Ikinabigla ng Mag-asawang Ito nang Basahin sa Kanila ng Kanilang Anak ang Ginawang Aktibidad Nito sa Eskuwela; Isa Iyong Nakakahiyang Mensahe para sa Kanila!

“Okay, students, may ipagagawa akong activity sa inyo ngayong araw. Since family day ngayon ay gusto kong sumulat kayo sa isang buong papel ng mensahe para sa inyong mga magulang. Ilahad n’yo sa sulat na ’yon ang lahat ng gusto n’yong sabihin sa kanila, mga saloobin at mga bagay na gusto n’yong ipagpasalamat sa kanila. Iche-check ko ’yan mamaya, maliwanag ba?”

Sabay-sabay na sumagot ng “opo” ang mga estudyante sa advisory class ni Binibining Minerva, sa ikaapat na baitang sa elementarya, bago sila nag-umpisang kumuha ng kani-kaniyang mga papel at panulat upang simulan ang kanilang activity. Dahil doon ay sandaling namayani ang katahimikan sa buong klase hanggang sa isa-isa nang matapos sa kanilang ginagawa ang bawat estudyante at nag-umpisa na silang ipasa iyon sa kanilang guro.

Nakangiti si Binibining Minerva habang isa-isang pinapasadahan ng tingin ang mensaheng isinulat ng kaniyang mga estudyante para sa kanilang mga magulang. Ang iba roon ay maiiksi, ngunit mayroon din namang mahahaba at makabagbag damdamin. Ganoon pa man ay natutuwa pa rin siya lalo na at dahil sa mga ganitong pagkakataon ay nagkakaroon ng boses ang mga bata na ilahad ang kanilang mga saloobin.

Sa kalagitnaan ng pagbabasa ni Binibining Minerva ng mga ipinasa ng kaniyang estudyante ay may isa roon na talagang nakakuha ng kaniyang atensyon…

“Gerald?” tawag niya sa kaniyang estudyante na nang mga sandaling iyon ay tahimik na nakatanaw na sa gilid ng bintana. “Halika, lumapit ka.”

Agad namang tumalima si Gerald sa utos ng kaniyang guro. Lumapit siya at nagtanong, “Ma’am, bakit po?”

Bumuntong hininga naman muna si Binibining Minerva bago muling nagsalita. “Anak…” malumanay niyang panimula. “Totoo ba itong mga isinulat mo rito sa mensahe mo sa mga magulang mo?” tanong niya pa na marahan pang hinahagod ang balikat ng bata upang pagaanin ang loob nito.

Sa totoo lang ay hindi alam ni Binibining Minerva kanina kung matatawa ba siya o ano nang mabasa niya ang nakasulat sa aktibidad na iyon ng estudyante niyang si Gerald. Ngunit kalaunan ay mas nangibabaw ang awang nararamdaman niya rito nang mapansing pagkatapos ng aktibidad ay tila nanahimik at nalungkot ang batang kilalang bibo naman sa kanilang klase.

Advertisement

“Opo, ma’am,” sagot ni Gerald bago ito napayuko. Napatangu-tango naman si Binibining Minerva.

“O siya, mamayang uwian ay ihahatid kita sa inyo. Gusto ko, basahin mo sa harapan ng parents mo ang ginawa mong activity, okay? Huwag kang mag-alala, dahil sasamahan naman kita roon,” sabi pa ni Binibining Minerva. Noong una ay halata ang pagtutol sa mukha ni Gerald, ngunit magaling mangumbinsi ang guro kaya naman kalaunan ay napapayag din niya ang bata.

Nang mag-uwian ay ganoon na nga ang ginawa ng guro. Sinamahan niya ang estudyanteng si Gerald sa kanilang bahay at ipinaliwanag niya sa mga magulang nito na bilang parte ng Family Day ay pinagawa niya ng aktibidad ang mga estudyante at gusto niyang marinig ito mismo ng mga magulang ni Gerald.

Tumayo sa kanilang harapan ang bata habang hawak ang papel na pinagsulatan nito kanina. Huminga ito nang malalim bago inumpisahan ang pagbabasa…

“Inay at Itay, salamat po at binigyan n’yo ako ng buhay upang masilayan ang mundo… pero sana po, hindi na lang. Palagi n’yo po kasi akong pinagagalitan kapag talo si Itay sa sabong o talo si Inay sa tong-its. Palaging nasa oras kung pakainin ni Itay ang mga manok niya, at kung diligan ni Inay ang kaniyang mga halaman, samantalang palagi naman akong pinalilipasan ng gutom. Ampon po ba ako? At sila ang mga tunay na anak n’yo? May pambili po kasi kayo ng patuka at abono, pero kapag pambaon ko, nag-uuyuhan pa kayo. Pero Inay at Itay, alam n’yo po ba, mahal ko kayo. Kahit palagi n’yo po akong pinapalo kahit naghuhugas naman ako ng pinggan at nag-iigib ng tubig. Mahal ko pa rin po kayo… ako po ba, mahal n’yo rin?”

Halos hindi mapakurapang mag-asawang Ising at Boyong matapos basahin ng kanilang anak ang aktibidad na iyon na naglalaman ng isang nakakahiyang mensahe para sa kanila! Bigla silang nahiya sa kanilang sarili at agad na nakaramdam ng awa sa kanilang nag-iisang anak. Hindi nila akalaing gan’on na pala ang nadarama ni Gerald sa kanila! Nakalimutan nilang pagtuunan ng pansin ang bata at ngayon ay malaki na ang tampo nito sa kanila!

Matapos iyon ay ibayong paghingi ng tawad ang ginawa ng dalawa sa kanilang anak. Nangako silang babawi kay Gerald sa harap ni Binibining Minerva. Bukod sa ayaw na nilang maulit pa ang nakakahiyang pangyayaring ’yon ay ayaw rin naman nilang mawala sa kanila si Gerald. Ayaw nilang magsisi sa huli.