
Labis Siyang Nagalit nang Malamang Baog ang Asawa, Nanghina Siya nang Hindi Sinasadyang Makita ang Resulta
“Bakit kasi sa dinami-dami ng lalaki, ikaw pa ang napangasawa ko, ha? Bakit sa lalaki pang hindi ako mabigyan ng anak? Nakakainis!” hagulgol ni Gwen matapos marinig sa asawa ang resulta mula sa doktor.
“Mahal, pasensiya ka na, hindi ko rin ito gusto,” nakatungong sagot ng kaniyang asawang si Alfred saka siya bahagyang niyakap na agad naman niyang tinanggal.
“Alfred, alam mo naman kung gaano ko kagustong magkaanak, hindi ba?” hikbi niya pa.
“Oo naman, mahal, alam na alam ko kaya patawarin mo ako. Gusto mo bang mag-ampon na lang tayo?” saad ng kaniyang asawa, bakas sa mukha nito ang kagustuhang mapakalma siya.
“Ayoko! Gusto ko sa sariling laman at dugo ko galing ang batang aalagaan ko! Kung hindi mo ako mabigyan ng anak, pasensiyahan na lang tayo, magpapaanak ako sa iba,” sigaw niya dahilan upang mapailing na lang ang kaniyang asawa.
“Gwen, ‘yan ang huwag na huwag mong gagawin. Kasal tayo, magkakasala ka lang sa Diyos,” mahinahong sambit nito saka mahigpit na hinawakan ang kaniyang kamay.
“Ewan ko sa’yo!” bulyaw niya saka siya mabilis na tumakbo patungo sa kanilang kwarto at doon humagulgol.
Maglilimang taon nang kasal ang mag-asawang Alfred at Gwen. Sa loob ng mahabang panahong ito, halos nakamtan na nila lahat ng kanilang panagarap bilang mag-asawa. Magkaroon ng permanenteng trabaho, bahay at lupa, negosyo, mga materyal na bagay katulad ng kotse at mamahaling bag, makapag-abroad at marami pang iba. Ngunit sa loob din nang mahabang panahong ito, hindi nila makamtan ang natatangi nilang pangarap upang ito ay ang makabuo ng anak.
Noong una’y parehas nilang kinukumbinsi ang sarili na, “Baka hindi pa oras, maghintay lang tayo at huwag magsawang sumubok ulit,” ngunit nang dumaan na ang ilang taon, unti-unti nang nawalan ng pag-asa ang may bahay na si Gwen dahilan upang paghinalaan niyang baog ang asawa at pilitiin itong magpatingin sa doktor.
At doon na niya nga tuluyang nalamang tama ang kaniyang hinala, baog nga ang kaniyang asawa, na labis niyang kinadismaya. Halos hindi siya makapag-isip ng tama noong mga oras na ‘yon dahilan upang mapagsalitaan niya ang asawa.
Nagdaan ang mga araw at tuluyan niya na ngang hindi kinibo ang asawa. Pilit man siyang lambingin nito at kausapin, palagi siyang umiiwas dito.
Tuwing umaga, ang masaya nilang agahan bago pumasok sa opisina ay napalitan ng tahimik na hapag-kainan. Makita man niyang lugmok na lugmok ang asawa sa kanilang opisina, hindi pa rin niya ito pinapansin. Isang araw, napagdesisyunan niyang hindi pumasok at magpahinga muna.
Nabibigatan na rin kasi siya sa sitwasyon nilang mag-asawa. Upang bahagyang makalimot, naisip niyang maglinis ng kanilang bahay habang nakikinig sa paborito niyang mga tugtugin. Ito ang palagi niyang ginagawa kapag siya’y nakakaramdam ng bigat noong siya’y dalaga pa.
Matapos niyang maglinis, napagdesisyunan niyang itapon ang kanilang mga basura. Ngunit pagsalin niya ng mga basura ng kaniyang asawa sa hawak niyang plastik, may isang sobre ang nakakuha ng kaniyang atensyon.
Agad niya itong kinuha at unti-unting binuksan. Kabado niya ring binuksan ang papel na nakatupi sa loob, doon niya nalaman na ito pala ang resulta ng pagpapatingin ng kaniyang asawa sa doktor at bigla na lamang siyang napaluha nang mabasa ang buong nakasulat dito.
“Hi-hindi siya baog? I-ibig sabihin, ako ang may diperensya?” uutal-utal niyang sambit, halos hindi siya makapaniwala sa mga nabasa dahilan upang tawagan niya ang asawa.
Agad naman itong umuwi saka siya niyakap nang mahigpit.
“Bakit ka nagsinungaling sa akin, Alfred? Bakit hinayaan mo akong kamuhian ka?” bungad niya dito, napayuko naman ang kaniyang asawa saka hinigpitan ang pagkakayakap sa kaniya.
“Ayoko kasing kamuhian mo ang sarili mo. Alam ko kung gaano mo kagustong magkaanak, at alam kong hindi mo mapapatawad ang sarili mo kapag nalaman mo ito kaya kahit masakit kung para sa’yo, kakayanin ko,” mahinahong ika nito dahilan upang labis siyang humagulgol. Niyakap niya rin ito saka walang tigil na humingi ng tawad.
Doon napagtanto ni Gwen na napakaswerte niya na sa kaniyang asawa. Napag-isip-isip niya ring kailangan niyang tanggapin ang kaniyang tadhana. Unti-unti niyang natanggap ang kaniyang diperensya sa tulong ng kaniyang asawang walang sawang nagmamahal sa kaniya hanggang sa napagdesisyunan niyang mag-ampon na lamang ng bata na labis namang ikinatuwa ng kaniyang asawa.
“Kung hindi man kami mabigyan ng anak na galing sa laman at dugo namin, marami pa ring salamat Panginoon dahil may isang anghel kang binigay sa amin,” sambit niya, isang araw nang mahawakan niya ang isang sanggol na galing sa bahay ampunan.
Nangako siyang mamahalin itong mabuti higit pa sa pagmamahal niya sa sarili. Wala namang mas sasaya pa sa kaniyang asawa nang makita siyang mangiyakngiyak habang yakap-yakap ang anghel na bumuo sa kanilang pinapangarap na pamilya.
Wala talagang perpektong buhay. Magiging perpekto lang ang iyong buhay kung tatanggapin mo ang tadhanang pinagkaloob sa’yo nang walang halong sama ng loob.