Bata pa lang sina Jessica at Arnold ay ipinagkasundo na sila ng mga magulang nilang ipakasal pagdating ng takdang panahon.
“Bakit hindi na lang kayo ang magpakasal sa antipatikong Arnold na iyon, ‘ma?!” naiinis na wika ni Jessica sa ina.
“Susmiyo, anak! Alam mo naman na may asawa na ako. Ikaw itong kailangan nang mag-asawa dahil matandang dalaga ka na. Puro na lang negosyo ang inaatupag mo at wala ka nang panahon para sa sarili mo,” wika ni Cynthia, ang ina ni Jessica.
“Ma, hindi pa naman ako matanda ‘no! Trenta’y singko pa lang ako. Ano ba ang kinakatakot niyo at minamadali niyo akong mag-asawa?” naiiritang sagot ni Jessica.
“Hindi pa ba matanda para sa’yo ang trenta’y singko, Jessica? Susmiyo iyong iba nga, kinse pa lang buntis na,” nade-depress na wika ni Cynthia sa anak na mas matigas pa yata sa bato ang bungo.
Ganun din sa parte ni Arnold. Halos araw-araw din nilang pinagtatalunan ang kasunduang kasal.
“Pa, hindi pa ako handang mag-asawa. Maraming iiyak na babae ‘pag nagpakasal ako. Kaya pwede bang tantanan niyo muna ako sa usapan na iyan?” pakiusap ni Arnold sa mga magulang.
“Arnold, pwede bang tama na ang pakikipaglaro at magseryoso ka na? Hindi ka na bumabata, pinapaalala ko lang sa’yo,” desperadong wika ni Alfonso, ang ama ni Arnold.
Ngunit kahit anong pilit nilang dalawang ayaw pa nilang magpakasal ay nasunod pa rin ang kanilang mga magulang. Bata pa lang sila ni Arnold ay hindi na nila gusto ang isa’t-isa. Magkaibang-magkaiba ang ugali nilang dalawa kaya nakakalokang isipin na ito ang asawa niya. Paano sila magsasama sa iisang bahay? Lagi silang mag-aaway? Tsk!
“Asawa lang kita sa papel, Jessica, kaya hindi ko obligasyong isipin ang nararamdaman mo. Tama ba? Kasal tayo pero hanggang dun lang,” wika ni Arnold na agad pinagtaasan ng kilay ni Jessica.
“Okay, whatever. Ano bang paki ko sa’yo? Basta ito ang usapan. Gagawin mo kung ano ang gusto mo at gagawin ko rin kung ano ang gusto ko. Basta ang usapan, walang dalahan ng babae rito sa bahay!” wika ni Jessica na agad namang sinang-ayunan ni Arnold.
Ganun na nga ang nangyari sa pagitan nila. Mag-asawa sila sa mata ng iba pero hindi para sa kanilang dalawa. Pakiramdam niya’y housemate lang niya ang lalaki. Hindi siya nagtatanong kung bakit ito ginabi ng uwi at wala siyang pakialam kung saan man ito nagpunta. Ngunit hindi lahat ng nangyayari ay hindi pemanente. Dahil habang nakakasama ni Jessica at nakikilala niya ang totoong ugali ni Arnold ay dahan-dahang nahuhulog ang puso niya sa lalaki. Kaso alam niyang lugi siya dahil may batong puso ang lalaki at malabong masuklian nito ang pag-ibig niya.
“Jessica, ihahatid na kita,” pagpe-presenta ni Kean na agad namang tinanggihan ni Jessica. “Isang taon ka nang kasal pero ni minsan hindi ko pa nakitang sinundo ka ng asawa mo,” dugtong pa nito.
“Abala kasi iyon lagi sa negosyo niya kaya wala na siyang oras sa mga ganung bagay,” pagdadahilan pa ni Jessica. Hindi na lang niya dinagdag pa ang nais sanang sabihin. Hindi naman niya gustong siraan sa iba si Arnold.
“Alam mo kung ako lang ang asawa mo? Kahit gaano pa ako ka-abala sa kung ano-anong bagay, basta pagdating sa taong mahal ko wala ang salitang abala. Kasi kapag mahal ka, ikaw dapat ang prayoridad,” wika ni Kean. Kahit inaayawan niya ito ay wala siyang nagawa sa kakulitan ni Kean. Mabait ang lalaki pero alam niyang hindi pwede. Kasal na siya at legal iyon kahit pa sabihing sapilitan lang ang lahat.
“Balita ko may naghahatid na raw sa’yo ah,” wika ni Arnold isang araw nang magkasabay silang kumain.
“Oo si Kean, manliligaw ko. Alam naman niyang wala na siyang pag-asa dahil kasal na tayo,” balewalang sagot ni Jessica.
“Talaga ba? Kung alam niyang wala siyang pag-asa, bakit nag-eeffort pa rin siya?” tanong pa nito.
“Nagmamagandang loob lang siya. Sabi niya kasi isang taon na akong kasal pero ni minsan hindi man lang niya nakita ang asawa ko. Hindi ko masabing hindi naman kita asawa, dahil kasal lang naman tayo sa papel,” may tunog panggigigil na wika ni Jessica.
Naiinis din siya sa pagiging manhid ni Arnold sa nararamdaman niya pero hindi niya ito sinita kahit kailan. Pero ito nakatunog lang na may naghahatid sa kaniya, kung makatanong animo’y isang imbestigador. “At saka bakit ba tanong ka nang tanong? Nagseselos ka ba?” deretsahang tanong ni Jessica.
“Bakit naman ako magseselos? Nagtatanong lang ako kasi magkasama tayo sa bahay. May usapan tayo ‘di ba na walang ibang taong dadalhin sa bahay na ‘to?” palusot ni Arnold.
“Hindi ako nakakalimot Arnold, huwag kang mag-aalala,” wika ni Jessica.
Isang gabing pauwi na si Jessica ng magulat siya dahil naghihintay sa kaniya si Arnold. “Anong ginagawa mo rito?” takang tanong ni Jessica.
“Sinusundo ka. Sabi mo kasi kahit isang beses hindi pa ako nakikita ng mga katrabaho mo. Kaya heto ako ngayon, pinapakilala ko ang sarili ko sa kanila na ako ang asawa mo,” wika ni Arnold na sinadya pang lakasan ang boses upang marinig iyon ng mga taong nakapalibot sa kanila.
“Ano bang ginagawa mo? Nagseselos ka ba?” bulong ni Jessica kay Arnold sabay hila ng lalaki palabas ng kumpanya. “Ano ba ‘to? Para kang siraulo. Hindi mo naman kailangang gawin ‘to, alam ko naman ang lugar ko. Hindi naman kita pagtataksilan, hindi ako kagaya mo,” naiinis na wika Jessica.
“Anong ibig mong sabihin? Hindi kita niloloko ‘no! Hindi na nga ako nambababae mula nung ikinasal tayo,” pag-amin ni Arnold. “Ayokong may umaaligid sa’yong lalaki. Masyado kang maganda kaya mahirap na! Paano kung pursigido iyong asungot na manliligaw mong agawin ka sa’kin? Tapos makikipag-divorce ka sa’kin, anong gagawin ko?” naghihisterikal na wika ni Arnold.
“Maniniwala na sana ako na totoo ang mga sinasabi mo. Kaso bigla akong nagduda sa sinabi mong divorce,” natatawang biro ni Jessica. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang rebelasyong ginawa ni Arnold, kaya dinaan na lang niya ito sa biro.
“Hindi ako nakikipagbiruan sa’yo, Jessica!” naiinis na wika ni Arnold.
“Ano ba kasi ang gusto mong sabihin?” natatawa pa ring wika ni Jessica.
“Bakit mo na ako tinatawanan? Mahal kita noon pa, kaso hindi mo kasi ako mahal kaya itinatago ko lang ang nararamdaman ko. Nagkaroon lang naman ako ng lakas ng loob kasi natakot akong baka maagaw ka ng iba sa’kin,” wika ni Arnold. Hindi makapagsalita si Jessica at animo’y nalunok niya ang kaniyang dila. Kaya niyakap na lang niya ang asawa at ginawaran ng magaan na halik sa labi.
“Sapat na ba iyon para malaman mo ang nararamdaman ko?” nakangiting wika ni Jessica. “Mahal na rin kita mula nung nakakasama na kita, kaso natakot akong umamin. Baka kasi ako lang ang nakakaramdam ng pagmamahal. Lagi ko kasing naaalala ang sinasabi mo na kasal lang tayo sa papel,” pag-amin na rin ni Jessica.
“Sorry, pwede bang kalimutan na lang natin ang sinabi ko noon? Magsimula tayo ulit, ayokong mag-divorce tayo,” wika ni Arnold habang yakap-yakap si Jessica.
“Wala ngang divorce sa ‘Pinas e,” natatawang wika ni Jessica. “I love you, Arnold.”
“I love you too, Jessica.” masayang ganti naman ni Arnold sabay siil ng halik sa labi ng asawa.
Nagsimula si Jessica at Arnold sa sapilitang pagpapakasal. Kaya hindi nila inakalang dadating sila sa puntong mamahalin nila ang isa’t-isa. Minsan talaga, hindi mo aakalain na makikita mo ang pag-ibig sa maling pagkakataon.