Pinagtawanan ng Matandang Lalaki ang Unanong Pasahero; Tameme Siya Nang Makilala ang Tunay na Katauhan Nito

“Anong oras na, pero wala pa rin akong pasahero,” napapaismid na sabi ni Mang Isko sa sarili habang nag-iikot-ikot at naghahanap ng pasahero.

Nang biglang may babaeng pumara sa kaniya.

“Taxi, taxi!”

Kumurap-kurap pa ang mga mata ni Mang Isko habang pinagmamasdan ang anyo ng babaeng pasahero. Isa palang unano ang babaeng pasahero na pumara sa kaniya kaya hindi niya naiwasang palihim na matawa. Nang tuluyan itong makasakay ay tinanong niya kung saan ang destinasyon nito.

“Saan tayo, miss?” sambit ni Mang Isko na pinipigilan pa rin ang sarili sa pagtawa.

“Sa Cubao po tayo, manong,” tugon ng babae.

Ipinagpatuloy niya ang pagmamaneho habang abala naman sa paggamit ng cell phone ang babae na naka-upo sa likod ng taxi.

“Grabe naman sa pagka-pandak ang babaeng ito. Kamag-anak kaya ito ni Onanay, o ni Mahal at ni Mura? Baka naman anak ito ni Ungga?” natatawa niyang bulong sa isip.

Advertisement

Napansin niya na kahit unano ang babae ay maputi naman ito at hindi naman kapangitan. Dahil curious siya sa kaniyang pasahero ay kinausap niya ito.

“Alam mo, miss, mabuti na lang at nakita mo itong taxi ko. Wala pa kasi akong pasahero mula pa kanina, eh.”

“Ganoon po ba? Eh, ‘di ako pala ang buena mano niyo?” sagot ng babae.

“Oo, miss, kaya salamat at pinara mo ang taxi ko.”

“Walang anuman, manong. Nagmamadali kasi ako. Nasira ang kotse ko kaya naisip kong mag-taxi na lang muna.”

Habang nagsasalita ang babae ay pinipigil pa rin ni Mang Isko na matawa dahil sa nanlalaki pa ang mga butas ng ilong ng babae habang nakikipag-usap sa kaniya.

“Artista ka ba, Miss?” tanong niya uli sa babae.

“Ay h-hindi po, manong. Bakit niyo po naitanong?” tugon ng pasahero.

Advertisement

Hindi na napigilan pa ni Mang Isko ang bibig at tuluyan nang prinangka ang pasahero.

“W-wala naman, miss. Akala ko kasi ay artista ka na kagaya nina Onanay at nina Mahal at Mura?” aniya.

Nagulat ang babae sa tanong niya ngunit ngumiti pa rin ito at sinagot ang kaniyang tanong.

“Naku, hindi po manong. Simpleng tao lang po ako. Wala po ako sa showbiz. Ang akala niyo po siguro porket unano ako ay kagaya ko na ang mga sinabi niyong artista, pero hindi po ako artista,” sambit ng babae.

“Ah ganoon ba? Pero miss, huwag kang magagalit sa sasabihin ko ha, minsan ba hindi ka nahiya sa pagiging unano mo?” prangka pa rin niyang tanong sa pasahero.

Nakangiti pa ring sumagot ang babae.

“Hindi po, dahil ito po ang ibinigay sa akin ng Diyos. Isa pa po wala naman po akong inaapakang tao kaya wala po akong dapat na ikahiya,” simpleng tugon ng babae.

Pinamulahan ng mukha si Mang Isko sa sinabi nito. Tila siya ang napahiya sa ginawa niyang pagtatanong sa pasahero kaya sinang-ayunan na lamang niya ito.

Advertisement

“Oo nga naman, miss. Tama ka naman sa sinabi mo,” wika niya na pilit ang pagkakangiti.

‘Di napansin ni Mang Isko na nasa Cubao na pala sila at bababa na ang pasahero.

“Narito na pala tayo, miss!” sabi niya sa babae saka sinabi kung magkano ang babayaran nito.

Kumuha naman ng pera ang babae sa wallet at iniabot sa kaniya.

“Manong, heto na po ang bayad ko. Dinagdagan ko po ‘yan, tip ko po para sa inyo. Salamat po sa paghahatid sa akin.”

‘Di siya makapaniwalang doble pa ang ibinayad sa kanya ng babaeng unano.

“Ang laki namang mag-tip ng pandakekang na ito!”

Dahil nakaramdam na rin siya ng gutom ay naisip niyang kumain muna sa malapit na karinderya.

Advertisement

“Kumakalam na ang sikmura ko. Makakain nga muna ng masarap, tutal malaki naman ang ibinayad sa akin ng unanong babaeng iyon eh,” aniya sa isip.

Pagkatapos umorder ay umupo na siya sa mesa. Mabuti na lang at may TV sa karinderyang kinakainan niya upang hindi siya mainip habang naghihintay.

Maya-maya ay nagulat siya nang may makitang pamilyar na mukha sa TV.

“T-teka, siya ‘yung pandak na babaeng pasahero ko kanina ah!”

Napag-alaman niya na isa palang mayamang negosyante ang babae at kilala sa pagtulong sa mga taong mahihirap. Hindi ordinaryong tao ang unanong babaeng sumakay sa kanya kanina kundi isang kilalang business tycoon.

Hindi halos nakakilos at nakapagsalita si Mang Isko sa kaniyang napanood. Nagsisi tuloy siya kung bakit niya ito pinagtawanan kanina. ‘Yun pala ay bigatin at matulunging tao ang hinamak niya.

Kaya huwag husgahan ang panlabas na anyo ng isang tao bagkus ay kilalanin ang magandang katangian nito.