“Mahal, huwag ka na umiyak diyan. Tatlong taon lang naman ako doon. Tsaka magtatrabaho ako doon para rin sa atin. Alam mo naman na parehas tayong naghihirap sa buhay. Hindi ko naman hahayaan na kapag nagsama na tayo ay iiyak na lang tayo dahil wala tayong makain,” pagpapakalma ni Benjie sa humahagulgol niyang nobya. Naaprubahan na kasi ang kaniyang pangingibang-bansa.
“Oo nga, mahal, naiintindihan kita. Pero siyempre hindi matanggal sa isip ko na baka may makilala ka doong iba. Tapos makalimutan mo na ako. Benjie, iba na ang panahon ngayon,” iyak pa ni Katherine. Pinunasan naman ng binata ang mga luha ng babae tsaka niya ito tinitigan at nagsalita.
“Ibahin mo rin ako, Katherine. Hindi ako katulad ng mga nakarelasyon mo dati. May isang salita ako, okay? Kapag sinabi kong babalik ako babalik ako. Kapag sinabi kong papakasalan kita papakasalan kita, ha? Mas mabuti nang mahirapan tayo ngayon sa pansamantalang paghihiwalay natin huwag lang tayo maghirap pagdating ng panahon,” puno ng sinseridad na sambit ni Benjie dahilan upang mas lalong umatungal ang dalaga.
“Sana nga lahat ng sinasabi mo matupad mo. Sana hindi mo masira ang tiwala ko sa’yo, mahal. Ayokong mawala ka sa akin,” hagulgol pa ng dalaga tsaka niyakap ng mahigpit ang binata.
“Malalayo lang naman ako sa’yo ng pisikal pero nandito ka pa rin naman sa puso ko habang buhay. Pangako,” nakangiting bulong ni Benjie sa nobya tsaka yumakap rin ng mahigpit.
Pitong taon nang magkarelasyon sina Katherine at Benjie. Planado na nilang lahat ang kanilang buhay pag-ibig. Nais na nilang magpakasal kapag umabot na sila ng sampung taon kaya todo kayod ang binata upang kumita ng pera.
Kung saan-saan na ito nag-apply at sumakto namang nakatiyempo siya sa isang agency na naghahanap ng mga trabahador sa abroad. Walang alinlangan itong tinanggap ng binata. Isa lamang ang nasa isip niya, ang makapagtrabaho upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang minamahal.
Ngunit tila may pangamba ang kaniyang nobya sa kaniyang pag-alis. Todo paliwanag si Benjie dito upang kumalma at mapanatag.
Dumating ang araw nang pag-alis ng binata. Mangiyak-ngiyak itong pumasok sa airport dahil naririnig nito ang hagulgol ng kaniyang nobyang naghatid sa kaniya. “Lahat ng ito titiisin ko para sa’yo, mahal.” wika ni Benjie sa sarili.
Lumipas ang mga buwan na laging tinatawagan ni Benjie ang dalaga kada pagkatapos ng oras ng trabaho. Ngunit dumating ang pagkakataon na hindi na ito sinasagot ng dalaga. Nakikita niya namang online ito pero palaging binababa ang tawag kapag tinatangka niya itong kausapin.
Hindi mapakali ang binata sa kanilang sitwasyon. Mahirap nga namang magkatampuhan ng malayo sa isa’t isa.
Nagtanung-tanong si Benjie sa mga kaanak ng dalaga kung anong problema at nalaman niya na may bali-balita pala sa lugar nila na may babae raw siya sa kaniyang pinagtatrabahuhan.
“Diyos ko, naman, ate. Paano ako magkakababae dito, eh, puro lalaki ang katrabaho ko? Ate, tulungan mo ako. Gusto kong makausap si Katherine. Malapit na rin naman akong umuwi. Dalawang buwan na lang,” pagmamakaawa ng binata sa kapatid ng kaniyang nobya. Gumawa nga ito ng paraan para maliwanagan ang dalaga ngunit tila sarado na ang tenga nito.
Nagdaan ang dalawang buwan na hindi pa rin nagpaparamdam ang dalaga. Balita pa nga ni Benjie na may bagong manliligaw na raw ito na labis na kinadurog ng puso niya. Iyak nang iyak ang lalaki. Nangangamba si Benjie na baka tuluyan nang may pumalit sa puwesto niya sa puso ng dalaga.
Matagumpay na nakauwi ng Pinas ang binata. May sapat na siyang ipon upang pakasalan ang dalaga. Ang problema nga lang ay hindi na siya sigurado kung nanaisin pa ng dalaga na magpakasal sa kaniya. Agad niya itong pinuntahan sa bahay nila. Kahit ayaw siyang kausapin nito ay nagmakaawa siya dito. Lumuhod at umiyak para lamang kausapin siya.
“Katherine, mahal ko, wala akong iba. Wala nga akong babaeng nakilala doon. Pangako! Maniwala ka naman sa’kin!” iyak ni Benjie. Nagulat naman ang lalaki nang bigla siyang yakapin ng dalaga.
“Akala ko tumulad ka na rin sa kanila. Pasensya ka na kung pinag-alala kita. Kung naniwala ako sa sinasabi nila. Gumawa pa ako ng kuwento na may nanliligaw na sa’kin para lang masaktan ka. Pasensya ka na, Benjie. Mahal na mahal kita,” hagulgol rin ng dalaga tsaka lalong niyakap ng mahigpit ang nobyo.
Lumipas ang isang taon at natuloy ang kasalan. Wala ng mas sasaya pa sa dalawang taong lubos na nagmamahalan kahit pa sinubok ng tadhana.
“Nahiwalay lang ako sa’yo ng pisikal pero hindi ka nawala sa puso ko, Katherine,” paalala ni Benjie sa dalaga bago ito tuluyang halikan. Hindi talaga problema ang distansya kung tunay at buo ang pagmamahal.
Maaaring subukin kayo ng tadhana pero kung tunay ang pag-ibig kahit gaano pa katagal at gaano pa magkalayo ang taong nagmamahal hindi ito basta-basta mawawasak.