Binasted ng Dalaga ang Manliligaw na Gasoline Boy; Nanlumo Siya Nang Pinakawalan Niya Ito
“Ang tagal nang nanliligaw sa iyo ni Ezekiel. Wala ka bang balak na sagutin siya?” tanong ni Sarah sa kaibigang si Cyvil.
“Sarah naman, kailan ba ako nagkagusto sa lalaking ‘yon? Siya lang naman itong humahabol-habol sa akin!”
“Kung wala ka palang planong sagutin ‘yung tao, eh, ‘di tapatin mo na agad. ‘Di ‘yung ginagawa mong tanga.”
“Don’t worry, girl. Darating tayo d’yan. Nag-e-enjoy pa ako sa kaniya, eh. Kapag nagsawa akong paglaruan ang mokong na ‘yon ay saka ko babastedin.”
Ilang buwan na ring nanliligaw si Ezekiel kay Cyvil. Araw-araw siya nitong dinadalaw sa kanilang bahay at hinahandugan pa ng mga bulaklak at tsokolate. Kunwari namang gustung-gusto ng dalaga ang ginagawang panliligaw ng binata, pero sa kaloob-looban ay diring-diri siya rito. Hindi naman kasi kaguwapuhan ang binata at isa lamang hamak na gasoline boy. Pinaglalaruan lang niya ang damdamin ng pobreng si Ezekiel.
“Nagustuhan mo ba ang mga ibinigay kong mga bulaklak at tsokolate? Pasensya ka na, ‘yan lang ang nakayanan ko, eh,” sabi ng binata.
“Ayos lang ‘to sa akin, Ezekiel,” matabang na tugon ng dalaga.
“Cyvil, alam mo naman na matagal na akong nanliligaw sa iyo, ‘di ba? Kailan mo ba ako sasagutin? Napatunayan ko na naman na tapat ang hangarin at pag-ibig ko sa iyo. Ikaw lang ang babaeng pakamamahalin ko.”
“A, eh, E-Ezekiel, hayaan mong pag-isipan ko muna ang tungkol d’yan,” tugon ni Cyvil.
Nalungot ang binata sa isinagot sa kaniya ng nililigawan.
“Nauunawaan ko. Handa akong maghintay kung kailan ang takdang panahon na ibibigay mo sa akin ang iyong matamis na ‘oo’ dahil ganyan kita kamahal, Cyvil.”
Umismid lang ang dalaga.
“S-sige na, Ezekiel, gabi na, eh. Inaantok na ako.”
Nagpaalam na ang binata at sa pag-alis nito ay ‘di pa rin maalis ang simangot sa mukha ni Cyvil.
“Maghintay ka hanggang gusto mo! Wala kang mapapala sa akin. Ayokong mapunta lang sa isang gasoline boy na gaya mo, pinaglalaruan lang kita. Bukas na bukas ay babastedin na kita para tigilan mo na ang pangungulit sa akin!” wika niya sa isip.
Umaga pa lang ay tinawagan na ni Cyvil ang binata.
“Hello, Ezekiel. Punta ka rito sa bahay mamayang gabi at may sagot na ako sa iyo,” sabi ng dalaga.
“Talaga, Cyvil? Sige, pupuntahan kita mamaya. Hintayin mo ako, ha?”
Tuwang-tuwa si Ezekiel sa tawag na iyon ni Cyvil. Nabuhayan siya ng loob sa pag-aakalang sasagutin na siya ng kaniyang nililigawan.
Maghapong masigla si Ezekiel nang araw na iyon. Napansin tuloy siya ng mga kasama niya sa gasolinahan.
“Ezekiel, mukhang maganda ang araw mo ngayon, pare!” sambit ng isa niyang kasamang lalaki.
“Masaya lang ako, pare kasi sasagutin na ako ng babaeng pinakamamahal ko,” tugon ng binata.
“Kaya pala kakaiba ang sipag mo ngayon. Kanina ka pa nagtatrabaho riyan. Magpahinga ka naman,” hirit pa ng isang staff.
“Imbitado kami sa kasal, ha? Para makahigop naman kami ng mainit na sabaw,” biro ng isa sa kapwa niya gasoline boy.
“Lahat kayo imbitado kapag ikinasal kami ng babaeng mahal ko, mga pare koy!”
Kahit maghapong pagod sa pagtatrabaho sa gasolinahan ay naghanda pa rin si Ezekiel sa pagpunta sa bahay ni Cyvil. Nagbihis siya nang maayos at nagdala ng mga bulaklak at tsokolate. Ilang oras lang ay naroon na siya at kaharap na ang babaeng pinakamamahal. Excited na siya sa isasagot ng dalaga.
“Matagal kong hinintay ang araw na ito, Cyvil. Sa wakas ay dumating din,” sabi ni Ezekiel sa masayang tono.
Maayos namang humarap si Cyvil sa binata. Seryoso ang mukha.
“A-A, eh, E-Ezekiel, pinapunta kita rito para sabihin na sa iyo ang sagot ko. Sorry, pero h-hindi ko matatanggap ang pag-ibig mo.”
“A-Ano?! P-pero, bakit?!”
“Napag-isip-isip kong hindi ikaw ang lalaking makapagbibigay sa akin ng magandang buhay. Isa ka lamang gasoline boy at hindi ka rin nakapagtapos ng pag-aaral. Ano’ng buhay ang maibibigay mo sa akin?”
“Ang akala ko’y…”
“Pasensya na, Ezekiel, pero hindi ikaw ang lalaking pinangarap ko. Kung talagang mahal mo ako, mauunawaan mo ang desisyon ko.”
Napabuntong-hininga ang binata. Bakas sa mukha nito ang labis na kalungkutan.
“Naiintindihan ko ang desisyon mo, Cyvil. S-sige, magpapaalam na ako sa iyo. Heto nga pala ‘yung mga bulaklak at tsokolate,” malungkot na sambit ng binata sabay abot ng mga regalo nito.
Matamlay at lulugu-lugong umalis si Ezekiel na puno ng kabiguan.
Lihim namang nagdiwang si Cyvil dahil sa wakas ay binasted na niya ang lalaking kaytagal na nangulit sa kaniya.
“Salamat at hindi na niya ako guguluhin,” bigkas ni Cyvil sa isip.
Dalawang buwan ang mabilis na lumipas at isang nakakagulat na balita ang nakarating kay Cyvil.
“Cyvil, nabalitaan mo na ba?” tanong ng kaibigan niyang si Sarah.
“Ano naman ‘yon?”
“Si Ezekiel, ‘yung manliligaw mo na binasted mo!”
“Puwede ba, wala na akong pakialam sa gasoline boy na ‘yon!” inis niyang sabi.
“Mayaman na siya ngayon, friend. Nabalitaan kong ampon lang pala siya ng mga magulang niya na kumupkop sa kaniya. Hinanap siya ng mga tunay niyang magulang na ubod pala ng yaman at nagmamay-ari ng isang hacienda sa Bulacan. Nag-iisa lang siyang anak kaya siya lang ang tanging tagapagmana ng mga ito. Biruin mo, friend, isa pala siyang haciendero!” bunyag ng babae.
“A-ano?! Totoo ba ‘yan?!”
“Oo, Cyvil. Bakit mo siya pinakawalan? Bukod sa mabait si Ezekiel ay mayaman pa pala. Ang suwerte mo sana, girl!”
Biglang nanlumo si Cyvil sa kaniyang nalaman. Ang inakala niyang simpleng binata at isa lamang gasoline boy ay isa palang mayamang haciendero. Laking panghihinayang niya dahil pinakawalan pa niya ang mabait at responsableng lalaki na gaya ni Ezekiel na handa sana siyang pakasalan, ngunit pinaglaruan lang niya ang pagmamahal nito sa kaniya. Ngayon ay nagsisisi siya kung bakit pa niya pinalagpas ang pagkakataon na sagutin ang binata. Magsisi man siya ay huli na dahil bali-balita rin na may bago ng nobya ang lalaki na papakasalan na nito. Mas maganda at ‘di hamak na mas mabuti ang pag-uugali kaysa sa kaniya.