Inday TrendingInday Trending
Lumayo ang Babae sa Kaniyang Nobyo Dahil sa Natuklasang Nakikipagkita pa rin Ito sa Dating Nobya; May Malalaman pa Pala Siya na Mas Ikagugulat Niya

Lumayo ang Babae sa Kaniyang Nobyo Dahil sa Natuklasang Nakikipagkita pa rin Ito sa Dating Nobya; May Malalaman pa Pala Siya na Mas Ikagugulat Niya

Nagmamadali si Michelle papunta sa convenience store. May ipinabibili sa kaniya ang bunsong kapatid kaya kahit umuulan ay lumabas siya sa opisina.

“Naku, kailangan ko nang bilisan at baka lumakas pang lalo ang ulan,” wika niya sa isip.

Habang papalapit ang kaniyang mga hakbang sa pupuntahan ay may bigla siyang nakitang pamilyar na mukha. Hindi niya inaasahan na makikita ito na may ibang kasama. Namataan niya ang kasintahang si Jake na kasama rin niya sa trabaho, may kasama itong ibang babae. Mataba rin ang pangangatawan ng babae na kagaya niya ngunit mas maganda iyon at maputi kaysa sa kaniya. Namukhaan din niya ito, kilalang-kilala niya ang babaeng iyon. Kasama ng lalaki ang ex girlfriend nitong si Becka.

Hindi muna nagreact si Michelle sa nakita. Nakiramdam muna siya at nagmasid.

“B-bakit niya kasama si Becka? Nakikipagbalikan ba siya kay Jake?” tanong niya sa sarili.

Pumuwesto siya sa tabi ng fruit stand na malapit sa kinaroroonan ng dalawa. Hindi siya nagpahalata at ikinubli ang sarili sa dalang payong. Kitang-kita niya ang mga ito na nakatayo sa labas ng convenience store. Hindi nababasa nang malakas na ulan ang nobyo at ang babae dahil may malaking kubol na pananggalang sa mga patak ng ulan. Hindi nakaligtas sa kaniyang pandinig ang pinag-uusapan ng mga ito dahil ilang hakbang lamang ang layo niya roon.

“Jake, wala na kami ni Troy. Iniwan niya ako matapos na may mangyari sa amin. B-buntis ako at hindi ko alam ang gagawin,” pagtatapat ni Becka saka nag-umpisang umiyak.

“Bakit ka pa nagpakita sa akin? ‘Di ba ikaw ang umalis at ipinagpalit mo ako sa mga pangarap mo? Hindi ko akalain na isa pala roon ang pagsama mo sa ibang lalaki na hindi mo pala lubos na kilala pagkatapos ngayon ay sasabihin mo ‘yan sa akin? Naka move on na ako. Sanay na akong wala ka sa buhay ko!” sambit ni Jake.

“Pinagsisisihan ko ang pang-iiwan ko sa iyo. Nasilaw ako sa pera ni Troy. Ang akala ko’y siya ang makapagbibigay sa akin ng magandang buhay at tutupad sa aking mga pangarap ngunit niloko lang niya ako. Naniwala ako sa mga pangako niya na siya ang mag-aahon sa akin sa hirap ngunit nagkamali ako.” Nagsusumamo ang boses ng babae. “Hindi ko alam ang gagawin ko, Jake. Siguradong papat*yin ako ng mga magulang ko pag nalaman nilang buntis ako!”

Bumigay na si Becka. Napahagulgol na ito at lumuhod sa harapan ng lalaki. Pinagtitinginan na rin ang dalawa ng mga tao sa paligid.

“Tumayo ka. Bigyan mo nga ng respeto ang sarili mo,” wika ni Jake na dahan-dahang inalalayan na maitayo ang dating nobya saka niyakap nang mahigpit para pakalmahin.

Sa nakitang iyon ni Michelle na pagyakap ng kasintahan sa babae ay tila nakisabay sa masungit na panahon ang naramdaman niyang kirot sa puso. Nagseselos siya, parang gusto na rin niyang umiyak sa kinatatayuan.

Hindi na niya hinintay ang mga sumunod na nangyari, agad na umalis at bumalik sa opisina.

Maghapon niyang hindi kinibo ang nobyo. Kahit niyaya siya nitong lumabas sila ay wala siyang ganang kasama ito. Nang ihatid siya ni Jake sa kanilang bahay ay napansin niyang naiwan ng lalaki ang cell phone nito sa kaniyang bag. Naalala niyang nakitawag pala siya rito. Hindi sinasadyang nakalimutan ni Jake na kunin ito sa kaniya. Maya-maya ay biglang may nagtext. Hindi niya agad nalaman kung kanino galing ang text message dahil tanging numero lang at hindi pangalan ang nakaregister. Na-curious siya kung sino ang nagtext kaya pinakialaman niya at binasa ang mensahe.

“Anong oras ka pupunta rito sa bahay? Nagluto ako ng paborito mo. Si Becka ‘to.”

Halos mabitawan niya ang hawak na cell phone. Dahil sa nabasa niyang iyon ay binasa rin niya ang iba pang text message na nasa sent items ng cell phone hanggang sa may nabasa siya na tuluyang ikinadurog ng puso niya.

“Sasamahan kitang magpacheck up bukas. Susunduin Kita. TC always – Jake”

Umagos na sa mga mata niya ang mga luhang kanina pa gustong lumabas. Nagkatotoo na ang pinangangambahan niya, ang muling maagaw ng babae ang kaniyang nobyo. Mahal niya ang lalaki ngunit ano ang laban niya sa dati nitong nobya? Mas matagal na nitong kilala si Becka at matagal din ang naging relasyon ng dalawa. Naghiwalay lang ang mga ito nang sumama ang babae sa ibang lalaki at iniwan ang nobyo. Masuwerte lang siya dahil nagustuhan din siya nito dahil sa kabaitan niyang taglay. Ngayong binabawi na ng babae ang lalaking pinakamamahal niya ay siya na mismo ang lalayo, para kay Michelle, kung mas liligaya si Jake sa piling ng dating kasintahan ay siya na lamang ang aalis sa buhay nito. Nagpasa siya ng resignation letter sa opisina at nagpunta sa probinsya. Ngunit agad naman siyang nahanap ni Jake at nalaman nito ang dahilan ng kaniyang paglayo. Parang pamilyar pa nga ang lalaki sa lugar na pinuntahan ngunit nakakasigurado itong ngayon lang nito iyon narating.

“Tao po, tao po!” sigaw ng lalaki.

Biglang umaliwalas ang mukha ni Jake nang masilayan ang nagbukas ng pinto – si Michelle.

“M-Michelle, kailangan nating mag-usap,” bungad na wika ni Jake. “Bakit umalis ka ng walang pasabi? Hindi mo man lang ako sinabihan sa plano mong ito?”

“Ano pang ginagawa mo rito, Jake? Umalis ka na at bumalik ka na kay Becka, siya ang babaeng nararapat para sa iyo,” wika ng dalaga.

“Sa palagay mo’y bakit ako pumunta rito kung si Becka ang nararapat sa akin?” tanong ng lalaki sabay hawak sa mga pisngi ng kasintahan.

“Nakita ko kayo ni Becka na nag-uusap. Narinig ko na buntis siya at parang gusto niyang bumalik sa buhay mo. Nabasa ko rin ang mga palitan ninyo ng text message sa cell phone mo. Paano mo maipapaliwanag sa akin ang lahat ng iyon?” sumbat niya sa nobyo.

“Yes, bumalik si Becka sa buhay ko, pero bilang isang kaibigan na lamang. Tinawagan niya ako at nang magkita kami ay nalaman kong nagdadalantao siya. Hindi raw siya maaring magpakita sa mga magulang niya na ganoon ang kalagayan niya. Nakipagkita rin siya para makipag-ayos at mag-sorry sa ginawa niyang pakikipaghiwalay sa akin noon. Nasaktan niya ako ng sobra nang iwanan niya ako at ipagpalit sa iba ngunit sino ba ako para hindi magpatawad? Walang ibang kaibigan si Becka, ako na lang ang mahihingan niya ng tulong. Sinamahan ko siyang magpacheck up sa doktor at dinadalaw ko rin sa inuupahan niyang bahay bilang isang kaibigan na lang at tanggap naman niya iyon. Tanggap na rin niya na may bago na akong iniibig. Isang babae na karapat-dapat ihatid sa altar at iharap sa Diyos. Ang babaeng gusto kong makasama sa hirap at ginhawa at ikaw iyon, Michelle. Mahal na mahal kita,” bunyag ni Jake.

“Ang akala ko’y tuluyan ka nang mawawala sa akin. Inihanda ko na ang sarili ko kaya ako lumayo sa iyo, kasi ayaw kong makipagkumpitensiya kay Becka na una mong minahal. Anong laban ko sa kaniya? Kaya nang mabasa ko ang mga text message ninyo sa isa’t isa ay inakala kong siya pa rin ang pinipili mo.”

Dahan-dahang pinahid ni Jake ang mga luha sa mga mata ng kasintahan at hinagkan sa mga labi.

Sa mga sinabi ni Jake ay nabuhay ang damdamin ni Michelle at nawala ang mga pagdududa ng dalaga.

“I’m sorry, mahal ko. Kung sinabi ko sa iyo agad ay hindi na sana humantong pa sa ganito. Natakot din kasi ako sa magiging reaksyon mo.”

Idinampi ni Michelle ang daliri sa mga labi ni Jake. Tanda na pinipigilan na itong magsalita.

“Sssh… tama na ang sisihan. May kasalanan din naman ako. Pinangunahan ako ng takot na iiwanan mo ako at ipagpapalit kay Becka. Sorry, kung naging mahina ako.”

Nang ‘di sinasadyang mapansin ni Jake ang kulay dilaw na cap na nakapatong sa ibabaw ng maliit na tokador.

“T-teka, b-bakit narito ang cap na ito?” nagtatakang tanong ng lalaki.

“I-iyan ba? Naiwan kasi ‘yan ng batang iyakin na tinulungan ko noon. Muntik na siyang malunod dahil tumalon sa dagat, eh, hindi naman pala marunong lumangoy. Mabuti na lamang at naroon kami ni tatay at nailigtas ko siya sa pagkalunod. Dito kasi ako lumaki at nagka-isip, ang bahay na ito ay dati naming bahay bago kami lumipat sa Maynila. Pagmamay-ari ito ng namayapa kong lolo at lola na mga magulang naman ni tatay. Alam mo, awang-awa talaga ako sa batang iyon, iyak siya nang iyak dahil namat*y ang mga magulang niya. Gusto na rin daw niyang mamat*y. Isasauli ko nga ang cap kaso hindi ko na siya nakitang muli. Hindi ko na nga alam kung anong nangyari sa kaniya,” sambit ng dalaga.

Labis na ikinagulat ni Jake ang natuklasan.

“A-ako ang nagmamay-ari ng cap na ito. Hinding-hindi ako maaaring magkamali. Tingnan mo ang ibabang gilid nitong cap, nakaburda ang mga pangalan ng nanay at tatay ko. I-ibig sabihin, ikaw ang batang mataba na sumagip sa akin noong muntik na akong malunod sa dagat?”

“O-oo nga, may mga pangalan ngang nakaburda rito!” gulat na sambit ni Michelle.

Manghang-mangha si Jake sa nalaman. Ang babaeng minahal niya ay ang batang babaeng nagligtas sa kaniya noon. Kaya pala parang narating na niya ang lugar kung saan naroon ang nobya dahil iyon ang lugar kung saan binawian ng buhay ang mga magulang niya dahil sa isang aksidente at tanging siya lang ang nakaligtas. Sa sobrang sama ng loob dahil sa pagkawala ng mga magulang ay gusto na rin niyang magpakamat*y ngunit pinigilan siya nito na gawin iyon at sinagip siya sa pagkalunod. Kinalimutan na rin niya ang lugar na iyon na nagbigay ng labis na kalungkutan sa kaniya.Tumatak rin sa isip niya ang malusog na pangangatawan ng bata na matapang na nagligtas sa kaniya. Mula noon ay nahilig na siya sa mga matatabang babae. Kaya nga niya nagustuhan noon si Becka dahil sa korte ng katawan ng dating girlfriend.

“Kaya pala ang gaan-gaan ng loob ko sa iyo mula nang magkakilala tayo. Pilit tayong pinaglapit ng kapalaran dahil tayo talaga ang itinadhana. Kung noon ay ako ang iniligtas mo, ngayon naman ay ako na ang habambuhay na magpoprotekta sa iyo,” hayag ni Jake sabay buhat sa nobya gamit ang matipunong mga bisig.

“Hindi pa rin ako makapaniwala na ikaw si batang iyakin. Pinagtagpo talaga yata tayo ng tadhana, mahal ko,” tugon ng dalaga at niyakap nang mahigpit ang lalaki pagkatapos ay hinalikan sa magkabilang pisngi.

‘Di nagtagal ay ikinasal ang magkasintahan. Pumunta rin sa kasal nila si Becka. Isang buwan na lang at manganganak na ito. Nakilala na rin niya ang babae at masasabi niyang mabait din ito tulad ng kaniyang asawa. Suportado nito ang pagmamahalan nila ng mister at hangad din nito ang kanilang kaligayahan. Natanggap at napatawad na rin ito ng mga magulang.

Advertisement