Ang Misteryosong Pasahero

Pagsapit ng alas-singko ng hapon ay nagmamadali nang gumayak si Gemma para umuwi. Pahirapan na naman kasing sumakay kapag ganoong oras.

Paglabas niya sa gusali kung saan siya nagtatrabaho ay agad niyang tinungo ang sakayan ng bus.

“Maluwag pa, Maluwag pa sakay na!” sigaw ng konduktor ng bus.

Dali-dali siyang sumakay at umupo sa bakanteng upuan.

“Salamat naman at nakaupo,” bulong niya sa sarili.

Sunud-sunod ang mga tao sa pag-akyat sa bus, lahat ay umaasang makakaupo rin at magiging kumportable ang kanilang biyahe pauwi.

“Diretso lang kayo sa loob. May mga bakante pang mauupuan,” saad pa ng matandang konduktor sa mga sumasakay na pasahero.

Nang makaupo na ang lahat, saka lamang umandar ang bus. Nagsimula na ring mag-ticket ang konduktor. Nakailang tigil pa ang bus upang makapagsakay ng mga pasahero. Bahagya namang nakaidlip si Gemma habang ang ulo’y nakasandal sa salaming bintana.

Advertisement

Maya-maya ay bigla siyang naalimpungatan nang magpreno ang bus, dahilan upang siya ay muntikang mahulog sa kinauupuan.

“Ano ba iyan?!” inis niyang bulong sa sarili.

“Sakay na, sir,” narinig niyang sabi ng konduktor. “Makakaupo pa kayo.”

Sa kuryosidad ay sinilip ni Gemma ang pasaherong kausap ng konduktor. Isa iyong lalaki na may mahabang buhok at bigote. Nakasuot ng kulay puting t-shirt at kupas na maong na pantalon.

“Saan po ba kayo?” nakangiting tanong ng matandang konduktor.

Lumingon ang lalaki at sinilip ang loob ng bus.

“Maliwang pa po sir,” wika pa ng konduktor.

Para namang hindi nakumbinsi ang lalaki. Muli nitong ibinalik ang tingin sa konduktor, ni hindi gumalaw sa kinatatayuan. Umiling-iling lamang ang ulo.

Advertisement

“Makakaupo ka pa sir,” pag-uulit ng konduktor. Humakbang na ito palapit sa kausap at itinaas ang kanang kamay. Hinawakan nito ang likurang bahagi ng balikat ng lalaki at iginiya ito patungo sa pintuan ng bus. Wala nang nagawa ang lalaki kundi ang pumanhik sa loob. Isang malakas na buga ng hangin ang narinig ni Gemma ng nagsara ang pinto ng bus.

“Pasok po kayo, sir. Sa dulo po meron pang upuan.”

Nang biglang nagsalita ang lalaki.

“Walang nang mauupuan, manong,” wika nito. Malaki ang boses ng lalaki, malumanay ngunit malinaw sa pandinig.

“Ha?” sagot ng konduktor. Lumapit ang matanda at tumayo sa likuran ng lalaki. Tumingkayad pa ito upang makita ang likuran ng bus. Napakamot ng ulo ang konduktor.

“Naku, wala na pala. Pasensya na sir. Mayroong bababa riyan mamaya, hintayin mo na lang,” sagot ng konduktor sabay talikod at naglakad pabalik sa tabi ng drayber.

“Ang sabi mo, makakaupo pa ako!” sabi ng lalaki sa mataas na tono.

“Mayroon ngang bababa diyan malapit lang. Makakaupo ka rin sir, huwag kang mag-alala,” tugon ng konduktor habang umiling-iling.

Advertisement

“Sinungaling ka!” malakas na sigaw ng lalaki na nakatayo pa rin sa may likuran ng bus.

Biglang nagpantig ang tainga ng konduktor sa sinabi ng lalaki. “Hay naku! Pare-pareho lang tayong gustong makauwi. Kaya, pasensya na lang kayo. Tiis-tiis na lang muna! Kung ayaw niyo, bumaba kayo!”

Hindi sumagot ang lalaki. Sa palagay niya ay nakatitig lamang ito sa konduktor, na mukhang nagpapatay-malisya na lamang. Hindi na pinansin ni Gemma ang pangyayari at muling pumikit at sinubukang umidlip muli. Naglagay pa siya ng unan sa leeg para kumportable ang kanyang pag-idlip.

Maya-maya ay bigla siyang naalimpungatan dahil biglang bumilis ang takbo ng bus, may nadaraanang mga lubak, at minsa’y nagpapa-ekis-ekis sa kalsada, o kaya’y biglang magpre-preno. Kinabahan si Gemma sa nangyayari at mas lalo pa siyang kinabahan nang makita niya ang lalaking pasahero na hindi man lang natitinag sa kinatatayuan kahit na nagpapagewang-gewang na ang bus.

“Paanong hindi gumagalaw ang mamang ito gayong hindi naman siya nakahawak sa bakal na hawakan sa kisame, o kaya’y sa mga upuan? Nasa kanyang magkabilang tagiliran lamang ang kanyang dalawang kamay?” nagtataka niyang sabi sa isip.

Nang biglang sumigaw ang lalaki.

“Sinungaling, sinungaling, sinungaling!”

Paulit-ulit na sinisigaw ng lalaki ang iisang salitang iyon na para bang galit na galit ito sa pinagsasabihan.

Advertisement

Kinabahan na rin ang ibang pasahero. Ang iba ay nainis sa ginawang pagsigaw ng lalaki.

“Hoy tumigil ka nga sa pagsigaw mo at nakakarindi ka!” inis na sabi ng isang matandang babaeng pasahero.

“Tumahimik ka nga pare sa pagsigaw mo. Natutulog ang tao e, nakakaistorbo ka!” sabi pa ng isang lalaking pasahero.

“Ano ba ang nangyayari bakit pakiramdam ko ay parang babangga ang sinasakyan natin?” kinakabahang sabi ng isang babaeng pasahero na katabi niya sa upuan.

Nang biglang namat*y ang lahat ng ilaw sa loob ng bus. Napasigaw ang ilan sa mga pasahero. Napalingon si Gemma sa bintana at napatigalgal sa kaniyang nakita. Walang kahit na anong bagay sa labas, tila ba namat*y din ang lahat ng ilaw. Walang mga tao, bahay, o mga sasakyan sa kalsada. Tanging ang bus lamang na sinasakyan nila.

Maya-maya ay naramdaman niya na pabilis na nang pabilis ang takbo ng bus hanggang sa ‘di niya inasahan ang sumunod na nangyari. Biglang sumalpok ang bus sa malaking poste at nagdilim ang kanyang paningin.

Nang imulat ni Gemma ang mga mata ay naramdaman niyang nananakit ang buo niyang katawan. Nakahiga siya sa kama at nakita ang sarili na nasa loob ng isang silid.

“O gising ka na pala,” sabi ng nurse na pumasok sa loob ng silid.

Advertisement

“A-anong nangyari sa akin?” tanong niya.

“Hindi mo ba naaalala? Naaksidente ang sinakyan mong bus. Bumangga ito sa malaking poste at nagliyab ang unahang bahagi. Napakapalad mo at isa ka sa apat na himalang nakaligtas. Mabuti na lamang at nasa likurang bahagi ka ng bus kung saan hindi natupok ng apoy,” bunyag ng nurse.

“Diyos ko, ibig sabihin totoo ang…” tangi niyang nasambit.

Napagtanto niya na ang mga naganap ay hindi isang panaginip. Totoong naaksidente ang sinakyan niyang bus.

“I-iyong lalaking may mahabang buhok at bigote? Naka-suot siya ng puting t-shirt at kupas na maong. Nakaligtas din ba siya sa aksidente?” tanong niya.

“Lalaking may mahabang buhok at bigote? Lahat ng pasahero ng bus na dinala dito sa ospital ay nakita ko. Kahit pa ang mga pasaherong binawian ng buhay ngunit wala akong natatandaan na lalaking may mahabang buhok at bigote. Bakit miss, kasama mo ba siya?” balik na tanong ng nurse.

Kinilabutan si Gemma sa narinig. Malaking palaisipan sa kanya kung sino ang lalaking iyon na sumisigaw kanina sa loob ng bus at galit na galit sa konduktor. Naisip niya na baka ito ang dahilan kung bakit naaksidente ang bus na sinakyan niya. Gumanti ang lalaki dahil sa niloko ito ng konduktor na may mauupuan pa ngunit ang totoo ay wala na naman pala at pilit lang itong pinasakay sa bus para sa karagdagang kita. Sayang nga naman ang ibabayad ng pasahero, kaya ayos lang na hindi ito makaupo ng maayos.

Hindi man niya matiyak kung ano ang katauhan ng misteryosong lalaking pasahero sa bus ay isa ang kaniyang natutunan, huwag na huwag magsisinungaling at manlalamang sa kapwa dahil maaaring kapahamakan ang maidulot nito sa sinuman gaya na lamang ng nangyari sa kanila. Malaki pa rin ang pasasalamat niya sa Diyos dahil binigyan pa siya ng ikalawang pagkakataon para mabuhay.