Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya ng Dalaga ang Kapatid niyang May Kapansanan; Sising-sisi Siya nang Malaman ang Dahilan

Ikinahihiya ng Dalaga ang Kapatid niyang May Kapansanan; Sising-sisi Siya nang Malaman ang Dahilan

“Kuya mo ʼyong bulag na ʼyon, ʼdi ba, Hannah?” tanong ng isa sa mga kaeskuwela ng labing apat na taong gulang na dalagitang si Hannah nang makita nito sa labas ng kanilang bahay ang kaniyang bulag na Kuya Aldrin.

Hindi sinagot ni Hannah ang tanong. Balak na sana niyang pumasok nang diretso sa bahay upang maumpisahan na nila ang report na kailangan nilang tapusin ngayon dahil ipe-present nila kinabukasan, ay tinawag naman siya ng kaniyang kuya.

“Bunso? Ikaw ba ʼyan, bunso? Naamoy ko kasi ang pabango mo. May kasama ka yata?” nakangiting anang kaniyang Kuya Aldrin na agad namang nagpahinto kay Hannah.

“Kasama ko ang mga kaklase ko,” walang kabuhay-buhay namang sagot ni Hannah sa kaniyang kuya.

“H-hello po!”

“Hi!”

Bati naman ng kaniyang mga kaeskuwela dito kahit na alam naman niyang pinagtatawanan siya ng mga ito sa kaniyang likuran.

“Gagawa kami ng project. Huwag kang mag-iingay pʼwede? Napapahiya na naman ako nang dahil sa ʼyo, e,” hindi na napigilang sabi ni Hannah sa kaniyang kapatid.

Saglit na natigilan si Aldrin sa narinig ngunit kalaunan ay tumango na lamang. Pumasok siya sa kaniyang kuwarto at doon ay nagkulong hanggang sa makaalis na ang mga kaklase ni Hannah.

Malaki na ang inis ni Hannah sa kaniyang kuya. Paano, simula nang malaman ng kaniyang mga kaeskuwela na may kapansanan ito ay nagint tampulan na siya ng tukso sa eskuwelahan. Ang totoo ay hindi naman ipinanganak na bulag ang kaniyang Kuya Aldrin. Kung hindi lamang sila naaksidente noon ay baka isa itong normal na binata ngayon. Bukod pa sa dahilang iyon ay ang mas maraming oras at atensyong ibinibigay ng kanilang mga magulang sa kaniyang Kuya Aldrin kahit na siya ang bunso. Nagseselos siya rito.

Kinagabihan ay bumaba si Hannah mula sa kaniyang silid upang sana ay kumuha ng tubig sa kusina dahil bigla siyang nakaramdam ng uhaw, nang marinig niyang umiiyak ang kaniyang Kuya Aldrin sa kwarto nito. Sinilip niya ito at doon ay napag-alaman ni Hannah na kasama pala nito ang kanilang ina.

“Mama, galit ba sa akin si Hannah? Ayaw niya na ba sa akin?” ang umiiyak na tanong ng kaniyang Kuya Aldrin sa kanilang ina na noon ay lumuluha rin.

“Hindi, anak. Hindi lang talaga naiintindihan ni Hannah ang sitwasyon. Hayaan mo at pagsasabihan ko siya,” dinig niyang sagot naman ng kaniyang ina.

Nagpuyos sa galit ang damdamin ni Hannah. May gana pa kasing magsumbong ang kuya niya, gayong siya na nga itong napahiya kanina?! Akma na sana siyang aalis sa tapat ng kwarto ng kaniyang Kuya Aldrin nang muli niyang marinig na nagsalita ang kaniyang ina.

“Hindi alam ni Hannah ang sakripisyong ginawa mo para sa kaniya. Hindi niya alam na kaya ka ganiyan ngayon ay dahil prinotektahan mo siya sa tiyak na kapahamakan nang maaksidente ang sinasakyan ninyo noon. Hindi alam niya Hannah kung gaano mo siya kamahal. Darating ang panahon at maiintihan din iyon ng kapatid mo, anak!”

Biglang natigilan si Hannah nang marinig ang sinabing iyon ng ina.

Sa kaniyang ala-ala ay muling bumalik ang memoryang matagal na nakalimutan ng kaniyang isip dulot ng aksidenteng nangyari sa kanila ng kuya niya noon.

Naaalala na niya!

Sa loob ng sasakyan, nang makita ng Kuya Aldrin niya na mababangga sila sa kasalubong nilang Van habang si Hannah ang may hawak ng manibela ay bigla siyang niyakap ng kaniyang Kuya Aldrin upang protektahan siya!

Siya ang may kasalanan kung bakit ito nawalan ng paningin! Kung hindi siya nagpumilit na hawakan ang manibela ng kotse kahit anong pigil ng kuya niya noo ay hindi sana sila maaksidente! Hindi sana mabubulag ang kaniyang Kuya Aldrin!

Halos manlumo si Hannah sa pagsisising bigla na lang lumukob sa kaniyang damdamin. Hindi siya nag-aksaya pa ng pagkakataon at mabilis na niyang tinakbo ang loob ng kwarto ng kaniyang Kuya Aldrin at niyakap ito ng pagkaihigpit-higpit.

“Patawarin mo po ako, Kuya! Sorry sa mga nasabi at nagawa ko sa ʼyo. Sorry kung nasaktan kita. Mahal na mahal kita, Kuya Aldrin!” humahagulhol na sabi ni Hannah.

Niyakap siya pabalik ng kaniyang kuya at nang gabing iyon ay nagkapatawaran sila.

Matapos ang gabing iyon ay isang magandang balita ang dumating sa kanila. Ayon sa doktor na humahawak kay Aldrin ay may nahanap na raw silang donor ng panibagong mga mata para sa binata. Labis ang saya ng pamilya nina Hannah!

Advertisement