Inday TrendingInday Trending
Takot ang Magkakapatid sa Inang Malupit Masyado sa Kanila; Mapapalapit Pa Kaya ang Loob Nila sa Isa’t Isa?

Takot ang Magkakapatid sa Inang Malupit Masyado sa Kanila; Mapapalapit Pa Kaya ang Loob Nila sa Isa’t Isa?

“Higupin mo ‘yang sabaw,” malamig ang tinig ng inang si Martha na ikinatahimik ng tatlong magkakapatid. Natapon kasi ng bunsong si Jonar ang sabaw dahil nasagi nito, ngayon ay inuutos ng ina na higupin nito ang natapong sabaw sa lamesa.

“Pero ma…” nanginginig ang boses na sabi ng sampung taong gulang na bata, ngunit halos mapatalon sa gulat nang gumalabog ang mesa.

“Halika dito,” sabi ni Martha matapos ibagsak ang mabibigat na kamay sa lamesa. Walang nagawa si Jonar kundi lumapit sa ina at tanggapin ang malalakas na palo nito sa puwetan niya gamit ang pamalo nitong laging nakadikit dito.

Matapos ang tatlong hampas ay nangingilid ang luha na umupo sa upuan niya si Jonar. Dumiretso sa kusina si Martha na animo ay walang nangyari upang kumuha ng basahan.

Nagkatitigan lang ang tatlong magkakapatid. Nang makita ng panganay na si Ritchel na may gumulong na luha sa pisngi ni Jonar ay agad na pinagsabihan ang kapatid.

“Punasan mo ‘yang luha mo kung ayaw mong mapaluhod ka pa sa asin,” sabi ng bente anyos na dalaga. Naaawa siya sa kapatid ngunit ganoon talaga ang ina nila, masyadong istrikta. Ito lang kasi ang tumatayong tatay at nanay kaya sa tingin ni Ritchel ay ginagawa lang nito iyon upang mapalaki sila nang maayos. Napabuntong hininga na lang siya ngunit natigilan nang marinig ang matigas na boses ni Rojan, ang pangalawa sa kanilang magkakapatid.

“Minsan na nga lang ho kayo makasabay sa hapag e ganiyan pa kayo,” nagdadabog na sabi nito.

“Anong sinabi mo?” nakataas ang kilay na sabi ni Martha. Narinig niya naman ang sina ni Rojan at tila nagpanting ang tainga niya. Nang hindi sumagot ang binata ay talagang kumulo ang dugo ni Martha at pinagsisigawan ang kaniyang anak. Hinablot nito ang pamalo ngunit natigagal siya nang biglang taasan ni Rojan ang tinig nito.

“’Ma naman! Napakaliit na bagay lang bakit parusa agad ang ibinibigay niyo?!” hindi na mapigilang sambulat ng binata. Kasunod niyon ay isang malakas na sampal ang tumama sa pisngi nito. Galit na galit si Martha sa inasal ng anak kaya niya iyon nagawa. Si Rojan naman ay galit na galit din at nagdadabog na lumabas ng bahay.

Ang masayang tanghalian dapat nila ay ganoon ang kinalabasan. Minsan lang nila makasama sa hapag ang ina dahil lagi itong abala sa trabaho, ngunit kapag nasa bahay naman ito ay hindi nila alam paano kumilos dahil napakaistrikta nito. Lumaki sila sa mga yaya, kaya ‘pag nandiyan ang ina na alam nilang lagi silang pagagalitan ay halos kalkulado ang lahat ng galaw nila. Hindi lang iyon, pati lahat ng gawain nila ay dinidikta ni Martha. Si Ritchel dapat nursing ang kurso, si Rojan ay engineer, si Jonar ay dapat na mag-aral ng piano. Kapag nagsabi ang mga bata na ayaw nila niyon ay pagagalitan sila agad.

“Magsipasok kayo sa kwarto niyo!” sigaw ni Martha kay Ritchell na siya naman inakay agad si Jonar na tuluyan nang umiyak. Napasapo na lang sa noo si Martha sa nangyari. Sa lahat ng mga anak niya ay si Rojan lang ang ganoon na talagang nagmamatigas sa kaniya. Ewan ba naman niya sa batang iyon. Pagbalik nito ay talagang makakatikim ito sa kaniya.

Ngunit ilang oras na ang lumipas, palalim na ang gabi, ay wala pa rin ang binata. Nagsimula nang mag-alala si Martha. Palakad-lakad siya sa kusina. Nag-iisip nang matatawagan ngunit doon niya lang napagtanto na wala pala siyang kakilalang kaibigan ng anak. Wala rin siyang ideya sa mga lugar na pinupuntahan nito maliban sa eskwela at bahay. Inis na inis si Martha sa sarili.

“Mama…” lalong nag-init ang ulo ni Martha nang marinig si Jonar at makitang lumabas ito ng kwarto.

“’Di ba sinabi kong matulog ka na?! Anong oras na oh!” bulyaw ni Martha na akmang hahawakan na naman ang pamalo nito. Isang papel ang iniwan ni Jonar sa lamesa saka nangingilid ang luhang tumakbo pabalik sa kwarto.

Tila tinamaan naman ng konsensya si Martha dahil nasigawan na naman ang anak. At nang tingnan niya ang papel na iniwan nito ay tuluyan nga siyang napaluha. Impormasyon iyon kung saan nila pwedeng mahanap si Rojan. Nagpasya siyang tawagin mula sa kwarto ang mga anak ngunit ayaw siyang pagbuksan ng pinto.

Karaniwan ay magagalit siya ngunit nang mga pagkakataong iyon ay naiyak na lang siya. Doon niya lang napagtanto na napakalayo na pala ng loob ng mga anak niya sa kaniya. Nagsikap siya para maibigay ang lahat ng materyal na bagay na kakailanganin ng mga ito ngunit ang kalinga at pagmamahal pala niya ang nagkulang. Kung ano pa ang tunay na mahalaga ay doon pa siya nagkulang.

Nang gabing iyon ay nagpasya si Martha na magbago. Sinundo niya si Rojan sa address na nasa papel at tahimik naman itong sumama rin sa kaniya.

Pagdating sa bahay ay agad nitong kinuha ang asin dahil alam nitong parusa ang ibibigay niya, ngunit nagulat ito nang yakapin niya ito.

“Patawarin mo si mama, Rojan,” umiiyak na sabi ni Martha. Kaya pala tila may lungkot din sa puso niya dahil miss na miss niya rin ang mga anak. Nanghingi siya ng tawad pati na kay Ritchell at Jonar, at nagsalo sila sa isang mainit na yakap.

“Patawad din ma dahil minsan hindi rin namin napapakitang nagpapasalamat kami sa lahat ng mga ginagawa mo para sa amin,” sabi ng panganay na si Ritchell.

Sama-sama silang naghapunan ng gabing iyon na magaang ang puso. Talagang bumili pa ng mga paboritong pagkain ng mga ito si Martha. Doon nila napagtanto na sa isang pamilya, mahalaga na pinakikinggan ang saloobin ng bawat isa. Pagmamahal ang pinakaimportante sa lahat at hindi ang anupamang materyal na bagay.

Advertisement