Hihimas-himas na sa tiyan dahil sa gutom ang magkakapatid na Denis, Shaira at Kate nung gabing iyon. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin umuuwi ang kanilang ina na nagpaalam lang kanina na may pupuntahan sandali at babalik din kaagad. Ngunit mag-aalas otso na ng gabi pero wala pa ito.
“Shaira, Denis, Kate!” sigaw ng isang boses.
Ganoon na lamang ang pagkagulat ng magkakapatid nang biglang dumating ang kanilang tiyahin.
“Auntie!” tawag naman ng dalawang bata rito habang ang panganay na si Denis ay nagtataka. Umiiyak kasi ang kaniyang Auntie Lucil sa hindi malamang dahilan.
“Denis, mag-empake na kayo ng mga kapatid mo. Sasama kayo sa akin kina lola, ha? Sige na,” tanging bilin lang ng babae sa Grade 8 student na si Denis na noon ay litung-lito kung ano ang nangyayari.
Kalaunan ay ipinaliwanag din ng kanilang Auntie Lucil ang totoong dahilan kung bakit hanggang sa makalipas ang isang linggo ay hindi pa rin umuuwi ang kanilang ina.
“Sumama na sa boyfriend niya ang mama niyo, Denis, kaya tulungan mo kami ng lola mo na alagaan ang mga kapatid mo,” hagulgol ng kaniyang Auntie Lucil habang ipinapaliwanag kung ano ang tunay na nangyayari.
Labis mang nabigla ay pinilit intindihin ni Denis ang sitwasyon. Simula noon ay ipinangako niya sa kaniyang sarili na aalagaan niya ang kaniyang mga kapatid sa abot ng kaniyang makakaya.
Pinalaki sila sa pamamagitan ng pagtutulungan ng kanilang lola at tiyahing si Lucil na noo’y hindi na nakapag-asawa pa dahil sa pag-aalaga’t pag-iintindi sa kanila. Itinuring sila nitong tunay na mga anak at mas naging ina pa nga ito kung tutuusin kaysa sa kanilang ina.
Mga tindera ng gulay sa palengke ang kanilang lola at Auntie Lucil. Iyon ang ipinangtutustos ng mga ito sa pag-aaral nila hanggang sa sila ay makatapos ng kolehiyo.
Mahirap pero talagang kinaya ng magkakapatid na makapagtapos dahil sa pag-aagapay ng dalawang taong tumulong sa kanila nung sila’y talikuran ng sarili nilang ina habang ang kanila namang ama ay matagal nang sumakabilang buhay.
Dahil sa katandaan ay minabuti nina Denis, Kate at Shaira na patigilin na sa pagtitinda ang kanilang lola at Auntie Lucil. Tutal ay mayroon na silang kani-kaniyang trabaho at pare-pareho ng propesyonal.
Si Shaira ay naging isang dentista. Si Denis naman ay grumaduate sa kursong Business Ad at nagpapatakbo na ng sariling negosyo ngayon na isang maliit na pagawaan ng sapatos. Nang dahil sa pagsisikap at pagtitiyaga ng lalaki ay unti-unti nang nakikilala ang kaniyang pagawaan. Habang ang bunsong si Kate ay pinasok ang pagmomodelo.
Talagang bumawi ang magkakapatid sa lahat ng pagsasakripisyo ng kanilang lola at Auntie Lucil. Ibinalik nila ang pagmamahal na ipinakita ng mga ito sa kanila kasabay ng kanilang pagbibigay sa mga ito ng isang maganda at maginhawang buhay na noo’y hindi nila naranasan.
Nakarating sa kanilang ina ang balitang pare-pareho ng asensado sa buhay silang magkakapatid. Agad nitong kinuha ang oportunidad na iyon upang humingi ng suporta sa mga anak na dati niyang inabandona.
“Lucil, Mamang, lumabas kayo riyan! Kukunin ko na ang mga anak ko!”
Isang araw ay nabulabog ng mga hiyaw na iyon ang bahay na tinitirhan nina Denis, Shaira at Kate kung saan kasama nila ang kanilang lola at Auntie Lucil. May kasama itong mga pulis nang sumugod sa kanilang bahay na hula ni Denis ay mga tauhan ng kinakasama nitong dating pulis.
“Ano ho ang ginagawa niyo rito?” Punung-puno ng galit ang puso ni Denis ngunit mas pinili niyang humarap ng kalmado nang labasin niya ang ina at ang mga pulis na kasama nito.
Agad namang nagsalita ang kanilang ina. “Anak, kukunin ko na kayo. Sumama na kayo sa aki…”
“Ngayon pa, ma? Ngayon pa?” agad namang putol ni Denis sa kung ano man ang sasabihin sana ng ina.
“Bakit ngayon pa ho ninyo naisipang gawin iyan kung kailan maayos na ang mga buhay namin ng mga kapatid ko? Bakit? Akala ho ba ninyo ay hindi namin alam na naghihirap na kayo ngayon dahil nalulong kayo ng asawa mo sa casino? Alam niyo ho ba na kaya mayroon pa kayong kinakain ngayon kahit pareho na kayong walang trabaho ay dahil sa pagtutulungan naming magkakapatid? Alam niyo, mama, kahit pinabayaan niyo ho kami noon hindi kailan man sumagi sa isip naming magkakapatid na gawin din iyon sa inyo kaya nga binigyan namin ng trabaho ang asawa mo,” pagbubulgar ni Denis sa ina.
Tila nagulat ang ina nina Denis, Shaira at Kate sa isiniwalat ng anak.
“Pero, mama, hindi na ho ako makapapayag ngayon na pati ang pagbabalik namin sa pagmamahal at kabutihan nina lola at auntie ay gusto niyo pang solohin. Sa totoo lang ay mas deserving sila sa tulong namin kaysa sa inyo,” dagdag pa ni Denis.
Hindi na binigyan pa ni Denis ng pagkakataon ang kaniyang ina na makapagsalita pa at dire-diretso na niyang tinalikuran ito. Alam niyang mali ang magtanim ng galit ngunit hindi niya mapigilan.
Ganoon pa man ay umaasa pa rin si Denis na darating ang panahon at maghihilom ang sugat sa puso nilang magkakapatid na idinulot nang pag-iwan sa kanila ng sariling ina. Habang ang pagmamahal at pasasalamat naman nila sa kanilang lola at Auntie Lucil ay hindi na kailanman magmamaliw pa.