Buhos ng Ulan

“Lia, may assignment ka na ba? Hindi ko kasi alam kung paano gagawin, eh. Naghanap na rin ako sa internet kung paano gagawin ito kaso walang lumalabas kung papaano,” daing ni Kaye sa kaniyang kaibigan. Tinawagan niya ito upang makibalita kung mayroon itong nakuhang sagot.

“Aling assignment ba? ‘Yung sa Math natin? Wala pa rin ako doon, eh. Sinubukan mo na ba magtanong sa ate mo? Hindi ba isang guro iyon?” pag-uusisa ni Lia.

“Naku, ayaw ako intindihin. Kesyo marami raw siyang ginagawa. Kailangan niya pa raw tapusin ‘yung mga grades ng estudyante niya. Nakakainis nga, eh. Siya na lang talaga ang pag-asa ko kung ‘di, Diyos ko, talaga ako sa prof natin. Pangatlong assignment na natin na wala akong napapasa,” iyak ng dalaga. Lubusan nang nababahala si Kaye dahil hindi siya makagawa ng kaniyang assignment.

“Ano ba naman iyan, Kaye? Malalagot ka talaga doon! Bakit hindi ka gumawa noong mga nakaraang assignment? Nakatulog ka na naman? Kinain ng katamaran? Hanep ka talaga! Hayaan mo. Sabi naman sa balita malaki raw ‘yung tiyansang lumakas ang ulan sa tanghali. Sakto na ang klase natin sa kaniya ay alas singko! Baka i-cut ang klase!” balita ni Lia dahilan upang mabuhayan ng dugo ang problemadong dalaga.

“Talaga? Yahoo! Sana talaga lumakas ng bongga ang ulan! Ipapanalangin ko talaga iyan para naman maipahinga ko rin ang utak ko!” sigaw ni Kaye tsaka pinunasan ang kaniyang mga luha.

“Oo nga, eh. O, sige na. Mag-aaral pa ako. May exam bukas sa unang subject natin, ha. Huwag na hindi ka papasok!” paalala ni Lia sa kaibigan tsaka nagpaalam at binaba ang tawag.

Kasalukuyang nasa ikatlong taon ng kolehiyo ang dalawang magkaibigan. Ginagawa nila ang lahat upang makapagtapos ng pag-aaral nang sa ganon ay makatulong sila sa kanilang pamilya.

Ngunit bahagyang naligaw ng landas si Kaye simula nang maging manlalaro siya ng kanilang paaralan. Nawala ang kaniyang puso sa pag-aaral dahilan para makakuha siya ng mga mabababang marka noong nakaraang semester.

Advertisement

Upang makabawi ay itinigil muna ng dalaga ang kaniyang pagiging manlalaro at itinuon niya muna ang buo niyang atensyon sa kaniyang pag-aaral. Sa kasamaang palad ay nilalamon pa rin siya ng katamaran. Nakakatulog siya sa klase kung minsan at madalas ay walang naipapasang assignment.

Kasalukuyang wala pa ring nagagawang assignment ang dalaga. Gustuhin man niya ay hindi niya alam kung paano ito gagawin. Sumakto naman ang balitang uulan nang malakas dahilan para makampante ang dalaga.

Kinabukasan ay maagang pumasok si Kaye sa eskwela. Nakakuha siya ng exam at nakapasa. Labis ang tuwa ng dalaga dahil ayon sa prof nito ay unti-unti na raw siyang nakakabawi.

Bago pa magtanghalian, katulad ng sabi sa balita, biglang bumuhos ang malakas na ulan at sinabayan pa ito ng malakas na hangin. Ito ang naging dahilan kaya pinauwi ang lahat ng mga estudyante.

“Ito na ‘to, Lia! Sakto talaga!” sigaw ni Kaye tsaka naglululundag sa tuwa.

“Lakas mo talaga kay Lord, Kaye! O, uuwi na ko, ha. Para makapagpahinga na,” paalam ni Lia sa kaibigan tsaka binuksan ang payong at umalis. Muntik pa ngang matangay ang payong nito sa lakas ng hangin.

Mayamaya pa ay sumugod na rin sa ulan si Kaye dahil tila ayaw humina ng ulan. Binuksan niya ang kaniyang payong tsaka mahigpit itong hinawakan para hindi matangay.

Ilang sandali pa ang lumipas bago napagpasiyahan ni Kaye na sumilong muna sa waiting shed na nadaanan niya. Sobrang lakas na kasi ng hangin at ulan. Doon ay nadatnan niya ang isang pulubing lola na nanginginig sa lamig. Yakap-yakap nito ang mga alaga niyang pusa na nagsisiiyakan.

Advertisement

“Tuwang-tuwa kayo na wala kayong pasok kasi malakas ang ulan. Habang kami na nasa gilid ng kalsada ay nagdadasal na sana ay tumila ang ulan at kumalma ang hangin para makahanap kami ng makakain,” walang anu-anong sambit ng matanda habang pinagmamasdan ang mga patak ng ulan. Wala namang masabi si Kaye dahil nasapul siya ng mga sinabi ng matanda.

Doon niya napagtantong masuwerte pa pala talaga siya sa sitwasyon niya. Kahit pa nahihirapan siyang mag-aral ay mayroon naman siyang malambot na kamang hinihigaan at pagkaing nakahanda sa lamesa.

Buong oras na iyon ay nakatulala lang ang dalaga sa matanda. Tahimik niyang pinagmamasdan ang mapagmahal na ginang sa kaniyang mga pusa.

Mayamaya pa ay tumigil na ang ulan. Bago umalis si Kaye ay ibinigay niya muna ang kaniyang payong sa matanda tsaka niya inabot dito ang kaniyang baong pagkain.

Pagkauwing-pagkauwi ng dalaga ay agad niyang binuksan ang kaniyang alkansya tsaka siya bumili ng mga pagkain. Bumalik siya sa waiting shed at sakto namang nandoon pa rin ang matanda. Ibinigay niya dito ang mga pinamili niyang pagkain. Tuwang-tuwa naman ang matanda dahil may makakakain na siya.

“Pagpalain ka sana ng Panginoon, iha! Hulog ka ng langit. Ipapanalangin kong makapagtapos ka ng pag-aaral para marami ka pang matulungan!” saad ng matanda. Ginanahan naman si Kaye sa mga sinabi ng pulubi.

Simula nung araw na iyon ay nag-aral na ng mabuti ang dalaga katulad ng dati niyang ginagawa. Nakabawi siya sa huling semester at ‘di nagtagal ay nakapagtapos ng pag-aaral.

Madalas tayong magpalamon sa katamaran. Mangyari lamang na laging isaisip na may mga taong mas mahirap pa ang nararanasang sitwasyon kaysa sa atin ngunit patuloy silang nagpupursigi para lang mabuhay. Huwag nating pairalin ang pagiging tamad bagkus ay gamitin natin ang bawat oras ng ating buhay ng tama at may kabuluhan.