Tagaktak ang pawis na binuhat ni Dr. Delfin Manalo ang ginang na walang malay. Bigla na lamang itong tumumba kanina habang nagme-medical mission siya. Sa liblib na parte ng probinsya nakatira ang mga ito, swerte na doon talaga siya nagpupunta para makapag abot ng tulong medikal sa mga taong walang kakayahang magpagamot.
Pinipilit niya lang kalmahin ang sarili kahit ang totoo ay natataranta na rin siya. Dinagdagan pa iyon ng pag iyak ng walong taong gulang na anak nito sa kanyang tabi.
“Bilisan natin. Sana pagbaba natin ng bundok may ambulansya na. Double time!” sabi niya sa mga tao. Kahit mahapdi na ang tuhod ay maingat siyang naglakad-takbo.
Nakahinga siya nang maluwag nang makita ang ambulansya. Dali-dali niyang itinakbo ang ginang sa pinakamalapit na ospital.
Nang makita sila ng doktor roon ay pareho lang ng opinyon niya ang sinabi nito- kailangang maoperahan ang ginang.
“Nasaan ba ang asawa niya? Hindi tayo pwedeng basta mag-desisyon,” sabi ng kapwa niya doktor.
“Ang totoo kasi niyan nagpapa-check up sa akin si misis dahil ilang araw nang iniinda ang sakit ng tiyan. Tapos ayan, bigla siyang nawalan ng malay. Ang kasama niya lang ay itong anak niya.” Napasulyap si Dr. Manalo sa bata na ngayon ay namumugto na ang mga mata. “Nasaan ang tatay mo toy?”
Umiling ang bata, “Wala na po akong tatay. Iniwan na po kami. Si nanay nalang po ang kasama ko. Kadalasan po nalilipasan siya ng gutom kasi ipinaparaya niya na lang sa akin,”
Napabuntong hininga si Dr. Manalo.
“Hindi natin pwedeng operahan ito. Kailangan ng malaking pera, saan naman kukuha iyang bata?” sabi ng kausap niya.
Ilang buntong hininga lang ang pinakawalan niya, tapos ay buo ang loob na nagsalita.
“Ako ang mago-opera,” kitang kita niya ang gulat sa mukha ng kausap. Sasalungat pa sana ito pero nagsalita na siyang muli, “Sagot ko rin ang lahat ng gastusin.”
Mabilis na inutusan niya ang mga nurse na maghanda. Awa ng Diyos, matagumpay niyang nailigtas ang buhay ng ginang. Ibinili niya na rin ito ng mga gamot at grocery para makapagsimula ng maliit ng tindahan.
Ngiting ngiti sa kanya ang anak nito, “Salamat po.”
Pabiro niyang ginulo ang buhok nito, “Ingatan mo ang nanay mo ha? Wala iyon toy, trabaho naming mga doktor na magligtas ng buhay may pera man ang pasyente o wala.”
Makalipas ang maraming taon
“Doc! Emergency po, inatake raw sa puso!” sabi ng nurse.
Dali-daling nag-sterilize ng kamay niya ang doktor, naglagay ng gwantes at inihanda ang iba pang kagamitan.
Inihiga na ang matandang lalaking nag-aagaw buhay. Nagulat ang doktor nang makita ito, maputla na at dumugo na rin ang ilong dahil sa sobrang taas ng BP.
“Doc? Okay lang ho kayo?” nagtatakang sabi ng nurse. Paano kasi, ito ang pinakamagaling na doktor sa ospital na iyon. Top 1 rin ito sa board exam at laging kalmado. Kalkulado ang lahat ng galaw. Ngayon niya lang ito nakitang parang kinabahan.
“O-Oo naman. Let’s go!”
Kumilos na ang lahat. Mababa ang chance na maka-survive pa ang pasyente pero hindi sumuko ang doktor. Ginawa niya ang lahat, hanggang sa parang naawa ang langit at pinagbigyan siya. Nakaligtas ang matanda.
Nagulat pa ang mga nurse dahil napasandal ang doktor pagkatapos, may kaunting luha sa mga mata.
“Thank you Lord..” bulong nito.
Ilang araw pang namahinga ang matanda, saktong nagkamalay ito ay dumating naman ang mga anak mula sa Amerika. Nakakangiti na ito lalo pa nang tabihan ito ng dalawang taong gulang na apo sa kama.
Maya-maya pa ay bumisita ang doktor. Medyo malabo na ang mata ng matanda pero pamilyar sa kanya ang uniporme kaya alam niyang ito ang alagad ng medisinang hindi sinukuan ang buhay niya.
“Salamat hijo. Kung hindi dahil sayo ay hindi ko na makakasama pa ang pamilya ko,”
Ngumiti ang doktor at hinaplos ang kamay niya.
“Ang totoo po niyan, ako ang dapat na magpasalamat Dr.Manalo,” wika nito.
Nagulat ang matanda dahil kilala siya ng doktor, gayong matagal na siyang nag-retire!
Nagtuloy ito sa pagsasalita, “Kung hindi po dahil sa kabutihan ninyo noon, marahil ay maaga akong nawalan ng ina. Oho, ako po ang batang tinulungan ninyo dati sa bundok. Salamat dahil ipinakita ninyong hindi naman lahat ng tao ay masama at iiwan kami gaya ng ginawa ng tatay ko. Kayo ang naging inspirasyon ko para magsikap.
Dahil ho sa inyo ay ginusto ko ring maging doktor. Upang tulad nga ng sabi ninyo, makapagligtas ako ng buhay may pera man o wala ang pasyente.”
Hindi namalayan ng matanda na napaluha na siya. Hindi niya akalaing ang para sa kanya ay maliit na bagay noon ay magliligtas pa pala sa buhay niya ngayon.