Tinalikuran ng Babae ang Pamilya at Pananampalataya Para sa Lalaking Minamahal; Malaking Aral Pala ang Iiwan Nito sa Kaniya

Tinalikuran ng Babae ang Pamilya at Pananampalataya Para sa Lalaking Minamahal; Malaking Aral Pala ang Iiwan Nito sa Kaniya

InspiringMiracleStories

Lumaki si Angie sa pamilyang relihiyoso at konserbatibo. Lagi silang naglalaan noon ng oras para sa kanilang debosyon. Sa tuwing gigising sa umaga, kapag kakain, at kapag matutulog, palagi rin silang nag-aalay ng panalangin.

Mula pagkabata hanggang sa pagdadalaga’y malapit sa Diyos ang puso ni Angie. Matatag ang kaniyang pananampalataya at masasabing napakabuting tao talaga niya. Subalit darating pala ang araw na yayanig sa kanyang papanalig at paniniwala.

Naging abala si Angie noon matapos ang board exam. Agad siyang nakahanap ng trabaho na talagang masasabing ipinagkaloob sa kaniya. Dito rin niya nakilala ang lalaking magpapatibok ng kaniyang puso, si Ben.

Si Ben ang kauna-unahang naging kasintahan ni Angie, kaya’t pilit man niyang itanggi, masasabing labis-labis nang nahulog ang loob niya dito.

“Angie, alam kong bago pa lamang tayo, pero minu-minuto at oras-oras kitang gustong kasama. Pwede bang mag live in na tayo? Tutal nagmamahalan naman tayo, pwede bang magsama na tayo?” alok ni Ben sa kasintahan.

“Ben.. kasi…” alam ni Angie na taliwas ito sa kanyang paniniwala at alam niyang hindi ito tama, lalo na’t alam niyang hindi siya papayagan ng konserbatibong pamilya.

“Please, Angie? Alam mo naman na sobrang mahal kita ‘di ba?” malambing na sabi pa ng lalaki.

“S-sige. Susubukan ko. Ako na ang bahalang gumawa ng paraan para hindi malaman ng magulang ko,” tugon naman ni Angie. Labag ito sa kanyang kalooban, ngunit hindi niya magawang tanggihan ang alok ng nobyo dahil sa sobrang pagmamahal para rito.

Nagpaalam si Angie sa kanyang pamilya na manunuluyan sa isang apartment kasama ang ilang katrabaho. Nagsinungaling siya sa pamilya, dahil magagalit ang mga ito kapag nalaman ang katotohanan.

At natuloy nga ang plano nina Angie at Ben. Nagsama sila na para bang mag-asawa sa iisang bubong. Naging masaya nga sila noong una at tila ba sabik na sabik palagi sa isa’t isa.

Lumipas pa ang mga araw, mas lalong naging abala si Angie. Dumami ang kaniyang trabaho at unti-unti nang nawawalan ng oras para sa pamilya at sa Diyos. Nakadagdag pa si Ben na walang ibang gusto kundi ang atensyon lamang ng kasintaha’y nakatuon sa kanya.

“Ben, alam mo naman na hindi na ako nakakapagdebosyon. Baka pwedeng mamaya ko na tugunan yung mga kagustuhan mo. Kailangan ko rin ng panahon para sa Diyos,” pagpapaliwanag ng babae.

“O eh di sige! D’yan ka na sa Diyos mo!” sigaw naman ni Ben. Hindi kasi paniwala ang binata sa Diyos. Tinatawanan lamang niya ito at para sa kanya’y gawa-gawa lamang ng mga tao ito.

“Ben naman…” paglalambing pa ng babae sa nobyo. Ngunit nagmatigas ang lalaki.

Walang nagawa si Angie kundi ibaba ang hawak na Bibliya at pumayag sa gusto ng nobyo. Tila ba hayok na hayok ito sa laman at wala nang ibang gustong gawin kundi ang makipagniig na lamang.

Unti-unti, ang pala-dasal at maka-Diyos na si Angie ay nagsisimula nang maglaho. Napakalaki na ng nangyaring pagbabago kay Angie. Ang mga bagay ba labag sa kalooban niya’y nagagawa na niyang gawin. Ang paniniwala niya’y unti-unti na ring nagbabago.

Lumipas pa ang mga panahon, at ibang Angie na nga ang nakikita ng karamihan ngayon. Malayong-malayo sa normal at masayahin nitong sarili.

Kasabay ng paghina ng pananampalataya ang pagkakasunod-sunod na problemang humagupit sa kaniyang buhay.

“Angie, ang mama mo ito. Pumunta ka sa ospital ngayon, ang papa mo nawalan ng malay!” nagmamadaling sabi ng ina ni Angie.

Nalaman niyang may malubhang karamdaman na pala ang ama. Kaya’t halos dalawang linggo rin siyang nanatili sa kanilang tahanan.

Hindi na rin nagiging maganda ang takbo ng relasyon ni Angie at Ben.

“Wala ka na ngang oras sa’kin. Lagi ka pang nagmamadali kapag kausap ko. Ano ba talaga, Angie?!” sigaw ni Ben sa kabilang linya sa telepono.

“Ben, alam mo naman ang sitwasyon ‘di ba? May sakit si papa, tapos tambak na ang trabaho ko, dahil naka-leave ako. Kaunting pang-unawa naman, please?” mahinang sabi ni Angie.

“Bahala ka na nga diyan! Kung wala ka nang planong umuwi dito, kunin mo na lahat ng gamit mo at ‘wag nang magpakita!” galit na sagot naman ng lalaki.

“Ben naman…”

“O nasaan na yung Diyos mo ngayon? Pinagaling ba niya ang ama mo?” sumbat pa ng nobyo.

“Ben, ‘wag naman ang Diyos at ang papa ko,” nanginginig na boses na sabi ng babae.

Magsasalita pa sana si Angie ngunit pinagbagsakan na sila ng telepono ng kasintahan.

Gulong-gulong na ang babae at tila ba hindi na alam kung ano’ng uunahin. Ipinikit na lamang niya ang mga mata habang paulit-ulit na umuugong sa isipan ang mga salitang binitawan ng nobyo:

“Nasaan na ang Diyos mo ngayon?!”

Napapikit na lamang si Angie at umiyak.

“Diyos ko… nasaan Ka na nga ba?” hagulgol pa ng babae.

Matapos ang dalawang linggong pahinga sa trabaho ay bumalik sa opisina si Angie. Hindi raw pumasok ang kasintahan kaya’t pinili niyang sorpresahin na lang ito sa pag-uwi. Pagod na pagod siyang umuwi sa apartment noon, ngunit pinilit niyang maging masigla dahil makikita na ang pinakamamahal na nobyo.

Sinusian niya ang pintuan, ngunit may kakaibang ingay siyang narinig. Tila na mahihinang halinghing ng babae.

Lumakas ang kaba sa kanyang dibdib habang unti-unti pinipihit ang pintuan. Nang mabuksan na’y nanlambot at napaluha siya sa nakita.

“Ben, ano ‘to?!” umiiyak na sabi ni Angie. Pilit na kinakalma ang sarili.

Nakatingin lamang siya sa hubad na katawan ng nobyo habang kasama sa kama ang isang babae na hindi naman niya kilala.

Pinilit kumalma ni Angie kahit na parang sasabog na ang puso. Inintay niya ang paliwanag ng nobyo, ngunit sa huli, siya pa ang sinisi.

“Kung hindi mo sana ako pinabayaan, hindi ako maghahanap ng iba! Ikaw ang may kasalanan nito, Angie!” dinuro-duro pa siya ng lalaki.

Tinanggap na lamang ni Angie ang lahat kahit na alam niyang wala naman talaga siyang naging pagkukulang. Hindi lamang siya naunawaan ng nobyo. Pero bilang respeto sa sarili, umalis siya sa apartment at nakipaghiwalay.

Hindi rin inaasahang napatalsik si Angie sa trabaho dahil hindi na maganda ang kaniyang nagiging performance. Kasunod noon ay ang balitang nag-aagaw buhay na ang kanyang ama sa ospital.

Tila ba pinagsakluban na siya ng langit at lupa. Ano bang matindi niyang ginawa para danasin ang lahat ng ito?

Sa loob ng kaniyang kwarto, sa madilim na sulok doon niya iniiyak lahat.

“Bakit?! Bakit nangyayari lahat ng ito?! ‘Di ba Diyos ka? Bakit mo ako pinahirapan ng ganito? May pagkukulang ako pero hindi ako masamang tao!” sigaw ni Angie habang yakap-yakap ang Bibliya.

Nanginginig niyang kinapitan ang Bibliya at buong lakas na ibinato ito. Tumilapon ang libro at nagbukas sa isang pahina.

Tumayo si Angie at naglakad patungo sa kinaroroonan ng aklat. Lumuhod siya at doon na ibinuhos ang lahat.

“Panginoon, ano ang gusto mong matutunan ko? Anong gusto mong iparating sa akin?” hagulgol ng babae.

Tumunghay siya at napansin ang pahinang nakabukas. Nangilabot siya sa nabasa:

“Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito’y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasan punong-puno ng pag-asa. – Jeremias 29:11”

Nangilabot si Angie sa nabasa at lalo pang napaluha. Pero sa pagkakataong ito, luhang puno na ng galak dahil nangusap ang Diyos sa kaniya sa pamamagitan ng Bibliya. Alam niyang hindi ito aksidente. Alam niyang may malaking plano ang Diyos sa kaniya.

Sa malapit na simbahan at nagtugo siya. Lumuhod siya doon, umawit at nagpuri. Ipinakita sa kanya ng Diyos ang malaking naging pagkakamali niya, at iyon ay ang talikuran ang Diyos at pagsuway sa mga utos Niya.

Umiyak pang muli si Angie. Humingi ng kapatawaran sa lahat ng nagawa. Idinalangin din niya ang paggaling ng amang nag-aagaw buhay.

Sa kaniyang likuran ay kamay na tumapik sa kanya.

“Miss, eto ang panyo o. H-huwag kang mag-alala, malinis ‘yan…” alok ng lalaking maputi, matangos ang ilong at mapupungay ang mata.

“Salamat,” tinanggap naman ni Angie ang puting panyo at nagpunas ng mga luha.

“Kung anuman ang mabigat na dinadala mo, isuko mo lang lahat sa Kaniya, tutulungan ka Niya na pagaanin ito. Alam mo? Walang pagsubok na ibinigay ang Diyos na alam Niyang hindi mo kakayanin.

Mapalad ka na sinusubok ka ngayon, dahil pinapatatag ng Diyos ang puso mo. May malaking plano Siya para sa’yo!” nakangiting pahayag pa ng lalaki.

Tumango lamang si Angie at ngumiti.

“Ako nga pala si Christopher, sana ay makasama ka namin sa gawain tuwing Linggo rito. Iintayin ka namin!” dagdag pa ng gwapong lalaki.

“Angie… Angie ang pangalan ko. Makakaasa ka. At saka ibabalik ko pa itong panyo mo,” biro pa ng dalaga na ngayo’y nakakangiti nang muli.

Muling sinaliksik ni Angie ang Panginoon at nagbalik-loob. Nagsimula siyang tumawag muli sa Diyos at ipinagkatiwala ang lahat-lahat sa Kaniya.

Naging spiritual partner din niya si Christopher na ngayon ay asawa na niya. Magkababata pala sila at matagal nang idinadalangin ng lalaki sa Diyos na sana ay si Angie ang inilaan para sa Kaniya. Hindi naman siya binigo ng Panginoon.

Nanligaw si Christopher noon sa mismong bahay nila Angie. Magalang na hiningi ang kamay nito sa mga magulang ng dalaga at naging ispiritwal na gabay rin. Tinanggap ni Christopher si Angie pati na lahat ng nakaraan nito.

Isang himalang gumaling rin ang ama ni Angie na ngayo’y malakas na malakas na. Natanggap si Angie sa isang maganda kompanya at na-promote matapos lamang ang isa’t kalahating taon.

Kasal at may basbas ng Panginoon na nagsasama ngayon sina Angie at Christopher. Biniyayaan sila ng isang babaeng anak na pinangalanan nilang Grace.

Nakangiti si Angie na nagbalik-tanaw sa mga nangyayari. Tunay nga ang pangako ng Diyos sa atin at may magagandang planong Siyang inilaan sa bawat isa.

Kaya pala natanggal siya sa trabaho noon, dahil may mas magandang oportunidad na nag-aabang sa kaniya. Kaya pala dumanas ng matinding sakit ang ama ay upang mabigyan niya muli ng oras at panahon ito, at nang maibalik ang nawalang ugnayan ng pamilya. At kaya pala inilayo sa kanya ang naunang nobyo ay para magkaroon ng daan ang lalaking inilaan ng Diyos para sa kanya. Ang lalaking tatanggap at magmamahal sa kaniya ng buong-buo. At ang lalaking magbabalik sa kaniya sa yakap ng Maykapal.

More Stories