matamis na halik nito.
“Mas mahal kita,” ganting bulong nito sa kanya
Naging masaya ang buhay mag-asawa ng dalawa. Wala namang masyadong nagbago sa kanilang turingan noong magkasintahan pa lamang sila at ngayong mag-asawa na sila. Matapos ang isang taon ay nabiyayaan agad ang mag-asawa ng isang munting anghel.
“Kumusta si baby? Huwag kang mag-alala, pauwi na ako d’yan,” saad ni Cheska sa asawang nasa kabilang linya habang pinapaharurot ang kaniyang sasakyan pauwi. Tumawag kasi ito at sinabing inaapoy raw ng lagnat ang kanilang anak.
Sa sobrang pagmamadali ni Cheska at sa bilis ng pagmamaneho ay hindi niya napansin ang papalapit na truck. Mabuti na lamang at agad niyang nakabig ang manibela ng sasakyan kaya naman ay naiwasan niya ito ngunit sa kasamaang palad, tumama naman ang kaniyang sasakyan sa poste. Sumalpok ang ulo niya sa manibela ng sasakyan at tuluyan na siyang nawalan ng malay.
Agad namang rumesponde ang mga pulisya at ambulansya sa aksidenteng naganap. Dinala nila agad sa ospital si Cheska. Dali-dali ring nagtungo sa ospital na pinagdalhan sa asawa si Clark. Sumunod din naman agad ang mga magulang at kapatid ng babae.
“Babe, how do you feel? Okay ka lang ba?” agad na lumapit si Clark sa asawa at nagtangkang halikan ito sa noo ngunit umilag si Cheska na ipinagtaka ng lahat. Tiningnan siya ng asawa ng may gulat at pagtataka sa mukha.
“Mahal? Ako?” naguguluhang tanong ni Cheka sa kaniya habang nakaturo pa sa sarili nito. Nabigla naman si Clark sa naging reaksyon ng asawa kaya tumingin siya sa doctor. Agad naman na lumapit ang doctor para tingnan ang kalagayan ni Cheska.
“Mommy! Daddy!” natutuwang tawag ni Cheska nang makita ang mga magulang, “A-ano pong nangyari sa’kin?” Tanong nito sa mga magulang. Hindi alam ng mga magulang ni Cheska kung ano ang kanilang sasabihin.
Nagkatinginan na lamang silang mga asawa at nilapitan ang anak na nawalan ng alaala. Wala namang magawa si Clark kundi pagmasdan ang asawa habang may kirot at takot na nararamdaman sa kaniyang dibdib. Paano na lang kung hindi na sila maalala pa ng kaniyang asawa? Paano nalang silang mag-ama?
Mabuti na lamang at bumaba na ang lagnat ng kanilang anak kaya naman ay kampante nang nababantayan ni Clark ang asawang nasa ospital pa rin.Napag-alaman nilang may, kung tawagin ay, Selective Amnesia si Cheska gawa ng pagtama ng kaniyang ulo sa manibela ng sasakyan nang siya ay maaksidente. Hindi niya maalala ang nakaraang apat na taon ng buhay niya.
Hindi niya matandaan ang araw na nagkakilala sila ng kaniyang asawa o na kasal na sila at may isang anak. Wala siyang maalala na kahit ano na nangyari sa sa kaniya sa loob ng nakaraang apat na taon ng buhay niya.
Parang gumuho ang mundo ni Clark ng malaman ang kalagayan ng asawa. Pero hindi siya pwedeng panghinaan ng loob. Lalo na at may anak sila. Kailangan niyang magpakatatag para sa kanilang pamilya.
Sinubukan nilang lahat ang iba’t ibang paraan para bumalik ang alaala ni Cheska. Subalit walang kinahinatnan ang lahat ng paghihirap nila.
Wala mang maalala ay sinusubukan din naman ni Cheska na intindihin at unawain ang mga sinasabi sa kaniya ng kaniyang pamilya. Nakikita na ang lahat ng ginagawa ng kaniyang asawa para lamang makaalala siya. Naawa na rin siya rito at gusto na rin niyang makaalala. Sino ba naman ang may gustong mawalan ng alaala, ‘di ba?
Sinusubukan niya talagang alalahanin ang nakaraang apat na taon. Pero kahit na gaano niya pang subukan ay wala talaga siyang maalala. Tiningnan niya ang batang natutulog sa tabi niya at hinawakan ang maliliit nitong kamay. Sobra siyang nalulungkot at nawawasak ang kaniyang puso dahil hindi niya maalala ang sariling anak at asawa.
Nagkaroon ng isang pagtitipon sa bahay ng mga magulang ni Cheska kaya naman pumunta ang mag-asawa.
Hindi naman inaasahang naroon ang dating nobyo ni Cheska na si Richard. Nabalitaan nito ang nangyari sa dating nobya. Ilang taon din ang itinagal ng kanilang relasyon. Ngunit natapos ito nang mahuli ni Cheska si Richard na kahalikan ang kanyang matalik na kaibigan. Nangyari ang lahat ng ito isang buwan bago makilala ni Cheska ang asawang si Clark, kaya naman hindi rin ito naaalala ni Cheska.
“Cheska, hanggang ngayon ay napakaganda mo pa rin!” masiglang bati ni Richard kay Cheska at hinalikan ito sa pisngi.
Nakaramdam naman ng kilig si Cheska. Sa kaniyang alaala kasi ay ito pa rin ang lalaking minamahal. Agad namang nilapitan ni Clark ang asawa nang makitang umaaligid dito ang dating kasintahan.
Parang natauhan si Cheska nang makita ang asawa na may nanlilisik na mata at nakatingin kay Richard. Bigla siyang nakonsensya. Nakalimutan niyang may asawa’t anak na nga pala siya.
Sinampal niya si Richard nang mapagtanto ang ginagawa nito. Muntik na siya nitong halikan nang tumingin siya sa palapit na asawa! Agad naman silang nakaagaw ng atensyon dahil sa pagsampal na ginawa niya sa dating nobyo. Nagsilapitan sa kanila ang kaniyang asawa at mga magulang ni Cheska.
“Anong nangyayari rito?” Ma-awtoridad na tanong ng ama ni Cheska kay Richard. Natawa naman si Richard.
“Oh bakit Cheska? Hindi ba ako ang iyong mahal at hindi mo na matandaan ang gunggong na ‘yan na nakisawsaw sa relasyon natin noon? Hindi mo ba matandaan kung gaano tayo kasaya noong nasa mga bisig pa kita?” akmang susuntukin pa ulit sana ni Clark si Richard nang pigilan ito ni Cheska. Hinarap niya ang dating nobyo at muling binigyan ng malakas na sampal na ikinagulat naman nito.
“Maaaring nawalan ako ng alaala at hindi ko matandaan ang asawa’t anak ko o kung ano man ang mga nangyari sa aking buhay nang nakaraang apat na taon, pero naniniwala akong may mabigat na rason kung bakit tayo naghiwalay. Hindi ko man maalala iyon ay naniniwala at may tiwala ako sa desisyong ginawa ko noon. Dahil kilala ko ang sarili ko. Marunong akong mag-isip. Hindi ko man maalala ngayon ang asawa ko pero sigurado akong lubos ko siyang minamahal at ganoon din siya sa akin. Nakikita at nararamdaman ko iyon sa araw-araw naming pamumuhay. Kaya ‘wag ka nang magtangka pa at lubayan mo ako. Lubayan mo ang pamilya ko! May asawa na ako at may anak kami. Matuto kang rumespeto,” pagkatapos sabihin iyon ay hinawakan ni Cheska ang kamay ng kaniyang asawa at umalis.
Pagkarating nilang dalawa sa kanilang bahay ay agad na niyakap ni Clark ang asawa. Bagama’t nabigla ay natawa naman si Cheska sa ginawa ng kaniyang asawa.
“Bakit?” natatawang tanong niya rito.
“Wala lang. Akala ko kasi hindi mo na-aapreciate yung efforts ko. Kinabahan talaga ako kanina. Baka kasi balikan mo yung g*gong yun,” tinanggal naman ni Cheska ang mga kamay nitong nakapulupot sa katawan niya at hinarap ito.
“Ano? Ganoon na lang ba ang tingin mo sakin?” taas-kilay niyang tanong sa asawa.
“Hindi naman sa ganun,” hinawakan ni Clark ang kamay ng kaniyang mahal na asawa, “eh kasi ‘di ba, wala ka namang maalala tungkol sa’min ni baby. Malay ko ba naman na sa isip mo, siya pa rin ang mahal mo,” malungkot na tugon nito.
“Clark, gaya ng sinabi ko kanina, nawalan lang ako ng alaala, hindi ng utak. Marunong naman akong mag-isip. Saka, hindi ko man mahanap sa aking isipan ang mga alaala natin at ng ating anak, nararamdaman ko naman ang pagmamahal na nagbubuklod sa pamilyang ito. Kaya hindi ko kayo iiwan. Eh ano naman kung nawala ang mga alaala ko kasama kayo? Maari naman tayong gumawa ng mga bago. Mahal na mahal ko kayo ng anak natin,” puno ng emosyong pahayag ni Cheska sa asawang naluluha na rin.
Tumango lang si Clark at ipinatong ang noo niya sa noo ng pinakamamahal na asawa.
“Mahal na mahal din kita.”
Nagsimulang muli ang mag-asawa kasama ang kanilang munting anghel. Isang araw ay milagrong bumalik ang mga alaala ni Cheska na labis naman nilang ikinatuwang lahat. Pero kahit na bumalik ang kaniyang mga nawalang alaala ay alam nilang magiging masaya pa rin sila sa piling ng isa’t isa dahil tunay ang pagmamahal nila.
Hindi man maalala ng isipan ay naaalala naman ng puso kung sino ang itinitibok nito. Dahil kailanman, hindi nakakalimot ang pusong nagmamahal.