Inday TrendingInday Trending
Kilala ang Mag-asawa at ang Kanilang Negosyo na Talaga Namang Patok sa mga Estudyante; Alamin ang Kwento Nila at ang Sikreto sa Kanilang Tagumpay

Kilala ang Mag-asawa at ang Kanilang Negosyo na Talaga Namang Patok sa mga Estudyante; Alamin ang Kwento Nila at ang Sikreto sa Kanilang Tagumpay

“Tatay Tonyo! Good morning po!” Masiglang bati ni Emma sa matandang nagsisimula nang maghain ng mga pagkaing ihahain sa araw na iyon sa kanilang bahay-kainan.

“O Emma, ano sopas ba ulit?” tanong ng matandang lalaki sa dalagang suki.

Isang estudyante sa isang malapit na unibersidad sa kanilang pwesto ang dalaga. Parang anak na rin ang turing ni Tatay Tonyo sa dalaga. Nasa huling taon na rin ito nang kursong napili at malapit na ring magtapos sa darating na Marso sa susunod na taon.

“Siyempre, ano pa ba? Alam niyo naman na kulang ang araw ko pag hindi ako nakakapag-umagahan ng sopas niyo,” magiliw na saad naman ng dalaga sa matanda.

Malapit talaga sa isa’t isa si Tatay Tonyo at si Emma. Sa katunayan ay hindi lang ang dalaga ang malapit sa matandang lalaki at sa asawa nitong si Aling Rosa, kundi pati na rin ang iba pang mga suki nila na talaga namang mahal na mahal ang mag-asawa dahil sa sarap ng luto ng mga ito at sobra pa sa bait.

Sa Sampaloc, Maynila nakatayo ang Bahay-Kainan nila Tatay Tonyo. Masarap, mura at talaga namang lutong-bahay ang mga putaheng kanilang inihahain sa kanilang Bahay-Kainan. Kaya naman hindi nakapagtataka na patok na patok ang kanilang Bahay-Kainan sa kanilang lugar. Lalo na’t napapaligiran ng iba’t ibang unibersidad at paaralan ang kanilang pwesto. Nagkalat din ang mga bahay-paupahan at mga dormitoryo sa kanila.

Si Tatay Tonyo at ang pamilya kasi nito ang nagsisilbing pamilya na rin ni Emma sa Maynila. Galing pa sa probinsya ng Samar kasi ang dalaga at napunta lamang ng Maynila upang mag-aral ng kursong Nursing sa unibersidad na pinapasukan nito. Talaga namang malayo ito sa tunay na pamilya at tahanan.

Simula nang lumipat sa kaharap na dormintoryo ng Bahay-Kainan nila Tatay Tonyo si Emma, doon na talaga ito kumakain sa Bahay-Kainan.

Mga senior niya sa kanilang departamento sa unibersidad ang nagpakilala kila Emma at sa pamilya nila Tatay Tonyo. Mga galing din kasi sa probinsya ang mga ito at nangungulila din sa kanilang mga pamilya. Ayon nga sa pahayag ng lahat ng nakakain na doon ay kakaiba ang sarap ng mga putahe ng Bahay-Kainan nila Tatay Tonyo. Swerte namang nasa harap lang din ito ng kaniyang bagong dormitoryong pinapasukan.

Hindi basta-bastang lutong-bahay lang ito. May halong lasa ng pagmamahal, at talagang maaalala mo ang iyong sariling tahanan.

“O ito anak, kainin mo na ang sopas mo habang mainit pa,” saad ni Tatay Tonyo kay Emma habang inihahain sa harapan niya ang paboritong sopas.

“Ay salamat po, ‘tay,” nakangiting tugon ng dalaga bago kinain ang sopas na hinintay.

Mahigit labinlimang taon nang nagsimulang magbukas ang Bahay-Kainan ni Tatay Tonyo. Noong una ay empleyado lamang siya sa isang kilalang restawran sa Maynila. Medyo may kalakihan ang pamilya nila Tatay Tonyo at siya lamang ang kumakayod sa kanila kaya naman kulang pa rin ang perang kaniyang sinasahod buwan-buwan.

Magaling magluto ang maybahay niyang si Aling Rosa. Sa Pampanga ito lumaki kaya naman marami itong masasarap na putaheng alam lutuin. Likas ding mabait at maalaga ito sa kaniya at sa kanilang mga anak. Sadyang masayahin at palakaibigan din ang pamilya nila Tatay Tonyo kaya naman ay madali lang din silang makagaanan ng loob.

Mahigit labinlimang taon na rin ang nakararaan bago maisipang magtayo ng Bahay-Kainan nila Tatay Tonyo ay may nakilala silang mga estudyante na nangungupahan sa isang condo malapit sa kanila.

Pauwi na si Aling Rosa noon galing sa palengke nang muntik na siyang mabundol ng isang traysikel. Nawalan siya ng balanse nang sinubukang umiwas at natumba.

“Ano ba?! ‘Wag ka ngang tatatanga-tanga hoy!” sigaw pa sa kaniya ng traysikel drayber na hindi man lang tumigil para magpaumahin. Agad naman na may lumapit na dawalang estudyante sa kaniya at tinulungan siya.

“Ayos lang po ba kayo?” Tanong sa kaniya ng dalaga habang tinutulungan siyang tumayo. Pinulot naman ng kasama nitong binata ang mga pinamili niyang mga sangkap at pagkain.

“Naku, ayos lang. Medyo masakit lang ang pagkakatumba ko pero ayos lang naman,” saad ni Aling Susan habang pinapagpag pa ang kaniyang damit.

“Maraming salamat mga anak ha? Kay babait niyo namang bata,” Natutuwang pasasalamat niya sa dalawang estudyante.

“Naku, walang anuman po iyon ‘nay,” nakangiting tugon ng dalaga kay Aling Rosa.

“’Wag po kayong mag-alala nay, makakarma din po yung traysikel drayber na yun. Napakasama ng ugali! Siya na nga nakabundol, siya pa galit!” asik naman ng binata. Bigla namang tumunog ang tiyan ng binata. Bahagya namang napatawa si Aling Rosa.

“O sige mga anak, bilang pasasalamat sa inyong kabutihan ay sumama na kayo sa akin at ipaghahanda ko kayo ng hapunan,” pag-iimbita niya sa dalawang estudyante. Nahihiya naman ang dalawa kaya naman ay agad na tumanggi ang mga ito.

Wala naman silang nagawa kundi sumama dahil nagpumilit din si Aling Rosa. Ito raw ang kanilang munting gatimpala dahil busilak ang kanilang kalooban.

“Wow! Ang sarap naman po ng luto niyo!” masaya at puno ng buhay na pahayag ni Arman matapos matikman ang Sinigang na niluto ni Aling Rosa. Agad din naman itong tinikaman ni Miriam.

“Oo nga po! Parang luto po ng nanay ko,” masayang tugon ng dalaga.

“Mabuti naman at nagustuhan ninyo ang luto ko. Hala sige at kumain lang kayo at magpakabusog,” naaaliw na pahayag naman ni Aling Rosa sa dalawa.

Si Arman at Miriam ay magpinsan na nag-aaral sa kalapit na unibersidad. Kararating lang nila galing probinsya noong nakaraang buwan at kasalukuyang nakatira sa isang condo malapit sa kanila. Palibhasa’y unang beses na nahiwalay sa pamilya kaya naman ay labis ang pangungulila at lungkot na nadarama ng dalawa.

Naisiwalat ng dalawang bata ang kanilang mga pinagdadaanan kila Aling Rosa at sa asawa nitong si Tatay Tonyo. Ang labis na lungkot at hirap na mawalay sa kanilang pamilya. Wala naman silang magagawa kundi magtiis dahil para rin naman sa kanilang pangarap at kinabukasan ang kanilang ginagawa.

Labis na naawa naman ang mag-asawa sa dalawa kaya naman ay madalas nila itong imbitahan na maghapunan sa kanila. Dahil ayon nga sa dalawa ay naiibsan daw ang kanilang pangungulila sa kanilang tahanan at pamilya kapag natitikman na nila ang mga putahe ng mag-asawa. Labis din namang nasisiyahan ang mag-asawa na sa simpleng pagkaing kanilang inihahanda ay nakakalimutan ng dalawang bata ang kanilang mga problema at naiibsan ang kanilang pangungulila sa kanilang pamilya.

Doon nagsimula ang kanilang Bahay-Kainan. Sa kagustuhan nilang mas marami pang estudyanteng matulungan na kahit pansamantala lamang ay makalimutan nila ang lungkot at pangungulila sa mga naiwan nilang pamliya sa probinsya. Kaya naman nag-isip sila ng mga putaheng masustansya, swak sa budget at mga karaniwang niluluto ng mga pamilyang pilipino.

Makalipas ang mahigit labinlimang taon ay patuloy pa rin ang paghahatid ng mga pagkaining puno ng pagmamahal para sa mga estudyang nangungulila sa kanilang mga pamilya ang Bahay-Kainan ni Tatay Tonyo.

Marami na rin ang napatapos nilang mga anak-anakan sa loob ng labinlimang taon na iyon, kasama na siyempre sina Arman at Miriam na siya din namang tumulong na maipakilala sa mga unibersidad at mga kalapit na paaralan ang Bahay-Kainan ni Tatay Tonyo at Nanay Rosa. Karamihan sa mga ito ay mga matagumpay na sa kanilang mga buhay at hindi pa rin nakakalimot sa kabutihan ng mag-asawa at paminsan-minsan ay binibisita sila ng may dalang mga pasalubong bilang pasasalamat dahil sa kanilang mga pagkaing hinahain araw-araw, ay nakayanan nila ang lungkot at hirap ng pagkakawalay sa pamilya.

Advertisement