Pinaghihinalaang ng Ginang ang Bagong Lipat na Binata, Napahiya Siya nang Minsang Magsumbong sa May-ari ng Kanilang Inuupahan

“O, mare, saan ka galing?” tanong ni Julie sa kumare, isang umaga habang nagdidilig siya ng kaniyang mga pananim.

“Naku, galing ako doon sa dating bahay ng arkitektong kausap ng anak ko, ang kaso, hindi na pala doon nakatira. Nakakainis nga, eh, hindi pala sila nagkaintindihan,” dismayadong sagot ng kaniyang kumareng si Norma.

“Ay, mukhang tuloy na ang pagpapagawa mo ng bahay, ha? May lilipat na namang bagong mukha dito sa apartment natin,” sambit pa niya.

“Oo nga, eh, balita ko nga pala may bagong lipat ngayon, ha?” ika ng kaniyang kumare, saka sinipat ang tinutuluyan ng bagong saltang binata.

“Meron nga, at ito na nga ang bali-balita, nagbebenta raw iyon ng pinagbabawal na gamot. Nakakatakot nga, eh, kung sino-sino pa ang napunta d’yan sa tinutuluyan niya araw-araw, baka mamaya lusubin ng mga pulis ‘yan, madamay pa tayo,” iiling-iling niyang saad.

“Talaga? Naku, dapat obserbahan natin kung totoo, saka tayo magsumbong sa may-ari upang mapaalis na ‘yan,” sambit ng kaniyang kumare na kaniyang sinang-ayunan kaagad.

Mag-iisang dekada nang nangungupahan sa naturang apartment ang ginang na si Julie. Sa tinagal-tagal ng kaniyang pamamalagi doon, iba’t-ibang tao na ang kaniyang nakasalamuha. Ang iba’y naging kaibigan niya, habang ang nakararami nama’y kaniyang nakakasamaan ng loob. May pagkatsismisa at taklesa kasi siya dahilan upang mainis sa kaniya ang mga bagong naninirahan dito.

Tanging ang kumare niya lamang na si Norma ang kaniyang palagiang nakakausap. Nagsialisan na rin kasi ang iba niyang naging kaibigan dahil nga kung sino-sino na ang napapatira sa apartment na ito.

Advertisement

Sa katunayan nga, may napatira pa ditong ibang lahi na nagbebenta ng mga babae na labis nilang ikinatakot. Kaya naman, nang mapansin niyang kung sino-sino ang dumadalaw sa tinutuluyan ng bagong lipat na binata, agad niya itong pinagbigay alam sa kaniyang kumare upang maging alerto ito sa kung ano ang pwedeng mangyari.

At katulad ng kanilang napagsang-ayunan, araw-araw nilang inobserbahan ang naturang binata. Halos araw-araw dumadagsa ang mga tao dito. May araw pa ngang may nag-abot lang ng pera dito saka agad na umalis dahilan upang labis na silang maghinala.

“Ano ba ‘yang binatang ‘yan? Kabata-bata pa, utak na nang pagbebenta ng bawal na gamot! Ano, isumbong na natin sa may-ari nang mapaalis na ‘yan bago pa tayo lusubin na naman ng mga pulis dito!” inis na sambit ni Julie, saka agad na tinawagan ang may-ari ng apartment na kanilang tinutuluyan.

Agad naman itong sinagot ng may-ari, at doon na niya nga sinumbong ang bagong lipat na binata. Ngunit imbis na maalarma ang may-aring ito, laking gulat nila nang humagalpak ito nang tawa.

“Naku, pasensya na po kayo, Aling Julie, hindi po nagbebenta ng pinagbabawal na gamot ‘yan. Sa katunayan po kapatid ko ‘yan at isa po siyang arkitekto. Kasalukuyan po kasing ginagawa ang bahay niya kaya d’yan ko muna siya pinatuloy. Yung mga dumadalaw naman po sa kaniya, mga kliyente niya iyon na nagpapagawa sa kaniya ng plano ng bahay. Siya po si Toni, bunso ko pong kapatid,” sambit ng may-ari na labis niyang ikinagulat.

“Tama ba ang narinig ko? Toni ang pangalan ng binatang ‘yon? Naku! Iyon ang arkitektong hinahanap namin ng anak ko! Diyos ko, andito lang pala siya!” hindi makapaniwala sambit ng kaniyang kumare.

Humingi naman siya ng tawad sa may-ari ng naturang apartment dahil sa mali niyang paghihinala. Labis ang kahihiyang nararamdaman niya dahilan upang agaran siyang magkulong sa kaniyang bahay.

Sinipat niya muli ang tinutuluyan ng binatang iyon at may bago na namang mukha ang galing dito. Napabuntong hininga na lamang siya saka sinabing, “Minsan talaga sumosobra na ang pagiging tsimosa ko, eh, nakakainis! Nakakahiya tuloy sa may-ari, kapatid niya pala ito! Paano kaya ako makakabawi?”

Advertisement

Halos isang linggo niya ring pinag-isipan kung ano ang maaaring gawin upang makabawi, tila labis na pangongonsensya kasi ang kaniyang naramdaman sa tsismis na kaniyang nagawa.

Napagdesisyunan niyang kausapin at paglutuan ang binata. Napagtanto niya ring kaya siguro wala siyang gaanong kaibigan ay dahil sa kaniyang pag-uugali.

“Siguro ito na ang tamang panahon upang madagdagan ang kaibigan ko, kahit mas bata siya sa akin, mas mabuting maayos ang relasyon namin lalo na’t magkapitbahay lamang kami,” ika niya, isang araw habang kinukumbinsi ang sarili na tama ang kaniyang gagawin.

Noong araw na ‘yon, agad na siyang nagpunta sa binata habang wala itong kliyente. Agad siyang sinalubong nito ng ngiti at doon na nga niya inamin dito ang kaniyang ginawa na labis niyang pinagsisisihan.”Nasabi nga po sa akin ni ate, pasensiya na po kayo, naalarma kayo,” sambit nito saka sila nagtawanan dalawa. 

Simula noon, naging malapit na siya sa naturang binata. Dumagdag na rin ang mga nagsisilipatan sa kanilang apartment at laking tuwa niya nang lahat ng ito, nagiging malapit na sa kaniya dahilan upang hindi niya gaano maramdaman ang pagkawala ng kaniyang kumare nang tuluyan nang magawa ang bahay nito.

Totoong walang maiging nagagawa ang tsismis dahil madalas, ipapahiya ka nito. Kaya imbis na gumawa ng tsismis, bakit hindi na lang tayo gumawa ng kabutihan? Bukod sa nakakagaan ng pakiramdam, nakakadagdag pa ng kaibigang masasandalan.