
Bumalik ang Kaibigan Niya na Matagal Niyang Hindi Nakita; Iyon Pala ay Iiwan Lamang Nito sa Kaniya ang Pinakamamahal Nitong Kayamanan!
Nagising si Laura sa ingay na nagmumula sa ibaba, kaya naman inis na bumangon siya at dali-daling pumasok sa banyo. Agad siyang nagmadaling maligo at dali-daling nagbihis upang tingnan kung ano’ng kaganapan ang nangyayari doon.
“Good morning!” pasigaw na bati ni Laura at agad niyang nakuha ang atensiyon ng lahat. Hindi niya napansin na nandoon ang pinakamatalik niyang kaibigang si Bianca na limang taon din niyang hindi nakita sapagkat lumipat ito ng eskuwelahan at nakitira muna sa kaniyang tiyahin. Agad na lumapit si Bianca at humalik sa pisngi niya.
“Kumusta?” bati ni Bianca habang nagsasandok ng kanin sa kaniyang plato. Inaya kasi ni Laura na saluhan siya nito sa umagahan.
“Maayos naman, ikaw? Ang tagal din nating hindi nagkita, mabuti naman at nakauwi ka na,” masayang bati ni Laura sa kaibigan.
“Okay lang din, naging abala lang ako nitong mga nakaraan dahil may inasikaso ako kaya hindi ako makatawag sa’yo,” sabi ni Bianca habang abala sa pagtatanggal ng tinik ng isda.
Wala nang natanggap na sagot si Bianca mula kay Laura kaya nanahimik na din ito. Pagkatapos kumain ay agad ding nagpaalam si Bianca na may gagawin pa siya.
Maya-maya ay umalis na rin naman si Laura dahil may pasok pa siya sa pinagtatrabahuhang fast food chain. Working student kasi si Laura. Ngayon ay sabado at kailangan niyang pumasok nang maaga dahil mawawalan siya ng trabaho kapag siya ay na-late pa. Pagdating niya roon ay agad siyang nagpalit ng damit at nagsuot ng apron. Naging abala ang maghapon niya kaya hindi niya namalayan na alas siyete na ng gabi. Kailangan na niyang umuwi at mag-review dahil may exam pa sila sa lunes. Pagkauwi niya ay agad siyang naligo bago itinuon sa pagre-review ang sarili.
Habang nagre-review si Laura ay naalala niya si Bianca dahil madalang na naman niya itong makausap. Pareho na kasi silang abala at halos wala nang oras na magkumustahan pa. Nagtataka rin siya dahil pakiramdam niya ay lumalayo na rin ang loob ni Bianca sa kaniya. Tila ba iniiwasan siya nito sa hindi niya malamang kadahilanan.
Nakapasa si Laura sa exam at siya ay magtatapos na sa isang buwan. Noon ay naisipan niyang ibalita iyon sa kaibigan ngunit bigla na lamang siyang nakatanggap ng tawag mula sa numero ni Bianca. Agad niya itong sinagot nang may kasabikan, ngunit hindi boses ng kaibigan ang kaniyang narinig sa kabilang linya kundi tinig ng isang lalaki.
“Hello? Ito po ba ang pamilya ni Bianca?” tanong ng nasa kabilang linya.
“Hindi po, bestfriend niya po ito. Bakit nasa inyo po ang telepono ni Bianca?” Kumunot ang noo ni Laura sa pagtataka.
“Narito siya ngayon sa ospital. Naaksidente po ang kaibigan n’yo. Kayo lang ang tanging contact na narito sa kaniyang telepono kaya kayo ang natawagan namin,” paliwanag pa ng kaniyang kausap na agad namang ikinabigla ni Laura!
“S-sabihin n’yo po sakin ang buong address ng ospital at pupunta po agad ako. Ipapaalam ko na rin po ito sa magulang niya,” sagot pa ni Laura sa gitna ng nadaramang kaba.
Kinakabahan at natatakot na lumapit si Laura sa pinto ng kwartong kinaroroonan ng kaibigan sa ospital. Pagbukas ni Laura ng pinto ay agad siyang natigilan at nagulat sa nakitang sinapit ng kanyang kaibigang halos hindi na niya makilala!
Puno ng galos ang buong mukha at katawan nito. Marami ring nakakabit na kung ano-ano sa katawan at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito gumigising. Halos matumba na si Laura sa kaniyang kinatatayuan dahil sa panghihina. Naglakad siya papalapit sa kaibigan at humagulhol!
Hinakawan niya ang kamay ni Bianca at kinausap ito na parang nakikinig ito sa kaniya. Ipinaalala niya lahat ng magandang pangyayari simula nang magkakilala sila. Agad na natigilan si Laura nang gumalaw ang kamay ni Bianca na hawak niya at agad itong nag-angat ng tingin sa kaniya.
“L-Laura,” panimula ng kaibigang bagama’t hirap na umusal ng salita’y pinilit pa rin siyang kausapin. “Alam kong malaki ang tampo mo sa akin dahil matagal din tayong hindi nagkakausap. Pasensiya ka na,” malungkot pang dagdag nito.
“Ano ba ang nangyari at nagkaganiyan ka?” humihikbing tanong niya sa kaibigan ngunit hindi naman nito pinansin iyon at nagpatuloy lamang sa pagsasalita.
“Laura, gusto ko sanang sa ’yo na lang iwanan ang anak ko…” –Ikinagulat ni Laura ang tinurang iyon ng kaibigan— “Nais ko sanang ikaw ang mag alaga at magpalaki sa kaniya. Alam kong mabuti kang tao at gusto kong maging katulad mo siya,” hirap na hirap pang sabi nito.
“Bianca, ano ba ang sinasabi mo?!” Natataranta na si Laura dahil sa tila pamamaalam na ng kaibigan. Ngunit bago pa man siya tuluyang makatawag ng doktor ay agad nang naging tuwid ang guhit sa heart rate monitor ng kaniyang kaibigan!
Pagkalipas ng dalawang taon…
Tinupad ni Laura ang hiling ng kaniyang kaibigang si Bianca. Nalaman niyang umalis pala si Bianca noon sa kanilang lugar hindi upang lumipat ng eskwelahan kundi upang iraos ang pagbubuntis nito kay Kian.
Masakit man ang pagkawala ng matalik niyang kaibigan ay kinailangan niyang maging matatag upang mapunan niya ang responsibilidad niya sa iniwan nitong kayamanan. Ganoon pa man, kailan man ay hindi niya pinagsisisihang kinupkop niya si Kian. Ang batang ito ang naging swerte niya upang umangat ang estado nila sa buhay. Pakiramdam niya, kahit nasa kabilang buhay na si Bianca ay ginagabayan sila nito na siyang nagpapanatili ng pagmamahal nito para sa kanila.

Hindi Makapaniwala ang Mag-asawa sa Himalang Dumating sa Kanilang Buhay; Ito na nga Ba ang Matagal na Nilang Hinihintay?
