Inakit ng Babae ang Tatay ng Kanyang Nobyo Dahil Natipuhan Niya Ito nang Sila’y Magkakilala, Papatulan Kaya Siya Nito?

Inakit ng Babae ang Tatay ng Kanyang Nobyo Dahil Natipuhan Niya Ito nang Sila’y Magkakilala, Papatulan Kaya Siya Nito?

FamilyKarmaStories

Sa bansang Amerika nagkakilala ang dalawang taon nang magkasintahang si Jethro at Cara. Pareho kasi silang nagtatrabaho bilang nurse ang dalawa, at sa ospital na kanilang pinagtrabahuhan sila nagkamabutihan.

Palagay na palagay ang loob ng dalawa sa isa’t isa. Sadyang napakabait, maginoo, masipag, at mapagmahal kasi si Jethro. Kaya naman pati ang pamilya ni Cara, na sa Amerika rin nakatira, ay agad nakapalagayan ng loob ng binata.

Matapos ang dalawang taong pakikipagrelasyon, naisipan ni Jethro na alukin na ng kasal ang dalaga. Agad namang pumayag ang babae dahil para sa kanya’y si Jethro na ang halos perpektong lalaki na gusto niyang mapangasawa.

“Babe, uuwi pala ako sa Pilipinas sa susunod na buwan ha? Nang sabihin ko kasi kina mama at papa na magpapakasal na tayo, ang sabi nila’y kailangang makilala ka muna nila. Pwede ka bang sumama sa akin?” tanong ni Jethro kay Cara.

“Aba’y siyempre naman! O sige, magpapaalam na agad ako sa admin bukas nang sabay na tayong makapag-leave sa trabaho,” anito.

Makalipas ang isang buwan, lumipad na ang dalawa patungong Pilipinas. Nagbibiruan pa ang dalawa dahil kabadong-kabado raw si Cara sapagkat may pagka-masungit ang ina ni Jethro.

“Magugustuhan kaya ako ng mga magulang mo? Ng buong pamilya mo? Jethro, kinakabahan ako ng sobra!” wika ni Cara sa loob ng eroplano habang nakayakap sa kasintahan.

“Oo naman, babe. Dati ka pa naman nila gustong makilala e. Nagkataon lang talagang ngayon lang tayo pinayagang makauwi ng matagal-tagal,” anito.

Matapos ang maraming oras ng biyahe sa himpapawid, sa wakas ay nakarating na ang magkasintahan sa airport sa Maynila. Nakatayo si Cara at hinahanap ang pamilya ni Jethro na susundo sa kanila, habang ang binata nama’y kinukuha ang mga bagahe nila. Nang isang matipunong lalaki, matangkad, may edad na ngunit bakas pa rin sa mukha ang kagwapuhan, ang pumukaw sa atensyon ni Cara.

“Wow, ang pogi naman nun!” bulong ng dalaga sa sarili.

“Papa! Mama!” biglang sigaw ni Jethro na ikinagulat naman ni Cara. Nanlaki ng labis ang kanyang mga mata nang bigla na lamang yumakap si Jethro sa lalaking kanina lang ay pinagpapantasyahan niya, habang tinatawag itong papa.

“Ikaw ba si Cara? Aba’y magaling ngang pumili ang anak ko! Manang-mana sa akin!” pagbati ni Butch, ang matipunong ama ni Jethro.

Hindi naman makakilos si Cara, ni magsalita ay hindi niya magawa. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya, at kung ano-anong kalokohan na ang pumasok sa utak niya. Ngunit natauhan siyang bigla nang magsalita ang bunsong kapatid ni Jethro.

“Hi, ate! Grabe naman ang titig mo kay papa, tutulo na ata ang laway mo. Pogi ng papa namin, ‘no? Ako nga pala si Jenny,” pagbibirong pakilala ni Jenny, ang dalagang kapatid ni Jethro.

“Ah, eh… Hehe, nice to meet you po,” tanging nasabi ni Cara.

Matapos magyakapan ng buong pamilya ni Jethro, napagdesisyunan na nilang umuwi sa kanilang bahay. Agad namang nagpaalam si Cara na gagamitin ng banyo. Pagkapasok ay agad itong naghilamos ng malamig na malamig na tubig.

“G*ga! Gising! Ano ba ang iniisip mo, Cara?! Tatay ‘yon ng mapapangasawa mo!” wika nito sa kanyang sarili habang patuloy na binabasa ng malamig na tubig ang kanyang mukha sa pag-asang matauhan siya sa kanyang kahibangan.

Ngunit kahit anong gawin ni Cara, hindi niya maialis ang imahe ng tatay ng nobyo sa kaniyang isipan. Lahat kasi ng katangian na nagustuhan niya kay Jethro ay taglay din ni Butch. Ngunit hamak lamang nito sa kagwapuhan at sa tangkad. Noon pa ma’y tanging ang height lamang ni Jethro ang hindi gusto ni Cara sa kanyang nobyo.

Matapos magsalo-salo ng pagkaing iniluto ng mama ni Jethro, naghanda na ang lahat sa kanilang pagtulog.

“Oh, hija, magpahinga na kayo. Malamang sa malamang ay may jetlag pa kayo,” nakangiting wika ni Butch sa dalawa.

Sa magkahiwalay na kwarto natulog ang dalawa dahil may pagka-konserbatibo ang pamilya ni Jethro. Nang sumapit ang alas dos ng madaling araw, nakaramdam ng uhaw si Cara kaya naman naisip niyang bumaba sa kusina upang kumuha ng tubig. Papuntang kusina ay nadaanan niya ang banyo na nakabukas pa ang ilaw. Nang mapasilip siya, hindi niya inaasahang naliligo pala ang tatay ni Jethro. Imbes na magdire-diretso sa kusina ay napahinto ang dalaga at tila nag-enjoy pa sa pagtitig dito.

Hindi maintindihan ni Cara ang kanyang nararamdaman, kaya naman hindi na siya nagpapigil at agad na pumasok sa banyo.

“Nako, hija! Hindi ko pala naisara ang pinto!” sigaw ni Butch habang pilit na inaabot ang tuwalya upang takpan ang kanyang katawan. Ngunit laking pagtataka niya nang dire-diretso pa rin sa pagpasok ang dalaga habang may kakaibang ngiti sa kanyang mga labi.

“Huwag po kayong mag-alala, hindi po malalaman ni Jethro,” malanding sabi ni Cara habang dahan-dahang tinatanggal ang kanyang saplot.

“Hija! Diyos ko, ano bang iniisip mo?!” sigaw ni Butch habang pilit na tinutulak palayo ang dalaga.

“Alam ko namang gusto mo rin ako. Nakikita ko sa mga tingin mo sa akin. At isa pa, sa gwapo mong ‘yan, hindi kayo nababagay ng lumba-lumba mong asawa,” natatawang sabi pa ni Cara.

“Ano ba?! Nakakadiri ka!” sagot ni Butch habang pilit na lumalabas sa banyo.

Natigilan ang dalawa nang dumating ang asawa ni Butch. Gulat na gulat si Butch nang bigla na lamang nag-iiyak si Cara.

“Tita! Si tito po, pilit akong pinapasok dito sa banyo at kung ano-anong pinapagawa sa’king kababuyan!” pagsisinungaling at pagpapaawa ng babae.

Sa ingay ng sigaw at iyak niya ay nagising ang natutulog na si Jethro. Mabilis itong tumakbo pababa at naabutan ang kakaibang eksena. Bago pa man makapagsalita ang tatay niya ay inunahan na agad ng pagpapa-awa at kasinungalingan ni Cara.

“Ang kapal ng mukha mo! Kanina pa ako nandito sa kusina dahil hinihintay ko ngang matapos maligo ang asawa ko. Sinungaling kang babae ka! Baliw!” galit na galit na sabi ng nanay ni Jethro.

“Babe, hindi iyon totoo! Siguro’y ayaw nila sa akin kaya pinagtutulungan nila ako para ayawan mo na rin ako,” pagsisinungaling pang muli ni Cara sa nobyo niya.

“Sinong paniniwalaan mo, babe? Ako o sila? Babe! Alam mong mahal kita!” dagdag pa ng dalaga.

Natigilan sa pag-ngawa si Cara nang bigla na lamang sumabog si Jethro.

“Lumayas ka rito! Wala kang karapatang babuyin ang pamilya ko! Kadiri ka! Pwe!” bulyaw ni Jethro kay Cara habang iniaabot ang mga bagahe nito.

“Ah, ganoon?! Sila pa talaga ang kakampihan mo?! Oo, magsama kayo! At isa pa, sawang-sawa naman na talaga ako sa’yo, Jethro! Pinagtitiisan na lamang naman kita,” palabang sagot pa ni Cara habang binubuhat ang mga bag niya.

Nang bigla na lamang umaksyon ang ina at kapatid ni Jethro. Hinatak ng ina ang buhok ng babae at kinaladkad palabas ng bahay, habang si Jenny nama’y binuhat ang mga bag at ibinalibag palabas ng bahay.

“Baliw! Baboy ka! Ikaw pa talaga ang nagtitiis sa kuya ko ha?!” sigaw ng bunsong si Jenny.

Nagtatakbo na lamang palayo si Cara nang mapansing ilang kapitbahay na rin ang nakikiusyoso sa kaguluhan nila. Pumasok na rin ng kanilang bahay ang pamilya ni Jethro.

“Anak, ayos ka lang ba? Wala akong ginawa sa nobya mo. Sana ay maniwala ka,” malungkot na sabi ni Butch sa anak.

“Ano ka ba, papa? Kilala kita. Ikaw ang papa ko. Alam kong hindi mo iyon magagawa. Hindi lang ako makapaniwalang may ganoong ugali si Cara,” malungkot na sagot ni Jethro.

“Bakit kasi nagmamadali ka, kuya? Two years pa lang kayo, pakakasalan mo na agad. Buti at dinala mo rito nang makita ang tunay na kulay!” sagot ni Jenny.

“Hay nako, anak. Huwag mong iiyakan ang ganoong babae. Hindi ikaw ang nawalan,” wika ng ina niya habang niyayakap siya.

“At saka hindi ko rin masisi, napaka-gwapo ba naman ng papa mo e!” natatawang dagdag nito.

Nagtawanan na lamang ang apat at saka nagyakap-yakap. Kahit papaano’y gumaan ang loob ni Jethro dahil naisip niyang mabuti nang maagang nakita ang tunay na kulay ng dati niyang nobya.

Napagdesisyunan ni Jethro na huwag nang bumalik ng Amerika dahil isang malaking ospital ang nag-alok ng trabaho sa kanya.

Nabalitaan na lamang din ni Jethro isang araw na natanggalan ng lisensiya sa pagiging nurse ang dati niyang nobya dahil may isang amerikanong pasiyente ang nagsampa ng kaso rito matapos gawin ni Cara ang gaya ng ginawa niya sa ama ni Jethro.

Nang dahil sa nangyari, natutunan niyang kilalanin muna ang magiging susunod na nobya upang hindi na muling masaktan ang kanyang puso.

More Stories