Inday TrendingInday Trending
Perlas sa Pusod ng Dagat

Perlas sa Pusod ng Dagat

“Ayan, tatamad-tamad ka kasing mag-aral noon! Tignan mo kung anong trabaho mo ngayon. Mangingisda. Hindi mo kasi iniisip ang kinabukasan mo! Puro ka tropa noon. Tapos ngayong naghihirap ka na. Para may makain iyang mga anak mo lalapit ka sa akin at mangungutang! Hindi ka ba nahihiya sa mga pinaggagagawa mo?” sermon ni Aling Maya sa kaniyang bunsong kapatid nang pumunta ito sa kaniyang bahay upang mangutang.

“Ate, naman. Binabayaran naman kita agad kapag naparami ang huli ko, eh,” depensa ni Mang Edgar sa galit na galit na kapatid.

“Oo nga. At kapag wala kang huli hindi mo na ako nababayaran! Anong akala mo sa akin? Tumatae ng pera? Akala mo pinupulot ko lang iyan sa kalsada? Pinaghihirapan ko ‘yan!” sigaw ni Aling Maya. Tila nasaktan naman ang lalaki sa mga sinabi ng ginang.

“Pasensya ka na, ate. Pangako huli na ito. Sadyang wala lang pambili ng project ‘yung panganay ko,” pangangatwiran ni Mang Edgar. Nagmamakaawa ang lalaki na pahiramin siya ng pera.

“Diyos ko! Mag-aanak ka hindi mo man lang masuportahan! Puro ka utang! Hindi na ako magtataka kung matulad sa’yo ang mga anak mo! O, ito isang daan. Pagkasyahin mo na iyan. Wala na akong maibibigay sa’yo,” sabi ni Aling Maya tsaka inihagis ang isang daang papel sa sahig. Pinulot kaagad ito ng lalaki habang pinipigil ang kaniyang mga luha.

“Salamat, ate.” mahinang wika ni Mang Edgar.

“Oo na, oo na. Umalis ka na. Nagkakalat ka lang ng lansa dito. Kakalinis ko lang,” iritableng tugon ng ginang tsaka itinaboy palabas ang lalaking halatang kakagaling lang sa dagat dahil sa amoy nito.

Bata pa lamang si Mang Edgar nang pumasok siya sa isang relasyon na agad namang nagbunga. Laman kasi siya ng kalye at palaging nagpapakita ng motibo sa mga babae. Ito ang naging dahilan kaya hindi siya makapagtapos ng pag-aaral. Hindi katulad ng kaniyang kapatid na unti-unti nang nagtatagumpay sa buhay.

Mag-isang ginagapang ni Mang Edgar ang kaniyang dalawang anak sa pangingisda. Hindi niya tantiyado ang kaniyang mga huli. Kapag wala siyang kita ay mangungutang siya ng pangkain nila sa kaniyang kapatid. Tuwing lumalapit siya dito upang humingi ng tulong ay parang dinudurog ng kapatid ang buo niyang pagkatao bago siya nito bigyan ng pera. Pero dahil nga wala na siyang ibang maisip na paraan para mapakain ang mga anak ay tinitiis niya ang lahat ng ito.

“Anak, dadako na ako sa laot, ha. Ikaw na ang bahalang mag-asikaso kay bunso. Nandiyan na ang sinaing at ulam. May baon na rin kayo sa lamesa. Kunin niyo na lang,” paalam ni Mang Edgar sa kaniyang panganay na anak isang araw bago siya pumalaot.

“Para sa inyo mga anak ko susuyurin ko ang dagat mabigyan lang kayo ng makakain sa araw-araw. Titiisin ko ang lahat ng masasakit na salita, pag-iigihan ko ang pangingisda,” bulong ni Mang Edgar sa sarili tsaka siya tuluyang lumabas ng bahay.

Walang sinayang na oras si Mang Edgar. Agad niyang tinulak ang kaniyang bangka sa dagat tsaka nagsimulang magsagwan. Nang matantiya na niyang may mga isda na sa lugar kung nasaan siya ay agad niyang nilatag ang kaniyang lambat. Para maparami pa ang huli ay sinubukan niya na ring sumisid sa unang pagkakataon.

Pagkatalon pa lamang ni Mang Edgar ay naaninag na niya kaagad ang isang puting bagay sa ilalim ng dagat. Sinisid niya ito at agad na kinuha. Pagsampa niya sa kaniyang bangka ay laking gulat niya nang mapagtantong isang kabibe pala ito, isang napakalaking kabibe.

Nagmadali siyang imisin ang kaniyang lambat tsaka mabilis na nagsagwan. Binalot niya ng lambat ang kabibe upang hindi makita ng ibang tao tsaka tumakbo papunta sa kanilang bahay. Kahit pa nabibigatan siya ay hindi niya tinangkang humingi ng tulong.

Agad binuksan ni Mang Edgar ang kabibe at napaiyak na lamang siya sa kamanghaan at tuwa nang makita ang dalawang naglalakihang perlas sa loob ng malaking kabibe.

Pinagbili niya ang mga perlas na iyon kaya biglang guminhawa ang buhay ng kaniyang pamilya. Nakabili siya ng sariling bahay at lupa, kotse at nabili niya rin ang isang fish port sa kanilang lugar dahilan kaya nagulat nang labis ang kaniyang kapatid.

“Edgar, anong ginawa mo para yumaman ka ng ganito?” pag-uusisa ni Aling Maya. “Wala akong ginawa, ate. Ang Diyos ang kumilos para sa akin. Siguro ay awang-awa na siya sa mga pinagdadaanan ko. Hayaan mo, ate, makakabawi na ako sa’yo ngayon,” nakangiting sambit ni Mang Edgar.

“Talaga? Hindi ka galit sa pangmamaliit ko sa’yo?” Nagulat ang ginang sa kabaitang ipinapakita ng kaniyang kapatid. “Hindi, ate. Naiintindihan naman kita at kagaya ng pagtulong mo sa’kin ay tutulungan din kita ngayon,” tugon ni Mang Edgar sa babae tsaka naglabas ng malaking halaga ng pera at ibinigay niya ito sa kaniyang kapatid.

Tuluyang guminhawa ang buhay ng pamilya ni Mang Edgar. Nagawa niyang maipasok sa kolehiyo ang kaniyang panganay. Maayos niyang napamunuan ang kaniyang fish port at bukod pa dito ay nagsisimula na rin siyang tumulong sa mga kapwa niyang mangingisda.

Labis na kagalakan ang bumubuo sa puso ni Mang Edgar hindi dahil sa mayaman na siya kung ‘di dahil natutustusan na niya ang pangangailangan ng kaniyang mga anak at nakakatulong pa siya sa iba.

Kapag ang Diyos na ang kumilos kahit na nasa laylayan ka na ay mapapaangat ka pa rin Niya. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Patuloy tayong magsikap at manalig na hindi Niya tayo pababayaan.

Advertisement