Isang linggo na ang nakalipas mula nang mailibing ang asawa ni Cora. Wasak ang kanyang puso dahil napakabait ng lalaki, wala na siyang mahihiling pa. Ito ang kanyang bestfriend, unang boyfriend, kakampi- lahat. Hindi niya nga maunawaan kung bakit kailang maayos na ang buhay nila ay kinuha naman ito ng Diyos.
Nasa abroad kasi ang lalaki. May isang anak silang pinag-aaral ng highschool, si Mark. Kung kailan namang tapos na ang bahay nila, may sarili nang sasakyan at sapat na ang ipon ay doon naman nila natuklasang may t*umor sa utak ang kanyang mister. Isang buwan lang nila itong nakasamang muli bago binawian ng buhay.
“Ma, kain na po.” katok sa kanya ni Mark. Ilang sandali pa ay pumasok ito bitbit ang isang tray ng pagkain.
Pinilit niya namang mapangiti nang masulyapan ang binatilyo. Kamukhang-kamukha ito ng ama.
“Salamat.” pabulong na wika niya. Pinipigilan ang maiyak. Minsan naitatanong niya sa sarili kung kailan mauubos ang luha niya. Palagi nalang kasi siyang nakakulong sa kwarto at wala nang ibang ginawa kundi umiyak. Mabuti nga ay mabait ang kanyang anak at inaasikaso siya.
“Wala po yan Ma. Hanggang kaya ko, aalagaan po kita. Bakasyon naman sa school eh. Sino pa po bang magdadamayan kundi tayong dalawa lang po.”
Hinaplos niya ang pisngi nito. Maya-maya pa ay lumabas na rin ito.
Mabilis lumipas ang oras, nakatulala lang sa kwarto si Cora at tinititigan ang larawan ng yumaong mister. Paulit-ulit lang sila araw-araw. Hinatiran siya ng hapunan ni Mark tapos ay lumabas na ulit ito.
Nang sulyapan niya ang relo sa dingding ay alas diyes na ng gabi. Humiga na siya, yakap ang unan ng kabiyak. Maya-maya pa ay narinig niyang tumugtog ang gitara nito sa saliw ng kantang ‘Saan Ka Man Naroroon’.
Napangiti siya, iyon ang kanilang theme song. Palagi siyang kinakantahan noon ng kanyang asawa, doon nga siya nabingwit nito eh. Sa pagkahilig nito sa musika.
Tiyak niyang si Mark ang tumutugtog noon. Siguro ay nais ng anak na kahit paano ay pagaanin ang kanyang loob. Pumikit syang sandali at inalala ang nakaraan. Nang medyo umayos ang kanyang pakiramdam ay tumayo siya at nagsalita malapit sa pinto.
“Nak, salamat. Medyo umayos ang pakiramdam ko. Naalala ko si Papa mo. Sige na anak, tulog kana. Makakatulog na rin ako.” sabi niya.
Tumigil na ang gitara tapos ay nahimbing na si Cora.
Ganoon ang nangyayari gabi-gabi, tinutugtugan siya ni Mark sa labas ng pinto. Hanggang unti-unti, bumubuti na ang pakiramdam niya. Malungkot pa rin siya pero kaya na niyang ngumiti. Natatanggap niya nang wala na ang kanyang mister.
Gulat na gulat pa nga si Mark nang isang umaga ay nagising itong nagluluto siya ng almusal.
“Ma! Goodmorning po!” masayang wika nito, niyakap siya.
“Goodmorning anak. Pasensya kana noong nakaraan, kung naging mahina ako.”
“Ano ka ba Mama.. na-miss ko po ang sinangag mo.” wika ng binatilyo, pinipigilan ang maiyak.
Niyakap niya naman ito. “Alam mo, napakalaking tulong na tinutugtugan mo ako gabi gabi. Gumagaan ang pakiramdam ko, salamat anak..”
“Ho?”
Napakunot naman ang noo ni Cora, bakit parang gulat na gulat ang anak niya?
“Ikaw naman. Wag ka nang mahiya sa Mama. Alam ko naman na ginagawa mo iyon para pagaanin ang loob ko. Ang galing mo, tinuruan kaba ni Papa mo na tugtugin ang theme song namin?”
Naguluhan lalo si Mark sa sinasabi niya, “Ma..gusto ko po talagang pagaanin ang loob mo. Ginagawa ko iyon sa paraang alam ko po. At iyon ay ang asikasuhin ka, alagaan. Pero yung pagtugtog.. hindi po ako marunong maggitara Ma. Hindi ba at tuturuan palang dapat ako ni Papa pag uwi niya?”
Sa sinabing iyon ni Mark ay tumayo ang mga balahibo ni Cora. Ang bilis bilis rin ng tibok ng kanyang puso.
Bumalik siya sa kwarto, may dalang upuan. Tumungtong siya roon at kinapa sa itaas ng cabinet ang kahon na kinalalagyan ng gitara ng kanyang asawa. Nang mahawakan iyon ay nagpatulong siya kay Mark na maibaba, binuksan nila at natakpan niya ang bibig nang makitang naroon ang instrumento!
Imposibleng maibalik iyon ni Mark sa lalagyan nang hindi niya nararamdaman. Isa pa, maalikabok ang gitara. Tanda na ilang taon na itong hindi nagagamit.
Napahawak siya sa kanyang dibdib. Di yata’t ang kanyang mister ang tumutugtog sa kanya gabi gabi para ipadama na hindi naman ito umalis. Mananatili ito sa kanilang puso, babantayan sila at iingatan.
“Salamat hon, miss na miss na rin kita.” bulong ni Cora sa hangin habang nakangiti.
Nagkatinginan naman silang mag-ina nang biglang mangamoy sampaguita sa buong bahay. Nagyakap sila.
Alam niyang naririnig sila ng kanyang asawa. Hiniling nilang mamahinga na ang kaluluwa nito. Nangako rin siya na wala na itong dapat na ipag alala dahil tatatagan niya na ang kanyang loob sa mga hamon ng buhay. Kapit kamay silang lalaban ni Mark.