Inday TrendingInday Trending
Pansin ng Dalaga na Masyadong Malapit ang Kaniyang Nobyo at Matalik na Kaibigan Kaya Lihim Niyang Sinundan ang mga Ito; Labis ang Kaniyang Kahihiyan nang Malaman ang Katotohanan

Pansin ng Dalaga na Masyadong Malapit ang Kaniyang Nobyo at Matalik na Kaibigan Kaya Lihim Niyang Sinundan ang mga Ito; Labis ang Kaniyang Kahihiyan nang Malaman ang Katotohanan

Parang magkapatid na ang turingan ng matalik na magkaibigang si Monica at Trina. Nasa elementarya pa lamang ay parati na silang magkasama. Kahit anong problema man ang dumating ay parati silang magkasangga at hindi nag-iiwanan. Para sa dalawa, ang kaaway ng isa, ay kaaway nilang dalawa.

“Bes! OMG yung crush ko sabi niya, gusto niya raw manligaw sa’kin!” patiling sigaw ni Monica sa matalik na kaibigan.

“Wait, what? Hoy ikaw, sigurado ka ba d’yan? Baka mamaya masaktan ka lang d’yan ha!” nag-aalalang saad ni Trina sa kaibigan.

“Mabait naman siya, bes! Tsaka, ipapakilala ko muna siya sa’yo. Tingnan mo kung okay ba siya sa’yo?” nakangiting sagot ni Monica sa kaibigan at pinulupot ang dalawang kamay nito sa braso ng matalik na kaibigan.

Naglalambing na naman si Monica kay Trina na madalas talagang gawin nito. Likas kasi talagang malambing ang dalaga. Samantalang palaban naman ang huli.

“O sige na nga. Kikilatisin ko nang mabuti ‘yang manliligaw mo,” wala nang nagawa pa si Trina kundi sumang-ayon sa gusto ni Monica. Suportado niya din naman kung ano man ang desisyon ng kaibigan basta ba’t hindi ito mapapasama.

Ipinakilala nga ni Monica si Trina sa manliligaw nitong si Kenneth. Kinilatis muna nang mabuti ng dalaga ang lalaki bago ibigay ang kaniyang go signal sa kaibigan. Mabilis naman na nagkasundo din si Trina at Kenneth kaya naman hindi na pinatagal pa ni Monica ang panliligaw sa kaniya ng binata.

Naging masaya ang relasyon ng dalawa. Kahit saan man magpunta ang dalawa ay parati nilang sinasama si Trina. Walang iwanan, ‘yan kasi ang pangako nila. Kaya naisip ni Monica na isama na lang parati si Trina sa lakad nila. Ayos lang din naman ito kay Kenneth dahil magkasundo rin naman sila ng dalaga. Parang tropa na nga rin ang turingan ng dalawa.

Magmula sa mga date, monthsary, at mumunting samahan ay parati silang magkakasama. Kahit na minsan ay hindi maiwasang maramdaman ni Trina na isa talaga siyang dakilang third wheel sa dalawa ay okay na lang din sa kanya. Nagkakasundo naman sila ni Kenneth at masaya siya para sa kaibigan.

May mga bagay din silang napagkakasunduan ng binata na minsan ay hindi masabayan ni Monica. Hanggang sa napapansin na ni Monica na may mga sensyasan nang ginagawa ang dalawa na sila lang ang nagkakaintindihan, pinilit niya pa ring hindi maghinala.

Pero isang araw ay nakita niya na biglang nagtext ang nobyo kay Trina na agad namang tinago ng kaibigan at sinabing may pupuntahan lang siya. Hindi niya maiwasang kabahan kaya naman sinundan niya ang matalik na kaibigan.

Halos tumigil ang pintig ng puso niya ng makita ang kaniyang matalik na kaibigan at ang kaniyang kasintahan na masayang magkasama sa isang shop sa mall. Nanginginig ang kaniyang kamay na tinawagan niya ang matalik na kaibigan.

“Hello sis, nasaan ka?” tanong niya sa kaibigan.

“Ah hello sis? Sorry medyo busy eh. I’ll call back later na lang okay? Sige bye,” sagot ng kaibigan at agad din namang binaba ang tawag. Hindi man lang siya pinagsalita.

Tinitigan niya ang traydor na kaibigan at ang taksil na kasintahan. Gusto niyang sugurin ang mga ito pero parang hindi niya rin kaya. Kailan pa nila ginagawa iyon sa kaniya? Kailan pa sila palihim na nagkikita? Kailan pa nila siya inumpisahang lokohin? Hindi na napigilan ni Sheena ang sariling mga luha. Kusa itong tumulo sa kaniyang mga mata.

Makalipas ang ilang oras ay tinawagan na siya ni Trina. Nag-aalinlangan man ay sinagot niya pa rin ito.

“Hello sis? Nasaan ka? Nandito ako sa inyo,” masayang saad ni Trina sa kaibigang wala siyang malay ay naninibugho na sa kaniya.

“Sige sis, pauwi na ako d’yan,” pilit na pinasigla ni Monica ang kaniyang boses para hindi mapansin ng kaibigan ang kaniyang nararamdamang lungkot at sama ng loob. Plano niyang komprontahin ang kaibigan at harapang tanungin ito kung bakit at paano nagawa nito na lokohin at pagtaksilan siya.

Pagkarating niya sa kanila ay nakita niyang nakaparada ang sasakyan ni Kenneth sa harapan ng bahay nila. Nag-igting naman ang kaniyang mga baga. Sabay pa sila ngayon dumating. Ano ‘to, aamin na sila sa kataksilang nagawa? Dali-dali siyang umakyat sa kwarto niya at ng mabuksan ang pinto at nakita ang matalik na kaibigang si Trina ay agad niya itong sinabunutan.

“Walang hiya kayo! Mga traydor! Mga taksil!” sigaw niya habang nakasabunot sa buhok ng kaibigan. Pero natigilan siya sa nakita sa loob ng kwarto niya.

Nagkalat na balloons at birthday decorations. Isang surpresa. Naghanda pala ang mga ito ng surpresa para sa kaniya. Napaluha siya ng mabasa ang bandiritas na nagsasabing, “Happy Birthday, Monica!”

Sa sobrang pagkapraning niya sa paghihinala ay nakalimutan niyang kaarawan niya pala! Kaya pala ilang araw itong may mga lihim na usapang kaniyang napapansin. Naghahanda pala ang mga ito para sa surpresahin siya. Hiyang-hiya siya at hindi makatingin ng diretso sa matalik na kaibigang si Trina.

“Ako pa talaga sa lahat ng tao ang pinaghinalaan mong tratraydor sa’yo ha, sis? Ako pa talaga?” punong-puno ng hinanakit na tanong sa kaniya ng dalaga. Hindi naman siya nakasagot o kahit makatingin man lang sa kaibigan. Hindi nakayanan pa ni Trina at umalis ito nang umiiyak.

“Babe, wala kaming ginagawang masama ni Trina. Palihim lang kaming nag-uusap dahil pinaghandaan namin itong sorpresa namin para sa’yo,” nilapitan naman ni Kenneth ang nobya at niyakap.

Napahagulhol na lang sa iyak si Monica dahil sa sobrang kahihiyang nadarama. Hindi siya makapaniwala na pinaghinalaan siya ng ganoon ang matalik na kaibigan. Labis siyang nahihiya sa kaniyang nagawa.

“I know. I’m sorry. I’m sorry.” Paulit-ulit niyang sinasabi sa kaniyang nobyo habang lumuluha.

“Hush, it’s okay. Pero kailangan mong mag sorry kay Trina. Ang laki pa naman ng effort nun para sa’yo,” pagpapakalma ni Kenneth sa kaniyang nobya. Tumango lang ang dalaga at pilit na pinapakalma ang sarili.

Hindi nila pinatapos ang araw at pinuntahan si Trina sa bahay nito upang makahingi ng paumanhin dito. Agad din naman siyang pinatawad ng kaibigan at sinabing naiintindihan siya nito.

Simula noon ay hindi na naulit pa ang pangyayaring iyon. Kalaunan din ay nagkaroon na rin ng sariling nobyo si Trina na kinilatis din naman muna ni Monica. Naging masaya ang magkaibigan at patuloy na pinangalagaan ang kanilang pagkakaibigan.

Pakakatandaan sana natin na bago tayo maghinala, ugaliing magtanong muna. Sapagkat, hindi lahat ng pagkakataon ay tama ang ating hinala. Bigyan natin ng pagkakataong magpaliwanag ang iba, linawin mo muna bago ka mag-isip ng masama.

Advertisement