
Minaliit ng Babae ang Kaklase Nilang Binabae; Supalpal Siya nang Bweltahan Siya ng Dati Niyang Kasintahan
“Ariana! Ang ganda ganda mo! Mas maganda ka pa sa akin!”
Ang pamilyar at matinis na tili ni Tiffany ang sumalubong kay Aaron, na mas kilala na ngayon bilang si Ariana, nang makarating siya mesang nakareserba para sa kanilang magkakaibigan.
Tumayo naman si Tifffany upang salubungin ng mahigpit na yakap ang kaibigan, na matagal tagal din niyang hindi nakita.
“Nakakainis ka talaga!” Mahina siya nitong pinalo. “Kaya hindi pa ako nag-aasawa ay umaasa pa rin ako na magbabago ang ihip ng hangin at matitipuhan mo rin ang beauty ko!” Taas ang kilay nito bago siya inayang umupo sa tabi nito.
Malakas naman nagtawanan ang mga nakaupo paikot sa mesang iyon. Nang libutin ni Ariana ang tingin ay natuwa siya dahil pawang mga pamilyar na mukha ang nasilayan niya.
“Loka loka ka talaga mula noon, hanggang ngayon, Tiffany!” Komento ni Judy, isa sa mga kaklase nila.
Kasal ng kanilang kaklase na sina Gabriel at Ella. Masaya sila dahil pinagtibay ng panahon ang pagmamahalan ng dalawang ito, na nagsimula pa higit sampung taon na ang nakararaan, noong sila ay nasa hayskul pa.
Napuno ng ingay ang kanilang mesa nang magsimulang magkumustahan ang magkakaibigan, na matagal na panahon ding hindi nagkita-kita dahil pawang mga busy sila sa trabaho at pamilya.
“Sino pa bang wala? Magsisimula na ang programa,” saad ni John.
Sakto namang dalawang pamilyar na mukha ang lumapit sa kanilang mesa.
Napuno ng kantiyawan. Paano ba naman, magkasabay na dumating ang dating magkasintahan na sina Margaux at Felix.
Si Margaux ay isa nang sikat na modelo samantalang si Felix ay isa nang matagumpay na arkitekto.
“Uy, bakit magkasabay kayong dalawa? Hindi niyo man lang kami binalitaan na nagkabalikan na pala kayo!” Muling pumaimbabaw ang matinis na tili ni Tiffany.
Mahinhing tumawa si Margaux, na litaw na litaw ang ganda sa suot nitong itim na bestida. Ngunit hindi ito nagsalita.
Nagsalita naman si Felix, “Naku, hindi, nagkasabay lang kami sa parking lot.”
“Naku, mukhang may susunod na kina Ella at Gab!” Tuloy ang kantiyawan ng magkakaibigan.
Napailing na lang si Felix sa kakulitan ng mga kaibigan. Iginala nito ang paningin sa mesa at napako ang mata sa isang direksyon. Kay Ariana. Pagkuwan ay ngumiti ng matamis bago nakipagkamustahan sa mga kaibigan.
“So, sino sino ba dito ang mga may jowa at malapit na ring magpakasal?” Intriga ni Aris, ang presidente sa klase nila noon.
Itinaas naman ni Tiffany ang kamay. Kumislap mula sa pakasinsingan ng dalaga ang malaking itim na diyamante mula sa singsing nito. “Ako! Imbitado kayong lahat!”
“Wow! Congrats!” Halos magkakapanabay nilang bati sa ikakasal.
“Ikaw, Margaux? May boyfriend ka ba?” Tanong ni Aris, na hindi maitago ang interes sa magandang modelo.
Matamis na ngumiti ang dalaga. “May nagugustuhan ako ngayon, sa tingin ko ay gusto niya rin ako.” Tumingin ito sa dako ni Felix, na parang nagpaparamdam, kaya naman muli silang tinukso ng mga kaibigan.
“Sa ganda mong ‘yan, walang hindi magkakagusto sa’yo!” Pambobola ng mga kalalakihan.
“Felix, ikaw ba ‘yung tinutukoy niya?” Asar ni John.
“Naku… may nagugustuhan din ako ngayon. Kaso hindi pa namin pinapaalam sa lahat ang relasyon namin.” Pormal namang wika ni Felix.
“Naku, Margaux, mukhang wala ka nang tiyansa. Mukhang seryosohan ‘tong kay Felix.” Buska ni Tiffany sa magandang dalaga.
Ngumisi naman ito. “Asawa nga, naagaw, boyfriend pa kaya?”
Muling napuno ng tawanan ang mesa, aliw na aliw sa palaban na ugali ng babae.
“Ikaw ba, Aaron?” Taas kilay na tanong ni Margaux kay Ariana.
“Ano ka ba, Ariana na siya ngayon,” pagtatama ni Tiffany dito.
“Aaron or Ariana, ba*kla pa rin siya,” hagikhik ni Margaux, tila hindi alintana ang tensiyon na biglang bumalot sa paligid dala ng kaniyang pagiging taklesa.
“Margaux!” Mahinang saway ni Felix.
“Imposibleng walang kasintahan ‘yan si Ariana, ang ganda ganda!” Bukal sa loob na pahayag ni Tiffany, sa pagnanais na pagaanin ang sitwasyon.
Tensiyonado namang sumagot si Ariana. “May karelasyon din ako ngayon.”
Tuluyan nang humalakhak si Margaux. “Talaga? Alam ba niya na ba*kla ka?” Pagkuwan ay tanong nito.
“Margaux!” Halos magkakapanabay na saway ng magkakaibigan sa dalaga.
“Bakit? Totoo naman, ‘di ba?” Pa-inosenteng sagot nito sa kanila.
“Okay lang, sanay na ako sa mga ganito,” sagot ni Ariana. “Oo, tanggap niya kung ano ako,” nakangiting wika ni Ariana, bago ipinakita ang singsing na suot.
Ang ningning ng kaniyang mga mata ay katumbas ng asul na diyamante sa kaniyang singsing.
“Sa palagay ko ay ito na ang tamang panahon para malaman ng buong mundo na mahal na mahal ko siya.”
Huminga si Ariana nang hangin bago diretsong tumingin sa makisig na lalaki sa kanyang harapan. Si Felix.
“Salamat, Felix, sa pagtanggap mo at pagmamahal sa akin,” naluluhang wika ni Ariana.
Gulantang naman ang bawat isa sa rebelasyon ng gabing iyon. Walang nakakaalam na magkasintahan ang dalawa.
Matapos ang maikling patlang ay pumaimbabaw ang malutong na halakhak ni Margaux.
Bahagya pa itong tumatawa nang magsalita. “Alam mo, nakakatawa ‘yang biro mo. Bakit naman pipiliin ni Felix ang isang ba*kla? Successful siya at gwapo. Kayang-kaya niyang makakuha ng babaeng kagaya ko.” Muli itong natawa.
Akmang magsasalita si Ariana nang gulatin sila ng ibagsak ni Felix ang kamay nito sa mesa.
“Totoo ang sinasabi ni Ariana. Mahal ko siya at tanggap o ang buong pagkatao niya. Hinding-hindi ko siya ipagpapalit sa kahit na sino, lalong lalo na sa kagaya mo.”
Napasinghap naman sa gulat si Margaux dahil sa bwelta ng lalaki. Kilala kasi nila si Felix bilang magalang at pasensiyosong tao.
“Felix…” Mahinang saway ni Ariana sa katipan.
“Margaux, naghiwalay tayo noon dahil hindi ko gusto ang pag-uugali mo. Hiniling ko na sana ay matutunan mo na walang saysay ang panlabas na ganda kung hindi ka marunong rumespeto. Hindi ka makakahanap ng tunay na magmamahal sa’yo kung ganiyang kababaw ang tingin mo sa pagmamahal.”
Pulang-pula naman sa pagkapahiya ang nasoplang si Margaux. Hindi niya inaasahan na ipapahiya siya ng lalaking nagmahal sa kaniya noon.
Sa sobrang pagkapahiya ay nag-walk out ang dalaga at nagdadabog na umalis sa lugar na iyon.
Matapos makabawi sa pagkagulat sa nasaksihan at tensyon sa biglaang pag-alis ni Margaux ay muling inulan ng kantiyaw ang magkasintahan.
Masayang-masaya naman si Felix at Ariana dahil kayang kaya na nila ipagsigawan ang kanilang pagmamahal para sa isa’t isa.
Maswerte silang makatagpo ng uri ng pagmamahal na tanggap lahat – ang uri ng pagmamahal na alam nilang panghabambuhay.