Inday TrendingInday Trending
Sumbat Mula sa Breadwinner

Sumbat Mula sa Breadwinner

Pagod na pagod si Tania nang umuwi sa tahanan nila ng kaniyang pamilya. Alas otso na noon ng gabi nang siya’y makauwi dahil nag-overtime siya sa trabaho bilang production worker sa isang electronics company sa probinsya ng Laguna kung saan din sila nakatirang pamilya.

Pagkarating sa bahay ay agad na bumungad kay Tania ang malalakas na tawanan na nagmumula sa salas ng kanilang bahay. Agad na gumuhit ang galit sa kaniyang mukha nang maabutang may inuman session na naman ang kaniyang kapatid at ang mga kabarkada nito.

“Sid! Ano na naman ‘to?” pagalit na napahiyaw si Tania habang kunot na kunot ang kaniyang noo.

Lalo pa nga siyang nanggalaiti nang mamataan ang nagulat ding amang may sakit na nakiki-shot sa mga ito.

Halos magwala si Tania sa galit nang gabing iyon na naging dahilan para magtalo sila ng kapatid na si Sid. Nakatikim din ng pangaral ang kaniyang ama na may katigasan din ang ulo.

Magmula kasi nang ma-stroke ang kanilang ama ay siya na ang tumayong breadwinner ng pamilya. Siya rin ang nagpapaaral sa dalawa niya pang kapatid na sina Sid at Jenica na hindi naman maikakailang pareho pang bulakbol.

Bukod sa sagot na ng dalaga ang pagpapaaral sa mga ito ay sagot pa rin niya ang pagkain, tubig, kuryente pati ang gamot na pang-maintenance ng kanilang ama.

“Bakit ganiyan ang ginagawa niyo sa akin, Sid? Bakit mas inaatupag niyo pa ang pag-iinom kaysa pag-aasikaso dito sa bahay? Galing pa ako sa trabaho pero ito pa ang aabutan ko. Ako pa ang magluluto’t magpapakain sa inyo!” Sa galit ay talagang naging malakas na ang boses ni Tania.

“Pati kayo, papa. Anong silbi ng iniinom niyong gamot kung pinupuno niyo rin naman ng alak ang katawan niyo? Ha!” dagdag pa ng babae.

“Ang yabang mo naman, ate. Hindi porke’t ikaw ang ang nagtatrabaho para sa pamilyang ‘to, eh, puwede mo na kaming diktahan! May sarili kaming buhay!” pabalang namang sagot ng disisais anyos na si Sid sa mataas ding tono ng boses.

“Kung ayaw mo nang tumulong sa amin lumayas ka na rito! Sa iyo na ‘yang pera mo!” singit naman ng amang lango na rin sa alak nung gabing iyon.

Tila dinurog ang puso ni Tania sa mga narinig lalo na nung wala man lang naging reaksyon ang isa pang niyang kapatid, ang dalagitang si Jenica na nagpatuloy lamang sa paggamit ng selpon kahit pa nagkakagulo na sila.

Nang mga sandaling iyon ay napuno na si Tania at nag-empake na ng mga gamit upang lumayas na sa poder ng mga ito.

Panandalian munang nakituloy si Tania sa isa sa kaniyang mga kaibigan. Dahil doon ay talagang nakaipon ng malaki ang dalaga bukod pa sa medyo nawalan na ng bigat ang kaniyang isipan dahil hindi na siya stress sa tuwing uuwi ng bahay.

Ganoon pa man ay hindi pa rin naman naaalis ang pag-aalala sa isip ni Tania lalo pa’t iniwan nga niya ang kaniyang ama at mga kapatid kahit pa alam niyang nakadepende na sa kaniya ang mga ito.

Ngunit panahon na nga siguro para pagbigyan niyang gawin ng mga ito ang kanilang mga gusto ng walang pangaral at pakikialam mula sa kaniya.

Tatlong buwan na ang nakalipas at naging mas maayos ang buhay ni Tania dahil sa sariling pagsisikap habang ang kaniya namang ama at mga kapatid ay nabaon na pala sa problema simula nung siya’y umalis ng bahay.

Nabuntis ng nobyo ang kinse anyos na si Jenica at ngayon ay ayaw nang panagutan pa. Si Sid naman ay mae-expel na sa eskwela dahil hindi ito nakakapasok bunga ng kawalan ng perang pambaon o pang pamasahe man lang bukod pa sa hirap din itong alagaan ang kanilang ama na ngayon ay halos hindi na makagalaw pa sa sakit.

Sabay-sabay na nagtungo ang mga ito sa bahay na tinutuluyan ni Tania upang humingi ng dispensa sa kanilang mga kasalanan at kumbinsihin itong bumalik na sa kanilang tahanan.

Siyempre matitiis ba naman ni Tania ang kaniyang pamilya? Nang gabi ring iyon ay nagpasya ang babae na umuwi sa kanilang tahanan sa kondisyong hindi na uulitin ng mga ito ang kanilang mga nakasanayang gawain at nangako naman ang mga ito na susundin na nila si Tania.

Masakit man sa kalooban ni Tania ang nangyari kay Jenica ay malugod niyang tinanggap ang anak nito. Ipinagpatuloy ng kapatid ang pag-aaral sa kabila ng kalagayan nito habang si Sid naman ngayon ay bumabawi upang hindi matuloy ang pagka-expel nito sa school.

Sa kabilang banda ay nagpasalamat si Tania sa Diyos na nangyari ang lahat ng ito dahil kung hindi ay baka hindi na nila naayos pa ang matagal ng lamat ng kanilang pamilya. Isa pa’y itinuturing pa ring biyaya iyon ni Tania kapalit ng pagiging mabuti niyang ate at breadwinner ng pamilya.

Advertisement