
Nabigla ang Isang Nanay nang Mawala ang Kaniyang Anak; Ngunit mas Nabigla Siya nang Ihatid Ito Pabalik ng Isang Pulubi
Kasa-kasama na naman ni Aling Kristina ang kaniyang anak na si Jon habang namimili sila sa palengke ng kanilang pananghalian, pati na rin ng iuulam nila mamayang hapunan. Mahigpit ang hawak ng ina sa kamay ng kaniyang anak, sa takot na baka bigla na lamang itong tumakbo palayo sa kaniyang tabi lalo na at makulit at maliksi na ang bata sa edad nitong limang taong gulang.
“Mama! Mama!” paulit-ulit na tawag ng batang si Jon sa kaniyang ina habang hinihila ang laylayan ng suot nitong T-shirt.
“Ano ba ’yon, anak?” masuyo namang niyuko ni Aling Kristina ang anak upang alamin ang dahilan ng pagtawag nito. Ang totoo ay naiinis siya sa anak dahil nagsisimula na naman itong mangulit, samantalang kapapabili pa lamang nito ng tinapay na hindi pa nga nito natatapos lantakan.
“Mama, nanghihingi po ’yong lolo. P’wede ko pong bigyan? Kawawa po, e,” sagot naman ng batang si Jon sa ina habang itinuturo ang isang pulubing nakaupo sa gilid ng daan, nakalahad ang isang kamay at nanlilimos ng barya sa mga dumaraang tao.
Agad na napakunot ang noo ni Aling Kristina sa narinig. “Tigilan mo nga! Hindi ba’t sabi ko sa ’yo, huwag kang lalapit diyan sa mga pulubing ’yan? Dirty sila, naiintindihan mo?” may himig ng pagkainis na pagpapaalala ni Aling Kristina sa anak na si Jon.
Agad na nalungkot ang bata dahil sa kaniyang tinuran at nanghahaba ang ngusong yumuko na lamang. Hindi naman na ito pinansin ni Aling Kristina at nagpatuloy na lamang siya sa ginagawang pamamalengke.
Matapos mabili ni Aling Kristina ang lahat ng nakasulat sa kaniyang listahan ay naglakad na sila ng anak papunta sa sakayan ng tricycle, ngunit bago pa man sila makarating doon ay nakasalubong ng ale ang kaniyang dating kaibigan na noon ay kauuwi lamang galing sa abroad.
“Mareng Lilia, ikaw na ba ’yan?” natutuwang ani Aling Kristina sa kaibigan na nang makilala siya ay agad ding napangiti nang malawak.
“Naku, Mareng Kristina, ang tagal nating hindi nagkita!” Sabik na nagyakapan pa sina Aling Kristina at ang kaibigan at kumare niyang si Aling Lilia, dahilan upang maalis ang mahigpit na pagkakahawak ng ginang sa anak niyang si Jon.
Bayong na lamang ang natirang hawak-hawak ni Aling Kristina at hindi niya namalayang wala na rin sa kaniyang tabi ang anak, lalo na at nahulog na sila ng kaibigan sa malalim na pag-uusap at halos mag-iyakan pa nga.
“Naku, magkakaiyakan pa yata tayo rito, kumare!” sabi ni Aling Lilia habang nagpupunas ng luhang kanina pa nangingilid sa kaniyang mga mata. “Maiba ako, kumusta na nga pala ang inaanak ko sa ’yo? Malaki na siguro iyon, ano?” pag-iiba pa nito ng usapan.
“Aba, oo, mare! Limang taon na nga itong anak kong si—”
Natigilan si Aling Kristina nang hindi na niya makita ang anak sa kaniyang tabi. Nagpalinga-linga pa siya sa paligid, ngunit wala rin doon ang kaniyang limang taong gulang na anak!
Agad na nataranta ang ginang, pati na rin ang kaniyang kumare. Hinanap nila sa buong paligid ang bata ngunit hindi talaga nila makita si Jon! Nanlulumo na si Aling Kristina at halos mawalan na ng ulirat kaya naman nagpasya si Aling Lilia na iuwi na lamang muna ang kumare sa bahay nito upang mai-report din nila sa pulis ang pagkawala ng bata.
Humahagulhol sa kanilang bahay si Aling Kristina. Hapon na ngunit hindi pa rin nila nakikita si Jon. Nagpunta na sila sa pulis upang i-report ang nangyari ngunit dahil wala pang bente-kwatro oras na nawawala si Jon ay hindi pa ito gaanong tinututukan ng mga pulis.
“Kalmahin mo ang loob mo, mare. Pasasaan ba at mahahanap din natin ang anak mo,” pagpapagaan ni Aling Lilia sa loob niya.
Nasa ganoong tagpo ang dalawa nang maya-maya ay makarinig sila ng marahang mga katok sa pintuan. Tumayo si Aling Kristina upang pagbuksan ang kumakatok at ganoon na lang ang gulat niya nang makita ang kaniyang anak habang payapa itong natutulog sa pagkakapasan ng isang maruming pulubi!
“Kanina pa po akong tanghali sinusundan nitong bata. Hindi ko naman po alam kung saan siya dadalhin kaya nagtanong-tanong po ako at dito ako itinuro ng mga tao sa palengke. Pasensiya na po kung hapon ko na siya naihatid. Naglakad lang po kasi ako habang pasan ang anak n’yo hanggang dito,” anang pulubing naghatid sa kaniyang anak!
Magkahalong pasasalamat at pagsisisi ang naramdaman ni Aling Kristina para sa pulubi. Pinagsisisihan niyang hinusgahan niya ito. Hindi niya napigilan ang kaniyang emosyon at napayakap na lamang siya sa pulubi matapos kunin ng kaniyang kumare si Jon sa likod nito.
Bilang pasasalamat ay pinakain niya ito, binigyan ng ilang damit at pinaligo sa kanilang palikuran, at inabutan pa ng pera ang pulubi. Labis din naman ang pasasalamat ng pulubi sa kaniya.
Matapos ang pangyayaring iyon ay tila nagbago ang pananaw ni Aling Kristina sa mga pulubi. Naging matulungin siya sa mga ito at iyon na ang itinuturo niya sa kaniyang anak.