
Lumaki ang Alitan ng Magkakapatid Simula nang Mawala ang Kanilang mga Magulang; May Pag-asa pa Kayang Magkabati ang mga Ito?
“Justine!”
Napaigtad ang batang si Justine nang biglang isinigaw ng kaniyang ina ang kaniyang pangalan. Galit ang tono nito. Nasa kalagitaan kasi sila ng paglalaro ng kaniyang mga pinsan nang mga sandaling iyon at malamang ay namataan siya nito.
“M-mama? Akala ko po, mamaya pa kayong hapon uuwi?” kinakabahan namang tanong ni Justine sa ina pagkalapit niya rito.
“A, kaya pala lumabas ka ng bahay at dumiretso ka rito?! Hindi ba’t sinabi ko sa ’yo na huwag kang makikipaglaro sa mga pinsan mong ’yan?!” Piningot siya ng inang si Aling Janeth bago siya kinaladkad pauwi. Panay naman ang daing ni Justine dahil nasasaktan siya sa paghila ng ina sa kaniyang tainga.
“Mama, bakit po ba? Mga pinsan ko naman ’yon, e. Hindi naman po ibang tao ang kinakalaro ko,” lumalabing reklamo ni Justine maya-maya nang makauwi na sila sa kanilang bahay.
“Ang tigas naman ng ulo mo, Justine! Mamaya niyan, kapag nakagawa ng kalokohan ang mga pinsan mong ’yan, sasabihin na naman ng mga tito at tita mo, ikaw ang nag-impluwensya sa kanila! Umiiwas lang ako sa away!” ani Aling Janeth sa anak.
“’Ma, hindi naman po kaming magpipinsan ang may away, e. Kayo naman. Bakit pati kami, nadadamay?” Matapos sabihin iyon ay tumakbo nang papasok si Justine sa kaniyang kwarto upang doon magmukmok.
Nabigla si Aling Janeth sa inasta ng kaniyang anak. Hindi naman kasi ito ganoon. Ngayon lamang siya nagawang sagutin ni Justine nang gan’on!
Hindi na kasi kayang tagalan pa ni Justine ang pagkakadamay nilang magpipinsan sa pag-aaway ng kani-kanilang mga magulang simula nang mawala ang kanilang lolo at lola sa magkasunod na taon. Paano’y pinag-aawayan ng mga ito ang manang iniwan ng dalawang yumaong matanda.
“Pinagalitan din kayo?” malungkot na tanong ng isa sa mga pinsan ni Justine, kinabukasan, matapos nilang tumakas sa siesta nila sa hapon upang magkita-kita sa isang bakanteng lote.
“Oo, e. Lagi naman,” sagot ni Justine.
“Para ngang ayoko nang umuwi, e. Palagi na lang nila tayong pinagbabawalang magkita-kita, samantalang sila naman ’yong magkakaaway, hindi naman tayo!” malungkot namang sentimiyento ni Lily, ang bunso sa kanilang magpipinsan na siyang pinakaapektado lalo na at nag-iisang anak lamang siya ng mga magulang at tanging ang kaniyang mga pinsan lamang ang nagsisilbi niyang kapatid at kalaro.
Nagkatinginan ang magpipinsan nang makitang nangingilid ang luha ni Lily. Doon ay tila nagkaroon sila ng ideya. Pursigido na silang pagbatiin ang kanilang mga magulang upang maging malaya na muli silang maglaro nang magkakasama.
Samantala, kanina pang tanghali pinaghahahanap ng kani-kanilang mga magulang ang mga bata, ngunit maggagabi na ay hindi pa natatagpuan ang isa man lang sa kanila. Sa kani-kanilang mga bahay ay nag-iwan sila ng sulat na nagsasabing: “Hindi po kami magpapakita sa inyong lahat hangga’t hindi kayo nagkakabati.”
Noong una ay nag-init ang ulo ng kanilang mga magulang dahil napakaisip-bata ng ginagawang hakbang ng magpipinsang ito, ngunit nang lumipas na ang isang buong araw na hindi pa rin natatagpuan ang sinuman sa kanila ay talagang nataranta na ang kanilang mga magulang! Wala nang nagawa ang mga ito kundi ang mag-usap-usap na matagal din nilang hindi nagawa dahil sa lumalang alitan nila sa partihan sa mana!
Nagkahingian sila ng kapatawaran. Nagkaroon ng kani-kaniyang reyalisasyon tungkol sa maling nagawa nila sa isa’t isa noong mga nagdaang taon. Hindi nila akalaing ang isip-batang hakbang pa ng kanilang mga anak ang magiging daan kung bakit magkakaroon na ng tuldok ang alitan sa pagitan nilang magkakapatid. Minsan, mas alam pa pala ng mga bata kung ano ang tamang gawin kaysa sa mga matatandang ’tulad nila.
Hapon nang araw na iyon. Papunta na sana sila sa police station kung saan ire-report na nila ang pagkawala ng kanilang mga anak nang bigla na lamang umuwi ang mga ito at sama-samang humingi ng tawad sa kanilang ginawa. Ngunit hindi na pinansin ng magkakapatid ang sinasabi ng mga ito, bagkus ay sinalubong na lamang sila ng mahigpit at mainit na yakap.
Tuwang-tuwa ang lahat. Tila ngayon na lamang ulit nagkaroon ng masayang aura ang compound nilang iyon simula nang mawala ang dalawang matanda. Tila lahat ay nawalan na ng pakialam sa manang kanilang tatanggapin dahil napagtanto nilang mas mahalaga pa rin pala ang kasiyahan ng kanilang mga anak kaysa sa anumang materyal na bagay na hindi naman nila pinaghirapan.