Walang Pamilya Pero Grabe Raw kung Makapagbanat ng Buto ang Babaeng Ito; Ano Nga Kaya ang Pinaglalaanan Niya?

Walang Pamilya Pero Grabe Raw kung Makapagbanat ng Buto ang Babaeng Ito; Ano Nga Kaya ang Pinaglalaanan Niya?

InspiringStoriesSuccess

“Ms. Angie! Mukhang kayo na naman ang mangunguna sa mga ahente natin ngayong taon. Number 1 na naman kayo sa sales, napakarami niyo nang pera!” bati ni Carla, sekretarya ng Presidente ng pinagtratrabahuhan niya.

“Ganun talaga kapag sipag ang ipinuhunan mo. Salamat sa Diyos dahil nararating ko ang lahat ng ito,” mapagkumbabang sagot ni Angie sa dalaga.

“Ay naku, Angie! Kaya ka tumatandang dalaga kasi puro ka trabaho! Wala ka namang pamilya, wala ka nang mga magulang at wala ka ring kapatid. Ni wala kang asawa o nobyo, kahit nga manliligaw yata ay wala ka pero trabaho ka nang trabaho! Tama na!” saad naman ni Josie na kakarating lamang sa opisina, kasamahang ahente rin ni Angie ito.

“Sarado na ‘yang matres mo!” pahabol naman ni Divina saka nagtawanan ang ibang ahenteng ksamahan nila.

“Ako na naman ang nakita niyo, tigilan niyo na ako. Marami akong pinag-iipunan kaya ako nagtratrabaho,” sagot na lang ni Angie sa mga panloloko sa kaniya at nanahimik sa isang tabi habang naghihintay na magsimula ang kanilang pagpupulong.

“Huwag kayong mag-alala, hindi makukuha ni Angie ang promosyon kahit na siya ang manguna ngayon. Nakausap ko na si bossing at sinabi ko na sa kaniyang huwag si Angie ang piliin,” bulong ni Josie sa kaniyang mga kasamahan.

“Dapat talaga may limitasyon ‘yung bawat kliyente natin. Paano tayo kikita e halos sa kaniya lahat gustong bumili! Dapat sa kaniya, sa opisina muna kapag naka-quota na para naman mabigyan tayo ng tyansang makapagbenta rin sa iba!” inis namang wika ni Abigail.

“Hayaan niyo, hindi niya makukuha ang promosyon,” kampanteng bulong muli ni Josie sa mga kasama.

Ahente si Angie sa isang insurance at maglilimang taon na ito sa kompanya. Simula nang pumasok ang babae ay siya na ang palaging may pinakamaraming benta. Palagi siyang lagpas ng limang beses sa kaniyang quota kaya naman kina-iinggitan siya ng marami. Sa edad niyang 45 anyos ay wala na siyang mga magulang o kapatid. Pumanaw na ang mga ito nang dahil sa isang sunog kaya naman nag-iisa na lamang siya sa buhay. Wala naman siyang malapit na kamag-anak dahil iisang anak lamang ang kaniyang ina at ama kaya wala siyang mga tiyuhin o anupaman.

“Magandang umaga sa inyong lahat! Mukhang alam niyo naman na ang resulta ng mga benta natin ngayong taon. Si Angie pa rin ang nangunguna sa lahat! Palakpakan natin siya!” bungad ni Mr. Trimo, ang Presidente at may-ari ng kanilang kumpanya.

“Bukod sa ating mga benta ay magkakaroon din tayo ng bagong promosyon. Magkakaroon tayo ng Vice President for External Marketing department,” dagdag pa ng lalaki.

Makikitang bahagyang napangiti si Angie at aminadong umaasa siyang mapili para sa promosyon na iyon. Matagal na niyang ipinagdarasal na magkaroon ng bagong posisyon.

“Boss, huwag naman na si Angie, siya na lang ba lagi?” wika ng isang ahente at nagbulungan pa ang iba na tila sumasang-ayon sa sinabing iyon.

“Grabe naman kayo sa akin,”

“Sa totoo lang, isa sa pinagpipilian talaga namin ay si Angie dahil na rin sa laki ng naipapasok niyang pera at sa rami ng kliyente niya ay malaking tulong ito para sa posisyon. Ngunit may nakapagsabi rin sa akin, masyado na raw napupuno sa trabaho si Angie kaya naman wala siyang lovelife o pamilya. Kaya malaking dagdag sa trabaho kung magkakaroon pa raw siya ng posisyon sa kompanya,” wika ni Mr.Trimo.

Nagtawanan naman ang lahat sa sinabing iyon. Namula sa hiya si Angie sa kaniyang pwesto at tila hindi niya maintindihan kung bakit pati ang personal niyang buhay ay napag-uusapan ngayon sa ganitong pagpupulong.

“Sabi ko naman sa inyo, malakas ang kapit ko kay boss!” simpleng bulong ni Josie sa kaniyang kasamahan at masayang-masaya ang mga ito.

“Kaya naman nagtanong-tanong ako sa ibang empleyado kung ano nga ba ang tingin nila kay Angie,” dagdag pang muli ni Mr. Trimo.

Napayuko na lamang si Angie at pilit niyang pinipigalan ang sarili sa kung ano man ang pwede niyang marinig pa.

“Sabi ng marami, puro raw siya trabaho, walang oras para sa sarili at pera lang raw ang importante. Walang puso, walang konsepto ng pahinga at walang balak magpamilya. Kung ako si Angie, maiiyak ako sa mga narinig kong iyon. “Masyado nga bang mabigat ang trabahong binibigay ko sa kaniya, ako ba ang may kasalanan kung bakit siya nagkakaganon?

“Boss, tama na po,” mahinang saad ni Angie sa lalaki.

“Dahil sa lahat ng narinig ko, napilitan akong alamin kung ano nga ba ang sagot sa mga tanong ko. Alam kong nagiging mainit ang mata ng lahat kay Angie dahil sa sipag niya sa trabaho kaya naman ako na mismo ang magbubunyag ng kaniyang sikreto,” siwalat muli ni Mr. Trimo na siyang nagpakabog sa puso ni Angie.

“Wala siyang pamilya, wala siyang anak at wala siyang asawa ngunit bakit ba nagtratrabaho si Angie na parang wala ng bukas? Alam niyo ba kung bakit? Dahil libo-libo lang naman ang pinapaaral niya ng libre sa kolehiyo. Maraming iskolar na sinusuportahan si Angie sa pamamagitan ng kanyang kita, halos madurog ang puso ko ng malaman ang kabutihang ito kaya naman ipinagmamalaki kita, Ms. Angie!” bunyag ni Mr. Trimo sa lahat na siyang nakapagpagulat sa marami. Nahiya ang iba at napayuko na lamang ito.

“Kaya sa lahat ng nagsasabi ng negatibo kay Angie ay mahiya kayo. Huwag nating ibaba ang ating kapwa lalo na sa mga panahong umaangat sila. Huwag nating dumihan ang kilos nila dahil sa inggit. Iangat natin ang isat-isa!” wika pang muli nito saka niya inanunsyo na si Angie nga ang napili nila para sa bagong posisyon. Bukod pa roon ay nagbigay rin ang kumpanya ng pondo para sa kaniyang mga iskolar. Naging empleyado rin ng taon si Angie dahil sa pinamalas nitong sipag at galing sa trabaho.

“Boss, hindi ko alam paano kayo pasasalamat sa lahat ng kabutihan niyo sa akin. Lalo na sa pagtatanggol sa akin,” nahihiya niyang pasasalamat kay Mr. Trimo.

“Hindi mo kailangan magpasalamat, Angie, dahil pinaghirapan mo lahat ng iyon. Lagi mong tatandaan na walang mali kung wala ka pang pamilya o kung hindi mo pa natatagpuan ang magpapatibok ng puso mo, basta ang importante nabubuhay tayong mabuting tao. Lagi mong tatandaan iyan,” sagot ni Mr. Trimo sa kaniya na siyang tumatak din talaga sa puso ng dalaga.

Ngayon ay wala pa ring asawa ni Angie ngunit mas dumami ang kaniyang iskolar. Masaya siya ngayon sa kanyang sarili at sa kaniyang natutulungan at tanggap din niya kung hindi na talaga siya makakapag-asawa pero kung mayroon man daw ibibigay ang Panginoon ay buong puso niyang yayakapin ang bagong yugtong iyon.

More Stories