
Mapanakit at Mabisyong Asawa ang Lalaking Ito Dahilan Upang Siya’y Makulong; Sa Bilibid Niya Naituwid ang Baluktot Niyang Buhay
“Mahal ko, Leslie, tulungan mo ako, ayokong makulong, ayokong gugulin ang buong buhay ko sa kulungan! Parang awa mo na, alam mo namang lasing ako at nadala lang ako ng emosyon. Pangako, magbabago na ako, hindi na kita sasaktan, ititigil ko na rin lahat ng bisyo ko, parang awa mo na,” pagmamakaawa ni Badong sa asawa habang siya’y pumipiglas sa pagkakaposas ng mga pulis.
“Mabulok ka d’yan sa kulungan! Ilang taon na akong nagtiis sa’yo, Badong! Dito na tayo nagtatapos! Hinding-hindi mo na kami makikita ng mga anak mo!” sigaw ng kaniyang asawa, bakas sa mukha nito ang puot na nararamdaman para sa kaniya.
“Leslie, huwag mong gawin sa akin ito, nagmamakaawa ako! Huwag mong idamay ang mga anak ko,” mangiyakngiyak niyang sambit habang pilit pa ring pumipiglas sa mga pulis.
“Bahala ka na sa buhay mo! Daig mo pa ang sampung demonyo!” bulyaw nito sa kaniya, sasagot pa sana siya nang bigla na siyang ipasok ng mga pulis sa sasakyan at tuluyan na ngang dalhin sa kulungan.
Natatangi ang lalaking si Badong sa lahat ng padre de pamilya ngunit sa negatibong usapan. Bukod sa wala na siyang permanenteng trabaho, kapag siya’y may nahahawakang pera, agad niya itong pinambibili ng bisyo o pinangsusugal kaysa ipangbili ng bigas at ulam para sa kaniyang pamilya.
Ngunit hindi pa doon natatapos ang mga masama niyang gawain dahil sa tuwing nalalasing, nakakahithit, o kapag siya’y natatalo sa sugal, sinasaktan niya ang kaniyang mag-iina. Palagi niyang napupuruhan ang kaniyang asawa dahil sinasangga nito lahat ng kaniyang suntok upang huwag masaktan ang kanilang mga anak.
Noong araw na iyon, naaktuhan siya ng mga rumorondang pulis na sinasaktan niya ang kaniyang mag-iina. Doon na siya tuluyang isinuplong ng kaniyang asawa na siya’y gumagamit ng masamang gamot at palaging nananakit, agad na siyang kinapkapan at nakitaan nga siya ng isang pakete ng pinagbabawal na gamot dahilan upang agad siyang posasan.
Nagmakaawa man sa asawa, wala na siyang ibang nagawa kundi harapin na lamang ang parusa sa masasama niyang gawain. Patong-patong ang kasong kinakaharap niya, ni hindi niya alam kung muli pa ba siyang makakalaya dahilan upang unti-unti siyang mawalan ng pag-asa.
Sa araw-araw niyang pamamalagi sa kulungan, iba’t-ibang taong may iba’t-ibang kwento ang kaniyang nakasalamuha. Ang iba’y pinuno ng isang ilegal na trabaho, mayroong nadala ng galit kaya nakakitil ng buhay habang ang iba nama’y napagbintangan lamang at lahat sila’y pawang nawawalan na ng pag-asang madugtungan pa ang kanilang malayang pamumuhay.
Araw-araw niya rin tiniis ang init, pagkain at mabahong amoy sa kulungan na labis na nagbigay aral sa kaniyang maling pamumuhay noon.
“Kinakailangan ko pa palang makulong para lamang mapagtanto ko kung paano maging isang mabuting tao at haligi ng tahanan sa sariling pamilya ko,” sambit niya, isang gabi habang nakatitig sa tanging litrato nilang pamilya na naitago niya.
Kinabukasan, bigla na lamang muling nagkaroon ng pag-asa si Badong. May mga dumating kasing guro mula sa isang pamantasan, at tinuruan silang gumawa ng iba’t-ibang gamit katulad ng lampara, sapatos, bag at marami pang iba na maaari nilang pagkakitaan habang sila’y nasa kulungan.
Nawili siya sa paggawa ng mga gamit na ito at lahat ng kaniyang kinikita, pinapadala niya sa kaniyang pamilya na ikinatuwa naman ng kaniyang asawa kahit papaano. Ika niya, “Kahit sa ganitong paraan, makabawi man lang ako sa kanila.”
Labis siyang nagsumikap upang kumita ng pera. Halos nakakalimang-daang piso siya araw-araw sa ginagawa niyang mga kagamitan sa bahay na talaga nga namang malaking tulong para sa pamilyang kaniyang napagkaitan ng responsibilidad noon.
Dumaan ang limang taon at tuluyan na ngang nakalaya si Badong. Agad siyang nagtungo sa kanilang bahay at doon niya nadatnan ang kaniyang pamilyang masayang nag-aagahan.
“Le-leslie? Mga anak ko?” tanging hikbi niya, napatayo naman ang kaniyang asawa saka inikang, “O, mga anak, si papa niyo, hindi niyo ba sasalubungin?” nakangiting sambit ng kaniyang asawa at doon na nga nagtakbuhan patungo sa kaniya ang tatlo nilang mga anak na labis niyang ikinagulat.
“Totoo ba ‘to? Hindi na masama ang loob niyo sa akin?” mangiyakngiyak niyang sambit habang yakap-yakap ang mga anak. Tumango-tango lamang sa kaniya ang asawang nakamasid sa kanila, “Salamat sa Diyos,” buntong hininga niya saka mariin pang niyakap ang mga anak.
Simula noon, nangako siyang gagawin ang lahat upang maging responsableng padre de pamilya. Pinagpatuloy niya ang paggawa ng mga gamit sa bahay hanggang sa unti-unti siyang nakaipon at nakapagpatayo ng sariling tindahan na naging dahilan nang kanilang pag-angat sa buhay.
Muli naman siyang bumalik sa kulungan ngunit hindi na upang humimas ng rehas at magbilang ng araw, kundi upang tulungan ding magbago ang mga kapwa niya binulag ng kasamaan.
“Labis kitang pinagmamalaki sa kanila, Badong,” sambit sa kaniya ng isang pulis na nakasaksi ng kaniyang buhay sa kulungan.
Kahit ano mang harapin natin sa buhay, hindi pa huli ang lahat upang tayo’y magtagumpay. Kailangan lang natin ng tiyaga at pananampalataya dahil tiyak, naghihintay na ang mabungang tagumpay sa atin.