Inday TrendingInday Trending
Isa raw Prinsesa ang Tunay na Ina ng Dalagita; Isang Araw ay Muli Silang Magkikita at Laking Gulat Niya sa Matutuklasan

Isa raw Prinsesa ang Tunay na Ina ng Dalagita; Isang Araw ay Muli Silang Magkikita at Laking Gulat Niya sa Matutuklasan

“Itay, totoo po bang buhay pa ang nanay ko? Kung buhay po siya, eh bakit hindi po natin siya kasama?” tanong ni Ella sa amang si Crisanto.

“Totoo na buhay pa ang nanay mo, anak. Kaya hindi natin siya kasama ay dahil iba ang katayuan niya kaysa sa atin,” sagot ng ama.

“Paano pong iba?”

“Dahil isa siyang prinsesa.”

Laking gulat ni Ella sa sinabi ng ama. Tinanong niya ito kung paano nangyari na isang prinsesa ang nanay niya ngunit hindi na siya nito sinagot.

Hindi naniniwala ang dalagita sa sinasabi ng tatay niya. Kung totoong prinsesa ang nanay niya ay hindi sana sila naghihirap at nasa mala-palasyo silang tirahan. Kaya imposible ang sinabi sa kaniya ng ama. Sa palagay niya ay niloloko lang siya nito para pagtakpan ang ina. May mga naririnig kasi siyang tsismis na iniwan sila ng kaniyang ina at sumama sa ibang lalaki at pumanaw na sa ibang bansa.

Mag-isa siyang pinalaki at itinaguyod ng amang si Crisanto. Mahal na mahal siya nito dahil sa mga sakripisyo nito ngunit minsan ay tinatanong din niya ang sarili kung sino o nasaan ang nanay niya.

Minsang nagkaroon sila ng diskusyon sa eskwelahan tungkol sa mga ina at biglang tinawag ng kaniyang guro ang pangalan niya.

“Ms. Garcia, maaari mo bang ilarawan sa amin ang tungkol sa iyong ina?”

Napalunok siya nang tawagin siya ng guro niyang si Mr. Del Castillo. Agad siyang tumayo sa harap ng klase.

“A, eh, k-kahit kailan ay hindi ko pa po nakikita ang aking ina, pero ang sabi ng tatay ko ay isa raw siyang prinsesa,” hayag niya.

Biglang nagtawanan ang mga kaklase ni Ella sa sinabi niya.

“Ano kamo? Prinsesa ang nanay mo? Kung totoo ang sinabi mo, bakit hindi kayo mayaman? Bakit dito ka sa school natin nag-aaral? Dapat dun ka sa ibang bansa nag-aaral kasama ang mga dugong bughaw,” natatawang sabi ng isa niyang kaklase.

“Oo nga, Ms. Garcia, paano mo nasabi na prinsesa ang nanay mo, hindi mo pa naman siya nakikita?” nagtataka namang tanong ng kaniyang guro.

Napakagat-labi na lamang si Ella. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang tungkol sa ina dahil kahit siya ay hindi niya alam ang totoong pagkatao nito. Hindi rin naman siya naniniwala na prinsesa ito, nasabi lang niya iyon dahil wala siyang ibang maisip na sasabihin.

“’Yon po kasi ang sabi ng tatay ko, na isa raw prinsesa ang nanay ko, pero hindi ko po alam kung totoo o hindi,” tugon niya.

“Wala ka naman palang pruweba, eh. Paano kami maniniwala sa iyo kung totoo nga ang sinasabi mo?” pang-aasar pa ng isa niyang kaklase.

At muling nagtawanan ang buong klase. Kahit napahiya ay hindi na lamang nagpahalata si Ella. Nang umuwi siya sa bahay ay saka pumatak ang mga luha sa kaniyang mga mata.

“Ano ba talaga ang totoo?” bulong niya sa sarili.

Gusto niyang komprontahin ang ama ngunit alam niyang hindi naman ito magsasalita. Kinagabihan habang nag-aayos ng mga tiniklop na damit ng kaniyang ama para ilagay sa aparador ay may nakita siyang isang lumang litrato na nakaipit sa mga lumang damit na naroon. Nakita niya ang ama na may kargang sanggol. May kasama itong magandang babae.

“Si tatay ito ah! At ako itong baby na karga-karga niya! T-teka sino itong babaeng kasama namin? Siya kaya ang nanay ko?”

May napansin din siyang numero at address na nasulat sa likod ng litrato. Nagtaka siya dahil ang numero at address ay sa ibang bansa.

“Nasa ibang bansa ang nanay ko? Foreigner kaya siya? Mukha siyang banyaga sa lumang litratong ito!” wika pa niya sa sarili.

Agad niyang kinausap ang ama at ipinakita ang lumang litrato. Tinanong niya kung ano ang kinalaman ng babaeng nasa litrato sa kanila. Hindi na nagawang magsinungaling ni Crisanto at ipinagtapat na sa anak ang totoo.

“Tama ka, anak, siya ang iyong ina. Ang pangalan niya ay Selina. Isa siyang prinsesa sa malayong bansa. Nagkakilala kami nang bumisita siya rito sa Pilipinas. Nagka-ibigan kami at ikaw ang naging bunga ngunit hindi ako gusto ng mga magulang niya na hari at reyna. Simpleng tao lamang kasi ako at hindi nabibilang sa kanila na mga dugong bughaw. Kaya nang malaman nila ang aming relasyon ay inilayo siya ng iyong lolo at lola at mula noon ay hindi na kami muli pang nagkita. Kahit ikaw na kanilang apo ay hindi nila tanggap. Hindi ko nga alam kung sa address pa na iyan nakatira ang iyong ina,” pagtatapat ng ama.

“Ibig pong sabihin, totoo pala na isang prinsesa ang nanay ko!”

Hindi pa rin makapaniwala si Ella na totoo ang sinabi ng tatay niya tungkol sa ina.

“Ngayong alam mo na ang lahat, kailangan nang malaman ng iyong ina na ikaw ang kaniyang anak. May karapatan kang makilala siya,” sabi pa ng ama.

Binuksan ni Crisanto ang kaniyang alkansya at nang makitang sobra-sobra na ang naipong pera ay ipinambili niya iyon ng ticket para sa kanilang mag-ama. Nang sumunod na araw ay pumunta sila sa airport at sumakay sa eroplano. Matagal na pinag-ipunan ni Crisanto ang pamasahe papunta sa bansa kung nasaan ang ina ni Ella dahil panahon na para magkita ang mag-ina. Nagbabakasakali sila na nasa address pang nakasulat sa lumang litrato ang kanilang hinahanap.

Nang marating nila ang lugar ay agad nilang ipinagtanong ang address at ‘di nagtagal ay natagpuan nila ito. Sa una ay hinarang agad sila ng mga guwardiya na nagbabantay ngunit pinigilan ang mga ito ng isang pamilyar na babae.

“C-Crisanto?” sambit ng babae na kahit may edad na ay hindi pa rin kumukupas ang kagandahang taglay.

“Ako nga, Selina. Matagal tayong hindi nagkita mula nang ilayo ka sa akin ng mahal na hari at reyna.”

Nilapitan ng babae si Crisanto at niyakap. Tangkang sasawayin ng mga guwardiya si Crisanto ngunit pinaalis ng babae ang mga ito.

“Bakit ngayon ka lang nagpakita sa akin, Crisanto? Ang akala ko’y susundan mo ako rito sa aming bansa ngunit hindi mo ginawa. Nalayo tuloy ako sa ating anak. Matagal nang yumao ang aking amang hari at inang reyna. Ako na ang bagong reyna kaya wala nang makakapigil sa ating pagmamahalan, mahal kong Crisanto. Patawarin mo ako dahil noong mga panahon iyon ay wala akong nagawa. Lubhang makapangyarihan ang aking mga magulang kaya natakot akong may gawin sila sa inyo,” maluha-luhang sabi ng babae.

“Patawad, mahal ko. Naduwag din ako noon, nangamba rin ako na baka may kung anong gawin ang iyong mga magulang sa amin ng ating anak. Ngayong malaya na tayo ay makikilala mo na siya.”

Ipinakilala ni Crisanto si Ella sa ina.

“Siya si Ella, Selina. Siya ang ating anak.

Mahigpit na niyakap ng babae ang dalagita na halatang sabik na sabik na makilala ito.

“Anak? Ikaw ang anak ko?”

Tumango lamang si Ella.

“Ako ang mama mo, anak. Sa wakas at nagkita tayong muli. Mahal na mahal kita, anak ko,” masayang-masayang sambit ng babae.

Hindi na napigilan ni Ella ang sariling emosyon at niyakap na rin nang mahigpit ang ina. Nagtataka siya kung bakit magaling itong magsalita ng Tagalog. Sinabi naman ng ina na natutuhan niya ang kanilang lenggwahe dahil matagal din itong nanatili sa Pilipinas noong panahong nagsama ito at ang kaniyang ama.

Nagsamang muli sina Crisanto at Selina at nagdesisyong magpakasal. Naunawaan naman ng mga mamamayan sa bansang pinanggalingan ni Selina ang pag-iibigan nila ni Crisanto kaya walang sinumang tumutol. Ipinakilala ng reyna ang kaniyang mag-ama sa publiko. Manghang-mangha naman ang mga kaklase at guro ni Ella na totoo pala ang sinabi ng dalagita na anak siya ng isang prinsesa na ngayon ay reyna na at dahil doon ay isa na siyang tunay na prinsesa na tagapagmana sa trono ng ina.

Advertisement