Matapobreng Babae, Binugbog Ng Katabe!

Galing mula sa pamimili ang babaeng ito na nagngangalang Lourdes nang parahin niya ang pampasaherong jeep na biyaheng Alabang upang siyaʼy makauwi na. Iyon nga lang, ang siste, gusto niyang maupo sa unahang bahagi ng jeep at paalisin ang babaeng naunang naupo na roon bago pa siya dumating.

“Miss, umusog ka naman!”

Ni hindi man lang nakiusap nang maayos ang babaeng ito sa isa pang babaeng nauna naman sa kaniya, bagkus ay pabulyaw niya itong sinigawan kaagad nang walang pakundangan.

Samantala, antok na antok na noon si Shane galing sa trabaho at pakikipag-inuman sa kaniyang boss na broken hearted. Hindi naman siya sanay uminom kaya naman talagang malakas ang naging tama sa kaniya ng alak kahit kakaunti lang ang ininom niya. Laking gulat na lamang niya nang bigla siyang bulyawan ng kasasakay lamang na pasahero para lang siyaʼy pausugin! Naiangat niya ang kaniyang mukha upang tingnan kung sino iyon, ngunit agad pa siyang dinuro ng naturang babae!

“Oh, anoʼng tinitingin-tingin mo? Huwag mo akong tingnan ng ganiyan! Hindi sa ʼyo itong jeep, bakit ayaw mong umusod, e, nakita mo nang may sasakay!” sigaw nito habang dinuduro-duro ang kaniyang mukha.

“Aba, Misis, ako ho ang naunang umupo rito! Napakaluwag naman po ng espasyo sa tabi ko, bakit hindi na lang ho kayo dumiretso nang upo rito? Kung tutuusin, dapat nga ho doon kayo sa dulo, dahil sagabal iyang mga dala-dala ninyo sa mga bababa at sasakay pang pasahero!” Hindi na nakapagpigil pa si Shane at nasagot niya ang bulyawerang babae, kahit na hindi naman talaga niya gawain ang ganoon.

“Sasagot ka pa! Makapal ang mukha mo! Mukha ka namang p*tay-gutom kaya manahimik ka!” galit na galit pang sagot ni Louren. Asar na asar siya sa babaeng hindi umusog ng upuan nang makita siyang sasakay.

“Mas makapal ho ang mukha ninyo. Hindi nʼyo naman pag-aari itong jeep, para utos-tusan ako. Dapat ho sa taxi kayo sumakay,” galit man at naiinsulto ay kalmado pa ring sagot ni Shane.

Advertisement

Halos magsinghapan ang lahat ng nakasakay sa jeep nang bigla na lang lumagapak nang malakas ang mukha ni Shane nang sampalin siya ni Lourdes!

Biglang nandilim ang paningin ni Shane. Dala siguro ng kalasingan ay nagawa niyang gumanti sa babaeng nanampal at kanina pa namamahiya sa kaniya. Nasabunutan niya ito at nasuntok sa mukha, dahilan upang magka-black eye ito. Bugbog sarado na si Lourdes nang siyaʼy bitiwan ni Shane.

“Tulungan nʼyo ako! Binugbog ako ng babaeng ʼto!” hiyaw ng eskandalosang matapobreng si Lourdes, kasabay ng paghinto ng jeep sa gilid ng kalsada.

“Tama lang ho sa inyo ʼyan! Napakatabil ng bunganga ninyo!” ngunit singit naman ng isang pasahero.

“Oo nga! Hindi naman kayo ginagalaw noʼng tao, ʼtapos kung anu-ano pang sinasabi ninyo diyan,” dagdag pa ng isa.

Lalong nanggalaiti si Lourdes dahil doon. “Idedemanda ko kayong lahat!” sigaw niya.

Pati ang driver na nooʼy iniwan na ang manibela upang awatin sila ay napakamot na lang ng ulo.

“Sige, magsampa ka ng kaso. Haharapin ka namin!” sagot pa ni Shane sa banta ni Lourdes.

Advertisement

Kinuhanan agad ni Lourdes ng picture ang mga taong nakasakay sa jeep pati na rin ang plaka ng jeep at ang driver mismo nito. Pagkatapos ay nagpunta siya sa ospital upang kumuha ng medico legal at dumiretso na sa isang police station upang magsampa ng kaso.

Nagharap sina Shane, Lourdes at ang mga sakay ng jeep nang araw na iyon sa tanggapan ng baranggay kung saan sila inabot ng gulo. Ang buong akala ni Lourdes ay kakampihan siya ng batas, dahil na rin sa mga ebidensyang ipinakita niya. Ang hindi niya alam, isa pala sa mga pasahero ang may kuha ng kumpletong video na nagpapakita na siya at hindi si Shane ang unang nanakit. Ginamit iyon ng mga ito upang kontrahin ang kaniyang reklamo at upang baliktarin iyon.

Sa huli ay si Lourdes pa ang nakasuhan dahil sa ginawang pananakit kay Shane, pati na rin ang pagpa-public shame dito. Pinagbayad din siya ng kaukulang danyos para sa iba pang pasaherong hindi nakapasok sa trabaho nang araw na iyon dahil sa kaniyang ginawa. Maging ang kita ng jeep na napurnada ay kailangan niyang bayaran dahil sa eskandalong ginawa niya. Halos malugmok tuloy si Lourdes dahil doon laloʼt ngayoʼy kalat na sa social media ang kaniyang ginawa.