Dalawang taon na ang nakalipas mula nang magpunta sa Saudi ang asawa ni Melanie. Maganda naman ang trabaho nito at malaki ang sweldo kaya hindi na siya kailangan pang maghanapbuhay. Ang nag-iisa naman nilang anak na si Jeremy ay nasa 3rd year highschool na.
“Ma, gagamitin mo pa ba ang mga iyon?” tanong sa kanya ng binatilyo isang hapon na nagpatulong siya ritong magtupi ng mga bagong labang damit. Inginuso nito ang mga bestida niyang nakatabi lang sa isang sulok.
Well, gusto niya pang gamitin kaya lang ay medyo tumaba siya ngayon kaya hindi na kasya. Ganoon naman diba? Ayaw nating ipamigay ang mga lumang damit dahil umaasa tayong isang araw ay magkakasya iyong muli sa atin.
“Hindi na muna sa ngayon,” simpleng sagot niya. “Bilisan mo na dyan at kakain na tayo anak.” untag niya pa rito.
Nagkibit balikat lang naman si Jeremy at tumuloy na sa pagtupi ng damit.
Habang kumakain sila ng hapunan ay ka-videocall nila ang kanyang mister.
“Guma-gwapo ang binata ko ah! May pinopormahan ka na ba anak?” biro ng asawa niya.
Ngumiti lang ang binatilyo tapos ay kumunot ang noo,”Wala ho Pa.” diretsang sagot nito.
“Kahit crush? Naku I’m sure may crush yan,” tudyo niya pa. Pero ni hindi man lang naapektuhan si Jeremy, talagang umiling lang ito. Tanda na hindi ito apektado.
Pinagmasdan tuloy ni Melanie ang anak. Sa edad nitong 15, ni minsan ay wala pang naikukwentong may hinahangaan. Hindi rin ito pala-basketball tulad ng ibang batang lalaki. Malambot ito at nasa bahay lang lagi. Hindi kaya…?
Napabuntong hininga siya sa isiping iyon. Sakto namang tumayo si Jeremy, “Sige po Ma, ako na po ang magliligpit at maghuhugas nito. Usap na kayo ni Papa sa salas.”
Tumango nalang ang ginang. Mula noong gabing iyon ay hindi na nawala sa isip niya na baka pusong mamon ang kanyang anak. Napansin niya rin na parang nababawasan ang mga bestida niya.
Isang hapon habang naliligo si Jeremy bago umalis at gumawa ng project sa bahay ng kaklase, hindi niya man ugali ang ganoon, ay pinakialaman niya ang bag nito. At ganoon nalang ang pagkagulat niya nang makita ang dalawa niyang lumang damit sa loob noon!
Napatakip siya sa kanyang bibig, “Ang anak ko..” bulong niya.
Narinig niya namang namatay na ang tubig sa shower kaya dali-dali niyang isinara muli ang bag at nagpanggap na walang alam. Maya-maya pa ay nakabihis na ang binatilyo.
“Alis na po ako,” wika nito, hinalikan pa ang kanyang pisngi. Palabas na ito ng pintuan nang tawagin niyang muli. Nagtatanong ang mga matang humarap ito sa kanya.
“Nak, m-may gusto ka bang sabihin sa akin?” nag aalangang tanong niya.
Kumunot ang noo ni Jeremy habang nakangiti, sandaling nag-isip. “Wala naman po. Ikaw po ba, may sasabihin ka sa akin?” natatawang sabi nito. Ang weird lang kasi ng ikinikilos ng ina.
“Wala naman rin anak. Ano lang.. kung, may gusto kang sabihin. Lagi mo lang tandaan na tanggap ko naman, kung ano man yan. Kasi nanay mo ako at kahit na anong mangyari ay mahal kita.” pahiwatig ni Melanie. Sana ma-gets nito ang ibig niya at magtapat na.
Niyakap siya ni Jeremy, “Thanks Ma. Pero pwede po bang mamayang gabi nalang po tayo mag usap? Kailangan na po kasi talaga ako doon.”
Oh my God. Sa isip-isip ng ginang.
Nakaalis na ang anak niya ngunit tulala pa rin si Melanie. Hindi na yata siya makakapaghintay pa ng gabi kaya sinundan niya ito. Inihanda niya na ang sarili sa makikita dahil posibleng may sasalihan itong beauty contest o makikipagdate. Dala ang bestida niya diba?
“Kuya sundan mo yang tricycle na dilaw. Wag kang pahahalata ha,” pakiusap niya sa tricycle driver na nasakyan. Ilang minuto pa silang namaybay sa highway hanggang nagulat siya dahil bumaba si Jeremy sa tulay.
Bumaba na rin siya sa sinasakyan at nagkubli sa mga karatula. Hindi naman siya napapansin nito. Pumunta ang anak niya sa bakery at bumili ng maraming tinapay.
Diyos ko po, baka ang anak niya pa ang nagpapakain sa jowa nito. Baka pine-perahan ang anak niya! Kung anu-ano nang pumapasok sa isip ni Melanie.
Pagkabili ng tinapay ay napansin niyang naglakad muli si Jeremy papunta sa ilalim ng tulay. Ganoon nalang ang pagkagulat niya nang makitang sinalubong ito ng pitong maliliit na bata at masaya nitong ipinamahagi ang mga tinapay.
Ilang sandali pa ay ilang ginang na rin ang lumapit sa kanyang anak. Payat na payat ang mga ito at halatang kapos sa buhay, nakatira sa ilalim ng tulay.
“May dala po akong mga damit Nay. Sa mama ko po ito, ‘di na ginagamit. Darating na po kasi ang tag ulan at giginawin po kayo diyan sa mga suot ninyo.” wika nito, iniabot ang mga bestida mula sa bag.
Hindi mapigilan ni Melanie ang mapaluha.
Nagulat pa si Jeremy nang masalubong siya pauwi.
“M-Ma!” nanlalaki ang matang sabi nito. Hindi siya nagsasalita.
“Ma sorry! Hindi po ako nagsinungaling, may project po talaga kami. Naisipan ko lang daanan sila kasi kawawa naman ang mga tao rito. Iyon nga rin ho sana ang ipagtatapat ko mamayang gabi. Yung mga bestida ninyo kasi-” hindi na naituloy pa nito ang sasabihin dahil niyakap na siya ng kanyang ina nang mahigpit.
Sobrang bait ng kanyang anak.
“Proud ako sayo Jeremy, baby ko.” wika niya.
Mula noon ay sinasamahan niya na itong tumulong sa mga kapos. Lalo namang dumami ang biyaya sa buhay nila dahil marunong silang magbahagi noon.
Para naman kay Melanie, ang pinakamatimbang sa lahat ay mabuti ang puso ng kanyang anak- mamon man iyon o hindi.