Maluha-luha si Karen habang tinititigan ang mga litrato ng kaniyang Kuya Ryan noong ito’y bata-bata pa. Mga litrato kung saan ito’y malokong naka-pose kasama ang kanilang dalawa pang kapatid na halos kung ituring nito noon ay paslit pa kahit ito’y mga dalaga na.
“Nakakamiss si kuya, ano?” nakangiting tanong ng kapatid na si Kyla kay Karen na nagpabaling sa babae. “Sinabi mo pa. Kahit na talagang medyo istrikto siyang kuya noon talagang inalagaan naman niya tayo ng mabuti.”
Pasimpleng pinahid ni Karen ang luhang naglandas sa kaniyang pisngi dahil sa hindi napigilang emosyon. Pakiramdam niya kasi ay may bikig na nakabara sa kaniyang lalamunan na nagpapahirap sa kaniya.
“Si kuya ang pinakamabuting taong nakilala ko. Kung wala siya hindi ko alam kung nasaan tayo ngayon. Kaya naman miss na miss ko na talaga ang kuya,” singit naman ng bunsong si Ria.
Simula kasi nung sabay na pumanaw ang kanilang mga magulang buhat ng isang aksidente sa sasakyan ay ang kanilang Kuya Ryan na ang siyang tumayo nilang ama at ina. Ito ang nagsumikap upang makakain sila, makapag-aral at mabuhay ng maayos.
Nung mga panahong iyon ay disiotso anyos pa lamang ang kanilang kuya habang sila naman ay nasa onse anyos hanggang walong taong gulang pa lang.
Dahil sa hirap ng buhay noon ay kung anu-anong pinasok na trabaho ng kanilang kuya. Basta marangal, kahit mahirap, ay pinasok nito. Dumating sa puntong sa umaga’y nagko-construction worker ito habang sa gabi naman ay nagtitinda pa ito ng balut at penoy, chicharon at itlog ng pugo.
Talagang malaki ang utang na loob ng magkakapatid sa kanilang panganay dahil halos buong buhay nito ay talagang hindi sila nito pinabayaan. Kahit nga noong mga panahong nagkaroon na ito ng sariling pamilya ay dito pa rin sila nakadepende.
Sa kasalukuyan ay pare-pareho nang nakatapos sa pag-aaral ang tatlong babaeng kapatid ni Ryan. Samantalang si Ryan naman ngayon ay nakikipaglaban sa sakit nitong Alzheimer’s disease.
Ngayon ay ang ika-siyam na pung kaarawan ng kanilang Kuya Ryan at minabuti ng magkakapatid na sina Karen, Kyla at Ria na maghanda ng kaunting sorpresa para sa taong nagsilbi nilang tagapagligtas noong mga panahong halos malugmok sila sa kalungkutan.
“Surpise!” sigaw ng tatlong kapatid na babae ni Ryan.
Napasinghap sa gulat ang kapapasok lamang na si Ryan sakay ng kaniyang wheelchair na tulak-tulak naman ng kaniyang misis na si Graciela. Tumambad sa kaniyang mukha ang makukulay na lobong ipinalibot sa kanilang buong kabahayan pati na rin ang ilang pamilyar na mukhang sumalubong sa kaniya nang nakangiti.
Hindi man maalala ang kanilang mga pangalan ay alam ni Ryan sa kaniyang sarili na malapit sa kaniyang puso ang mga taong ito. Hindi rin kasi maikakaila ang kakaibang tuwa na biglang lumukob sa kaniyang damdamin sa pagkakita pa lamang sa mga ito.
“Happy birthday, Kuya Ryan!” ang paulit-ulit na bukambibig ng mga tao sa kaniyang paligid na kahit pa hindi naman niya gaanong naiintindihan ay nakapagbibigay saya naman sa kaniyang damdamin. Labis-labis na tuwa ang kaniyang nadarama na animo’y napakaespesyal niya upang handugan ng mga ganoong klaseng regalo’t sorpresa.
Mangiyak-ngiyak sa tuwa sina Karen, Kyla at Ria nang kanilang makita ang masayang reaksyon ng kanilang kuya. Masaya sila na kahit papaano ay napangiti nila ito at naipadama nila kung gaano nila ito kamahal kahit pa nga hindi na nito maalala ang kanilang mga pangalan.
“We love you, Kuya Ryan. Sana nagustuhan mo ang munting regalong ito mula sa iyong tres marias. Ikaw ang aming inspirasyon. Mahal na mahal na mahal ka namin, kuya!” masayang wika ni Karen.
Pagkatapos ng pagbibigay ng mensahe ng halos lahat ng mga imbitado sa selebrasyong iyon ay nilapitan ng tatlong magkakapatid ang kanilang Kuya Ryan upang yakapin ngunit ganoon na lang ang pagkabigla ng mga ito nang ang kanilang Kuya Ryan na mismo ang tumayo upang sila ay muling ikulong nito sa kaniyang mga bisig na tila ba naaalala nito ang paborito nitong gawin noong sila’y mga bata pa.
Walang humpay ang masasayang pag-agos ng luha nang gabing iyon. Napuno ng pagmamahal mula sa magkakapatid ang buong lugar na pinagdausan ng selebrasyon. Marami ang naantig ang puso dahil sa kuwento ng magkakapatid lalo na ang pagiging ulirang kuya ni Ryan.
Ang ulirang kuya na siyang nagsilbing gabay, haligi at ilaw ng tahanan nung mga panahong walang-wala sila. Ang ulirang si Kuya Ryan na noo’y naging kuya na, naging papa at mama pa!